Saturday, November 30, 2013

CPP/NDF: Isulong ang rebolusyon ni Bonifacio! Manggagawa, lumahok sa armadong pakikibaka! (Advance the revolution of Bonifacio! Workers, participate in the armed struggle!)

Posted to the CPP Website (Nov 30): Isulong ang rebolusyon ni Bonifacio!
Manggagawa, lumahok sa armadong pakikibaka! (Advance the revolution of Bonifacio! Workers, participate in the armed struggle!)


Logo.rctu
Revolutionary Council of Trade Unions
 
Armadong rebolusyon ang sagot sa pang-aapi’t pagsasamantala ng mga dayuhang kapangyarihan at mga opisyal na papet nila. Ito ang kailangan para kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya. Iyan ang pinatunayan ng himagsikan ni Andres Bonifacio at ng Katipunan.

Makalipas ang ilang daang taon, lalong tumindi ang pang-aapi’t pagsasamantala sa mga manggagawa at sambayanang Pilipino. Hindi pa rin nakakamit ng mga Pilipino ang mithiing kalayaan at demokrasya ni Bonifacio.

Ngayong taon, sa paggunita natin sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng bayani ng uring anakpawis, hamon sa mga manggagawa at sambayanan na ipagpatuloy at ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyong isinulong ni Bonifacio.

Ibagsak ang rehimeng US-Aquino!



Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, lantad na lantad ang kabulukan ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Hindi na maikubli ng mabubulaklak na salita’t pangako ang grabeng pambubusabos ni Noynoy sa mga manggagawa’t sambayanan.

Ang tatlong taon ni Noynoy sa poder ay batbat ng kababuyan, katutaan at kriminal na kainutilan. Garapalan at ginagawa pang ligal ang pagnanakaw sa kabang bayan sa umano’y matuwid na daan. Walang kahihiyang tinatraydor ang mga Pilipino sa matapat na pagpapakatuta sa imperyalismong Kano. Ang kriminal na kainutilan ni Noynoy sa harap ng mga kalamidad at sakuna ay nagresulta na ng kamatayan ng libu-libo nating kababayan.

Malaking hadlang ang rehimeng US-Aquino sa pagkakamit ng mga mithiin nila Bonifacio na hanggang ngayo’y mithiin ng mga manggagawa at sambayanan: ang pambansang kalayaan, demokrasya at panlipunang pagbabago.

Manggagawa, sumapi sa New People’s Army!



Kailangang wakasan na ang bulok na naghaharing sistemang kinakatawan ng rehimeng US-Aquino! Wala itong idinudulot sa mga manggagawa’t sambayanan kundi labis-labis na pambubusabos at pagsasamantala.

Tulad ng pinatunayan ni Bonifacio, magagawa lang ito sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Kaya naman hamon at panawagan sa mga manggagawa at maralita na libu-libong dumagsa sa kanayunan at sumapi sa hukbong bayang nagpapatuloy ng rebolusyon ni Bonifacio, ang New People’s Army.

Ito ang pinakamabisang sandata para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na lipunan, palayain ang sambayanan sa imperyalismong Kano, itatag at palakasin ang tunay na gobyerno ng mga mamamayan, ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, at itayo ang nagsasarili at maunlad na pambansang industriya.

Sa pamamagitan lang ng pambansa-demokratikong rebolusyon makakamit ng mga manggagawa at sambayanan ang mithiin ni Bonifacio na pambansang kalayaan at demokrasya at ang isang lipunang sosyalista – isang lipunang may tunay na kalayaan, kasaganaan at kapayapaan.

Isulong ang rebolusyon ni Bonifacio!
Ibagsak ang rehimeng US-Aquino!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
Manggagawa, sumapi sa New People’s Army!
Mabuhay ang NPA!


http://www.philippinerevolution.net/statements/20131130_isulong-ang-rebolusyon-ni-bonifacio-manggagawa-lumahok-sa-armadong-pakikibaka

1 comment:

  1. The Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) is an underground organization active in the Philippine labor sector and is a member of the clandestine National Democratic Front of the Philippines (NDFP), the political wing of the Communist Party of the Philippines (CPP)

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.