Propaganda editorial from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): Editorial - Wakasan ang gerang kontra-Moro ng rehimeng US-Duterte
Ang halos 100-araw nang pagkubkob ng rehimeng US-Duterte sa Marawi City ay isa nang ganap na digmang pagsupil sa iba’t ibang mga grupong Moro na nagpasyang ipagpatuloy ang armadong pakikibaka para ipagtanggol at isulong ang hangarin ng mamamayang Moro para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili.
Ang walang pakundangang pambobomba at panganganyon nito sa syudad ay nagresulta sa malawakang pagkawasak ng mga ari-arian at kabuhayan, at pagkamatay ng hindi bababa sa isanlibong sibilyan. Nagbunsod ito ng pagkawasak sa ekonomya at masidhing krisis ng kasalatan at kagutuman.
Mala-henosidyo ang tindi ng gerang inilunsad ni Duterte laban sa mamamayang Moro para pasunurin sila sa kanyang kagustuhan at pasya. Binigyan nito ng buong laya ang pasistang AFP para magsagawa ng malawakang pamamaslang, arbitraryong pang-aaresto at detensyon, pagtortyur, panggigipit at pang-aabuso sa mga sibilyan. Walang sagkang dinambong ng mga sundalo ang mga ari-arian ng mga taga-Marawi, mula sa milyun-milyong kita at impok ng mga negosyante hanggang sa simpleng mga gamit sa bahay ng mga ordinaryong residente.
Buo nitong inihain ang syudad sa AFP at US. Binigyan ni Duterte ng pambihirang pagkakataon ang US para sa mas malawak na interbensyong militar. Nagkaroon ng malaking puwang ang militar ng US na ikasa ang isang malawakang operasyong militar na ala-Syria (kumbinasyon ng airstrike at special forces) sa bansa, kasabay ng pagtatambak ng mga lumang armas at pagsasagawa ng samu’t saring pagsasanay-militar sa pagitan ng mga tropa nito at ng AFP.
Lumilinaw ang interes ng US na muling gamitin ang Marawi bilang base at magmantine dito ng malaki at mas permanenteng presensya. Muling binuhay ang 1953 dikretong nagsasaad na isang malaking reserbasyong militar ng US ang 80% ng syudad. Lumilinaw rin ang kagustuhan nitong magbalangkas ng panibagong tratadong militar gamit ang multo ng ISIS sa Pilipinas at sa Asia.
Pilit na inilalarawan ni Duterte ang gera at pagkubkob ng AFP sa Marawi bilang “gera kontra-terorismo” at “laban sa dayuhang ISIS” sa desperasyong itago ang mga dahilan sa likod ng lumalaganap na armadong paglaban sa Marawi at iba pang bahagi ng Bangsamoro. Inakala ni Duterte na sa pagpataw niya ng batas militar sa Mindanao ay masisindak niya ang masang Moro at Pilipino at mapatatahimik sa kanilang laban.
Sa halip na mapaluhod ang mamamayang Moro, lalong ginatungan ni Duterte ang kanilang nagbabagang galit. Abot-langit na ang kanilang pagkamuhi kay Duterte, na mapang-insulto pang nagmamalaking may dugong Maranao. Batid nila ang katotohanan sa likod ng pagkubkob ng kanilang syudad at paggamit nito sa multo ng ISIS na alam din nilang likha ng US. Ang ilang armadong grupong Moro, kabilang ang grupong Maute, na unang nagsama-sama sa Marawi para sa isang rido, ay nadagdagan nang nadagdagan ng iba pang mga armadong grupo. Ang sinimulan nilang rido laban sa kalabang angkan, ngayo’y isang rido na laban sa AFP, sa US at rehimeng Duterte.
Sa pagpataw ng batas militar, nagawa ni Duterte na konsolidahin ang kanyang kontrol sa reaksyunaryong militar at estado at tiyakin ang pananatili niya sa poder. Naisaisantabi niya ang mga lokal na upisyal na Moro at kanilang sibilyang awtoridad. Sinusuhulan at binabantaan niya para tumahimik ang iba’t ibang grupong Moro.
Todo-buhos si Duterte ng pondo sa AFP. Naiulat na gumastos na nang mahigit P3 bilyon ang estado para sa gastos pa lamang ng Philippine Army sa tatlong-buwang gera. Wala pa rito ang tinatayang P1.3 milyong ginagastos ng rehimen kada araw para sa mga misayl at rocket pa lamang ng mga eroplanong pandigma. Milyun-milyon na ang nilikom niya mula sa kanyang mga kroning oligarko para diumano sa mga sugatan at nasawing sundalo.
Sa proseso ng paglulunsad ng gerang kontra-Moro sa Marawi at todong gera sa buong bansa, tuluyang pumailalim si Duterte sa dikta at interes ng imperyalismong US. Bukas-palad niyang tinanggap ang ayuda at gamit-militar mula rito. Malugod niyang sinalubong nitong Agosto si Sec. Rex Tillerson ng State Department ng US, kinatawan ng pinakamalalaking monopolyo kapitalistang Amerikano.
Hindi pa man natatapos ang gera sa Marawi, kumakalat na ang apoy ng armadong paglaban ng mamamayang Moro. Masidhi ang pagnanais ng mamamayang Moro na armadong magtanggol sa kanilang interes at kapakanan. Katuwang ang Bagong Hukbong Bayan, ang armadong rebolusyon ng Bangsamoro para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ay tiyak na susulong sa walang kapantay na antas sa mga darating na panahon.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-wakasan-ang-gerang-kontra-moro-ng-rehimeng-us-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.