Tuesday, November 18, 2014

CPP/NPA: Kampanyang-militar ng AFP laban sa BHB, bigo at nagtamo ng mga kaswalti sa hangganan ng Nueva Vizcaya at Aurora

NPA propaganda statement posted to the CPP Website (Nov 16): Kampanyang-militar ng AFP laban sa BHB, bigo at nagtamo ng mga kaswalti sa hangganan ng Nueva Vizcaya at Aurora
Logo.bhb
Rowena Servante
Spokesperson
NPA Aurora Provincial Operations Command (Domingo Erlano Command)
 
Dalawang magkasunod na engkwentro ang naganap sa pagitan ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pamamatnugot ng Domingo Erlano Command at mga pasistang tropa ng Philippine Army (PA) sa ilalim ng 703rd Infantry Brigade sa hangganan ng Nueva Vizcaya at Maria Aurora nitong nakalipas na ilang linggo.

Nangyari ang unang labanan noong October 22, 2014 sa Sityo Manial, Barangay Lublob, Alfonso Castaneda Nueva Vizcaya. Naghahanda sa pagpakat ng ambus ang mga nag-ooperasyong sundalo nang maramdaman at madikitan sila ng mga Pulang mandirgma bandang 5:45 ng hapon. Ayon sa balita, sugatan sina Sgt. Benjamin Macarrubo at Pfc. Cristopher Estellore. Ang ikalawang labanan naman ay nangyari nitong November 12 sa kagubatan ng Barangay Galintuja, Maria Aurora, Aurora.
Tumagal ng halos kalahating oras ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang sundalo na ginagamot ngayon sa isang ospital sa Baler. May mga ulat na nagsasabing dalawa ang patay sa mga kaaway at marami pang sugatan na pilit nilang itinatago sa publiko. Samantala, walang natamong pinsala ang panig ng BHB na maayos din namang nakaatras.

Mula ng mangyari ang mga nasabing labanan, gumamit ng malaking bilang ng tropa ang gobyerno para tugisin ang nakasagupa nilang yunit ng BHB na sumasaklaw sa lugar. Binubuo ito ng 3rd IB, 56th IB, Headquarter Service Company ng 703rd Infantry Brigade, 73rd Division Reconnaissance Company (DRC), K9 units, at mga elemento ng Special Forces sa ilalim ng Special Operations Command (SOCOM) na nakabase sa Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija. Pinagbawalan nilang umahon ang mga residente ng Alfonso Castaneda at iba pang mga upland barangays ng Maria Aurora sa kanilang mga kaingin, siluan, at pangalapan. Apektado ang kabuhayan at seguridad ng mga mamamayang nabubulabog ngayon sa isinasagawang malawakang operasyon sa mga nasabing lugar.

Sa harap ng nagpapatuloy na militarisasyon sa kanayunan, lalo lamang nilang ginagatungan ang matagal nang galit at diskuntento ng mamamayan sa malaon na nilang dinaranas na kaapihan at kahirapan. Ang sistematikong pangangamkam ng lupa bunsod ng iba’t-ibang proyektong anti-magsasaka—-tulad ng Aurora Food Production and Agro-Forestry Project (AFPAP) sa Barangay Dianawan at eko-turismo na sumasaklaw ng daan-daang ektarya; pambabarat sa kanilang ani sa kabila ng napakataas na presyo ng mga batayang bilihin; kawalan ng kinakailangang suporta upang paunlarin ang sektor ng agrikultura; at pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan ay ilan lamang sa mga lehitimong dahilan. Wala silang ibang pagpipilian kundi buin ang sariling lakas para ipagtanggol at igiit ang kanilang mga karapatan. Nagsisilbing inspirasyon at sandigan nila ang BHB laluna sa pinakamataas na antas ng paglaban. Tinatamasa nito ang malalim na tiwala, pagtangkilik at pagtataguyod ng mamamayan kung kaya’t patuloy na nakakairal at sumusulong ang mga rebolusyonaryong gawain nito. Dahil dito, paulit-ulit na nabibigo ang kaaway sa mga pagtatangka nitong durugin ang BHB. At sa mga nabanggit na sagupaan, ipinagbubunyi ng malawak na masang pinaglilingkuran nito ang kabiguan at pinsalang natamo ng mga bayarang sundalo ng estado!

Pinatutunayan ng mga pangyayaring ito ang kasinungalingan at ilusyon ng Armed Forces of Philippines (AFP) sa sirang-plakang deklarasyon nito na matagal nang “insurgency-free” ang lalawigan ng Aurora. Malinaw kung para kanino lamang ang sinasabi nilang “kapayapaan at kaunlaran”—-upang pangalagaan at itaguyod ang interes ng mga amo nilang dayuhan at lokal na naghaharing-uri na kinabibilangan ng dinastiyang Angara. Iniinsulto ng punong kumander ng Northern Luzon Command (NOLCOM) na si Lt.Gen. Felicito Virgilio Trinidad Jr. ang talino ng sambayanang Pilipino sa pag-aakalang mapapaniwala niya ang publiko na nasa panig sila ng mamamayan sa kabila ng kanilang lantarang pagpapakatuta, pandarahas, at maruming rekord. Pilit niyang pinalalabas na ang isinasagawa nilang malawakang operasyon ngayon sa nabanggit na lugar ay “para lamang tugisin ang nalalabing NPA na nangingikil sa ordinaryong mga sibilyang naghahanda para sa nalalapit na kapaskuhan.” Wala na kasi siyang ibang maisip na dahilan upang bigyang-katwiran ang nagaganap na militarisasyon doon, at pagtakpan na rin ang kabiguan nilang pigilan ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan.

Hanggang nananatili ang mga saligang ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas, hindi natin makakamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran para sa lahat na nakabatay sa hustisya at paggalang sa karapatang-pantao. Sa pagsusulong lamang ng demokratikong rebolusyon ng bayan mahahawan ang landas tungo sa ganap na kalayaan at tunay na demokrasya!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141116_kampanyang-militar-ng-afp-laban-sa-bhb-bigo-at-nagtamo-ng-mga-kaswalti-sa-hangganan-ng-nueva-vizcaya-at-aurora

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.