Saturday, April 8, 2017

CPP/Ang Bayan: Itakwil ang mga kontra-kapayapaang utusan ng US

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Itakwil ang mga kontra-kapayapaang utusan ng US



Marapat na batiin ng Partido at mamamayang Pilipino ang bumubuo ng mga Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) sa matagumpay na pagdaraos ng ikaapat sa serye ng mga pag-uusap nitong Abril 2-6 sa kabila ng mga pagtatangka ng mga utusan ng imperyalismong US na hadlangan ito.

Sa pagpupunyagi ng dalawang panig, matatag na naiabante ang pag-uusap ukol sa mga repormang sosyo-ekonomiko na kabilang sa mga sustantibong usapin sa negosasyon. Matalino rin nilang hinarap at inilugar ang usapin ng tigil-putukan na tinangka ng mga utusan ng US na ipambara sa usapan.

Ang mga utusang ito ng US na nasa rehimeng Duterte ay walang iba kundi sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon at si Gen. Eduardo Año, hepe ng AFP. Sila ang ginagamit ng imperyalismong US para idiskaril ang pag-uusap. Sila ang gumagawa ng iba’t ibang hakbang upang barahan at pigilan ang bwelo ng negosasyon. Kinokontra nila ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Sila rin ang nagtulak ng malawakang pagpakat ng mga armadong tropa sa kanayunan na sumira sa diwa ng magkatugong tigil-putukan mula Agosto 2016.

Tinangka nilang idiskaril ang ikaapat na serye ng pag-uusap. Taliwas sa kasunduang magdedeklara ang magkabilang panig ng tigil-putukan bago magsimula ang pag-uusap noong Abril 2, iginiit nina Lorenzana na hindi dapat tumalima rito ang GRP. Tahasang pagbangga ito sa pinirmahang Joint Statement noong Marso 11 at pagkwestyon sa katayuan ng Negotiating Panel ng GRP. Dinala ni Duterte ang pusisyong ito nina Lorenzana laban sa unilateral na tigil-putukan.

Subalit hindi pa nagkasya rito ang mga utusan ng US. Ilang oras bago magsimula ang ikaapat sa serye ng pag-uusap, bumuga ng lason si Lorenzana laban sa rebolusyonaryong kilusan, at habang umaastang sumusuporta sa pag-uusap, iginiit ang pagpapataw ng karagdagang mga kundisyon para magpatuloy ito. Sinundan ito ng pag-iingay ng mga upisyal ng AFP na naggigiit na dapat ilaan ang pag-uusap sa pagbubuo ng isang bilateral na kasunduan sa tigil-putukan, taliwas sa kasunduang ilalaan ito sa sustantibong usapin ng mga repormang sosyo-ekonomiko.
Alinsunod sa pusisyon ng mga utusang ito ng US, bigla-biglang itinulak ni Duterte ang pagbabago ng adyenda ng pag-uusap at iginiit na unahin ang tungkol sa kasunduan sa tigil-putukan.

Nilagay ni Duterte ang ikaapat na pag-uusap sa balag nang alanganin. Natuloy lamang ito dahil sa ipinamalas na kabukasan ng isip ng Negotiating Panel ng NDFP sa usapin ng bilateral na tigil-putukan, at sa pleksibilidad ng dalawang panel sa pagtatakda ng adyenda.

Matapos ang tatlong araw na pag-uusap, pinirmahan ng dalawang panig ang isang kasunduan para sa pagbubuo sa hinaharap ng magkasanib na pansamantalang tigil-putukan.

Inilatag rin ang mga usapin na kailangang pagkaisahan at itinakda ang pagpupulong ng kani-kanyang Komite sa Tigil-putukan upang buuin ang mga alituntunin ng kasunduang ito. Kasabay nito, inilinaw ng NDFP na ang usapin ng tigil-putukan ay hindi siyang katapusan ng usapan at ang pagpirma sa kasunduang ito ay dapat kasunod lamang o kasabay sa pagpirma sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).

Habang matagumpay na binunot ng magkabilang panel ang ipinambarang usapin ng bilateral na tigil-putukan, nagawa rin nilang asikasuhin ang pagdurugtong ng magkaibang borador ng CASER. Pinagkaisahan rin nilang ituloy ang proseso ng paghahanda ng mas magkalapit na mga borador bilang paghahanda sa susunod na pag-uusap sa darating na Mayo 26.

Habang mas masiglang isinusulong ang usapang pangkapayapaan, mas lalong nagkukumahog ang mga utusan ng imperyalismong US sa pagtatayo ng mga balakid para hadlangan ang proseso at pagsisikap na harapin at lutasin ang mga usaping nasa ugat ng gera sibil sa Pilipinas.

Taliwas sa interes ng imperyalismong US na umabante ang usapang pangkapayapaan sa pagharap, pagtalakay at paglutas sa mga sustantibong usaping sosyo-ekonomiko, laluna ang mga susing usapin ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Nais din nilang hadlangan ang negosasyon tungkol sa mga repormang pampulitika at konstitusyunal dahil maisasalang rito ang usapin ng pambansang kasarinlan at kalayaan laban sa panghihimasok at presensya ng mga dayong tropa at mga base militar.

Ang mga pasistang utusan ng US ay nagsisilbi sa interes ng malalaking industriya sa gera, sa interes pangkalakalan at pamumuhunan ng malalaking kapitalista ng US at mga kasosyong lokal sa malalaking burgesyang komprador tulad ng mga Zobel at Ayala at malalaking panginoong maylupa kabilang ang mga Aquino-Cojuangco.

Determinado silang panatilihing natatanging kapangyarihan ang imperyalismong US sa Pilipinas at pigilan ang paggamit ng soberanya nito sa independyenteng pakikipag-ugnayang pang-ekonomya, diplomatiko at pang-militar sa ibang mga bansa. Nagsisilbi sila sa interes ng mga imperyalistang US na tiyakin ang hegemonya sa Pilipinas sa harap ng lumalaking mga paghamon dito sa konteksto ng mundong multipolar.

Mas interesado sina Lorenzana at mga militarista sa paglulunsad ng todong-gera laban sa mamamayang Pilipino upang supilin ang kanilang pakikibaka para sa pambansang paglaya mula sa imperyalismong US. Sa ganitong paraan, matitiyak rin na tuluy-tuloy na bibili ang Pilipinas ng mga baril at iba pang kagamitang militar, mga helikopter at eroplanong pandigma para maghulog ng mga gawang-US na bomba para supilin ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.

Gayunman, sa pagpapaigting ng mapanupil at brutal na digmang anti-mamamayan, nagtatagumpay lang ang AFP sa pagkumbinse sa libu-libo pang mga magsasaka, manggagawa at mga aping uri at sektor, na lumahok sa armadong pakikibaka at sumuporta at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

NANANAWAGAN ANG Partido sa sambayanang Pilipino na suportahan ang usapang pangkapayapaang NDFP-GRP bilang paraan ng pagharap sa mga ugat ng gera sibil sa bansa at pagkamit ng sustantibong mga reporma para sa bayan.
Dapat puspusang labanan ang mga militaristang utusan ng US na dumidiskaril sa usapang pangkapayapaan at interesado lamang sa pagsupil sa mga pakikibaka at armadong paglaban ng bayan. Dapat itulak ang rehimeng Duterte na iwaksi ang mga utusang ito ng imperyalismong US upang sumulong nang makabuluhan ang negosasyon sa NDFP.

Dapat kumilos ang buong bayan para itulak ang pagpapabilis ng negosasyon upang mabuo sa lalong madaling panahon ang CASER pati na ang Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms (CAPCR). Dapat paigtingin, sa partikular, ang pakikibaka ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at pagbabaklas ng mga monopolyo ng mga asyenda at malalaking plantasyon. Habang sinisingil si Duterte sa pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon, dapat isulong ng masang manggagawa at buong bayan ang adyenda para sa pambansang industriyalisasyon at pagwawakas ng neoliberal na patakarang palaasa sa dayuhang pautang at pamumuhunan.

Kaalinsabay nito, dapat magpunyagi ang BHB sa landas ng armadong pakikibaka upang isulong ang digmang bayan at ipagtanggol ang kapakanan ng bayan. Lalo’t walang anumang kasunduan sa tigil-putukan at tuluy-tuloy ang kampanya ng armadong panunupil ng reaksyunaryong estado laban sa mamamayan, dapat ibayong palakasin ang BHB at puspusang isulong ang armadong rebolusyon.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-itakwil-ang-mga-kontra-kapayapaang-utusan-ng-us/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.