NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 27): Hinggil sa iligal na pag-aresto at detensyon ng 9th IDPA kay Antonio Narvaez
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
27 July 2017
Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang iligal na pag-aresto at pagdetine kay Antonio Narvaez, residente ng Sityo Salaysay, Brgy. Sibaguan, Sangay, Camarines Sur nitong Hunyo 19. Matapos maghalughog sa tahanan ng pamilya Narvaez nang walang ipinapakitang search warrant, sapilitang dinakip si Antonio ng mga elemento ng 83rd IBPA na nag-operasyon sa kanilang lugar. Ayon sa mga magulang ni Antonio, bumalik pa ulit ang mga sundalo kasama ang kanilang anak ngunit hindi ito hinayaang lumapit sa kanila.
Ang iligal na pang-aaresto at pagdetine kay Antonio Narvaez ay malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law na kapwa kinikilala ng gubyerno ng Pilipinas at ng rebolusyonaryong kilusan sa bisa ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights ang International Humanitarian Law.
Sa katunayan, hindi lamang ang internasyunal na makataong batas ang binalewala ng militar, linabag nila maging ang mga batas na isinasaad mismo ng kanilang reaksyunaryong gubyerno sa ilalim ng Revised Penal Code ng Pilipinas o Act No. 3815. Linabag ng yunit ng 83rd IBPA na dumukot kay Narvaez at ng 9th IDPA na sumasaklaw sa naturang batalyon ang sumusunod na mga artikulo ng Act No. 3815 (The Revised Penal Code of the Philippines):
a. Article 124. Arbitrary detention – Ayon dito, hindi maaaring magdetine ang isang upisyal o alagad ng batas nang walang karampatang dokumento. Sa kaso ni Narvaez, walang anumang dokumento tulad ng arrest warrant na ipinakita sa pamilya bago kunin ang akusado.
b. Article 125. Delay in the delivery of detained persons to the proper judicial atuthorities – Isinasaad dito na dapat mailipat ang kustodiya ng akusado sa tamang otoridad na nakasasaklaw ng kaso. Ang palugit para sa paglilipat ng kustodiya ay mula labing-dalawang oras para sa magagaang kaso hanggang tatlumpu’t anim na oras para sa mabibigat na kaso. Si Antonio Narvaez ay walong araw o pitumpu’t dalawang oras nang hawak ng kasundaluhan at hindi pa rin naililipat sa kustodiya ng kapulisan. Hindi ilinatag sa kanyang pamilya o sa kanya ang batayan ng pag-aresto at hindi rin siya hinayaang makipag-ugnayan sa kanyang abugado o ligal na tagapayo.
c. Article 128. Violation of Domicile – Hindi pinahihintulutan ng batas na ito ang sinumang upisyales ng gubyerno na pumasok, manghalughog o kumuha ng pagmamay-ari nang walang karampatang dokumento (tulad ng search warrant). Ayon sa pahayag ng pamilya Narvaez, sapilitang pinasok at hinalughog ng mga elemento ng 83rd IBPA ang kanilang tahanan nang walang ipinapakitang search warrant.
Ang kaso ni Antonio Narvaez ay isa lamang sa mahaba nang tala ng mga paglabag sa karapatang-tao ng 9th IDPA sa Kabikulan. Nagngangalit ang mamamayang Bikolnon sa paghahari-harian ng berdugong militar hindi lang sa rehiyon kundi sa buong bansa. Ilang kaso na nga ba ng iligal na pag-aresto, panghahalughog, panghaharas, pambubugbog, panununog ng tahanan, panggagahasa at pagpaslang ang nagawa at hindi pinanagutan ng mga militar?
Ito ang mukha ng kasundaluhan ng Pilipinas. Isang hukbong walang ni katiting na pagrespeto sa karapatang tao at mga batas na pumuprotekta nito. Isang hukbong malayang nakapamamaluktot ng katotohanan at nakapagyayabang sa midya bilang mga tagapagtanggol ng masa sa kabila ng kanilang mga krimen sa mamamayan. Isang hukbong walang takot yurakan ang karapatan ng taumbayan dahil protektado ng pinakamatataas na upisyales ng bansa. Sa bisa ng kontra-mamamayang todo-gera ni Duterte: gera laban sa drogang Oplan Tokhang, kontra-insurhensyang programang Oplan Kapayapaan at Batas Militar, nararanasan ng mamamayan ang ibayong pagsahol ng kalagayan ng karapatang tao sa kamay ng berdugong militar.
Hindi maaasahan ng mamamayan ang estado sa pagtatanggol ng kanilang karapatan sapagkat ito mismo ang tagapagtaguyod ng gera laban sa taumbayan. W alang proteksyong matatamasa ang mamamayan sa ilalim ng isang estadong siya ring lumalabag sa sarili nitong mga batas maipagtanggol lamang ang pasismo at terorismo ng pwersa nito. Walang ibang aasahan ang taumbayan kundi ang sarili nitong lakas na magmumula sa organisado’t nagkakaisang pwersa ng mga uring inaapi at pinagsasamantalahan.
Nananawagan ang CPP-NPA-NDF Bikol sa mamamayang Bikolnon na lumahok sa pakikibaka ng mamamayan para sa katarungan, kapayapaan at tunay na pagbabago. Hinahamon ng rebolusyonaryong kilusan ang mga kagawad ng midya sa Bikol na tupdin ang mandato nitong maghatid ng tunay na nangyayari sa rehiyon labas sa dikta ng kasundaluhan at maging bahagi ng pagtatanggol ng karapatang-tao.
Nananawagan din ang NDF-Bikol sa lahat ng mga tapat na abugado ng bayan na tumulong sa pag-aasikaso ng kaso ni Antonio Narvaez at ng iba pang biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng kasundaluhan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga ligal na organisasyong nagtatanggol sa karapatang sibil tulad ng Karapatan.
Sa huli, ang tunay na katarungan at pagrespeto sa karapatang tao ay makakamit lamang sa pagwasak sa kasalukuyang estado at pagpupundar ng demokratikong gubyernong bayang ititindig ng rebolusyonaryong kilusan at ng laksa-laksang mamamayan.
Berdugong Militar at Pasistang Rehimeng Duterte, Singilin at Pagbayarin!
Mamamayang Bikolnon, Magkaisa! Ipagtanggol ang Karapatang-tao!
Isulong ang Tunay na Pagbabago, Isulong ang Digmang Bayan!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.