Tuesday, April 25, 2023

CPP/NPA-Masbate: Pahayag ng pakikiisa ng Jose Rapsing Command - Bagong Hukbong Bayan Masbate//50 taon ng National Democratic Front of the Philippines! 50 taon ng pinakamalawak na pagkakaisa para sa bagong demokratikong rebolusyon!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 24, 2023): Pahayag ng pakikiisa ng Jose Rapsing Command - Bagong Hukbong Bayan Masbate50 taon ng National Democratic Front of the Philippines! 50 taon ng pinakamalawak na pagkakaisa para sa bagong demokratikong rebolusyon! (Declaration of solidarity of the Jose Rapsing Command - New People's Army  Masbate//50 years of the National Democratic Front of the Philippines! 50 years of the broadest unity for the new democratic revolution!)
 


NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

April 24, 2023

Download: PDF

Ngayong Abril 24, 2023, ipinagdiriwang nating mga Masbatenyo ang ika-50 anibersaryo ng Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas o National Democratic Front of the Philippines. Ang NDFP ang pinakamalapad na alyansa ng mamamayang naghahangad ng tunay na kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ang kasaysayan ng lipunang Pilipino ay kasaysayan ng ilandaang taong pakikibaka ng sambayanan para makamit ang pambansang paglaya. Nagmula ito sa matagumpay na paggapi ni Lapu-lapu at libong iba pa sa dayuhang manlulupig sa pangunguna ni Magellan. Mula sa mga kalat-kalat na pag-aalsa, kinalauna’y napagkaisa ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio ang buong bansa upang ibagsak ang kolonyalismong Espanyol. Subalit dahil sa mga taksil sa bayang tulad ni Aguinaldo, hndi nagtagal ay inagaw ng kolonyalistang Estados Unidos ang ating kalayaan, subalit hindi tumigil ang mamamayan sa armadong pag-aaklas. Sumiglang muli ang armadong paglaban sa pamumuno ng lumang Partido Komunista na nagtatag ng Hukbong Bayan laban sa Hapon (Hukbalahap) laban sa pananakop ng Hapon. Subalit dahil sa maling pamumuno ng mga lider ng lumang Partido, madaling nakabalik sa paghahari ang imperyalistang Estados Unidos kasabwat ang mga papet na burgesya kumprador at panginoong maylupa sa ilalim ng bagong sistemang malakolonyal at malapyudal.

Ngayon, ipinagpapatuloy ng bagong tatag na Partido Komunista ng Pilipinas ang mithiin ng Pilipinas para sa kalayaan at demokrasya sa pamumuno sa bagong demokratikong rebolusyong Pilipino. Sa kasalukuyan, ang kaaway ng bansang Pilipinas na kailangang ibagsak ay ang imperyalismong Estados Unidos upang mabawi ang ating kasarinlan, ang pyudalismo upang mabigyan ng lupa ang magsasaka, at ang burukrata kapitalismo upang maitayo anggubyernong tunay na mula at para sa mamamayan. Ito ang dahilan kung bakit ang ating rebolusyon ay ilinulunsad sa pamamagitan ng digmang bayan kung saan kinakailangan ang pagkilos ng lahat ng mamamayan sa isang matagal at mahirap na pakikibaka upang gapiin ang mas malakas na kaaway.

Kung ang Bagong Hukbong Bayan ang sandata ng bagong rebolusyong Pilipino, ang NDFP ang kalasag na siyang lihim at pinakakonsolidadong alyansa ng mga rebolusyonaryong pwersang nagtataguyod ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Ito ay nagkakaisang prente para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Binubuo ito ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan, at ng mga rebolusyonaryong organisasyon mula sa batayang rebolusyonaryong pwersa ng uring manggagawa, magsasaka, at petiburgesyang lunsod. kabataan, kababaihan, kawani, guro, artista, pambansang minorya at iba pang aping sektor.
Mga tagumpay ng NDFP

Sa nagdaang 50 taon, maraming nakamit na tagumpay ang NDFP bilang katuwang ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pagkukumpleto ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Nagkamit ang NDFP ng maraming tagumpay sa tungkuling maghawan ng landas sa pagtatayo ng mga demokratikong gubyerno ng mamamayan. Libu-libong baryo at munisipyo ang natayuan ng mga lokal na kapangyarihang pampulitika at binhi ng mga Pulang gubyerno ng mamamayan.

Tumayo ang NDFP bilang kinatawan ng sambayanang Pilipinong lumalaban, at ng kanilang demokratikong gubyernong bayan, laluna sa usapang pangkapayapaan. Mahusay nitong isinulong ang kapakanan at interes ng sambayanan sa loob at labas ng bansa laluna sa kabila ng makailang-ulit na pananabotahe ng reaksyunaryong gubyerno sa prosesong pangkapayapaan.

Sa mahusay na pagtataguyod ng interes ng mamamayan, maraming bansa at organisasyon ang kumilala sa NDFP at rebolusyonaryong kilusang Pilipino bilang lehitimong pwersang nakikidigma na may sariling kapangyarihang pampulitika, Hukbo at teritoryo. Nakapagtipon ito ng malawak na suporta para sa armadong pakikibaka.

Higit sa lahat, Ilinatag ng NDFP ang 12-Puntong Programa ng rebolusyonaryong kilusan bilang solusyon sa nagpapatuloy na krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, at sa malawakang paghihikahos ng sambayanang Pilipino. Sa batayang ng programang ito, napagbuklod ng NDFP ang malawak na masa ng sambayanang nagnanais ng makabuluhang panlipunang pagbabago.
Ang kabuluhan ng NDFP sa pakikibaka ng mamamayang Masbatenyo

Lalong naging mahalaga ang pagpapalakas sa NDFP, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at sa harap ng tumitinding krisis na hatid ng rehimeng Marcos-Duterte Jr. Desperado ang rehimeng Marcos na patindihin ang pang-aapi’t pagsasamantala sa pagtutulak na ipailalim ang Pilipinas sa dayuhang kontrol sa pamamagitan ng pagbabago ng Konstitusyon o Cha-Cha, palawigin ang kapangyarihan at idawit ang bansa sa gera ng US at Tsina. Sa Masbate, aprubado kay Marcos ang pagpapatuloy ng paghahari at terorismo ng militar prubinsya, ang malawakang pang-aagaw ng lupa at ang paglawak ng mapaminsalang mga pakanang neoliberal tulad ng Filminera, ekoturismong Empark, Masbate International Airport at hybrid solar power plant.

Kailangang alalahanin ng masang Masbatenyo ang makabuluhang ambag ng NDFP sa kanilang kasaysayan. Ilinuwal ng pagkakaisa ng libu-libong Masbatenyo ang pagtatayo ng kanilang sariling kapangyarihan at gubyerno sa anyo ng mga komiteng rebolusyonaryo at ganap na samahang masa sa antas ng mga baryo at munisipyo. Ang mga binhi ng gubyernong bayan na ito at ang hukbong bayan ang naging sandigan ng Masbatenyo upang mapagtanggol ang kanilang tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo, mapabuti ang kanilang kabuhayan, masugpo ang mga krimen, maiabante ang kanilang mga pakikibaka at mapalalim ang kanilang paglahok sa digmaan.

Nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa mga Masbatenyo na pagtibayin ang pagkakaisa sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sumapi sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa! Alisin ang takot at pasiglahin ang mga pakikibaka! Itayo at pagtibayin ang mga Pulang gubyerno ng mamamayan sa bukid! Armadong ipagtanggol ang kabuhayan, karapatan, lupa at buhay! Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!

https://philippinerevolution.nu/statements/50-taon-ng-national-democratic-front-of-the-philippines-50-taon-ng-pinakamalawak-na-pagkakaisa-para-sa-bagong-demokratikong-rebolusyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.