Tuesday, April 25, 2023

CPP/NDF-KM-Laguna/NDF-Southern Tagalog: Ipagpunyagi ang ginintuang taon ng Pambansang Nagkakaisang Prente! Kabataan, isulong ang digmang bayan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 24, 2023): Ipagpunyagi ang ginintuang taon ng Pambansang Nagkakaisang Prente! Kabataan, isulong ang digmang bayan! (Strive for the golden years of the National United Front! Youth, advance the people's war!)
 


Victoria Madlangbayan
Spokesperson
Kabataang Makabayan-Laguna
NDF-Laguna
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

April 24, 2023

Binabati ng mga rebolusyonaryong kabataan sa probinsya ng Laguna ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa ika-50 na taong anibersaryo nito. Patunay ang nagniningning na limang dekadang pakikibaka ng mamamayang Pilipino at ang pagyabong ng mga makabagong rebolusyonaryo sa antas ng ideolohiya, pulitika, at organisasyon na pundasyon ng ating pakikidigma.

Bilang isa sa mga lihim na organisasyong nakapailalim sa NDFP ang Kabataang Makabayan, makatarungan ang paghahangad ng tunay na kalayaan at pambansang demokrasya, at ang pagsulong ng interes ng masang-api na kailanman ay hindi magagapi. Nagsisilbing tanglaw ang NDFP sa malapad at nagkakaisang hanay ng mamamayang nakikibaka hanggang sa pagiging alyansa nito sa mahigpit na pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Sa mga nagdaang dekada, aktibo at ibayong nagpupurisigi ang NDFP para isulong ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Bilang kinatawan ng sambayanan, isinusulong ng NDFP ang 12-puntong programa ng pambansa-demokratikong pakikibaka para sa kolektibong paghahangad ng pambansang kalayaan at demokrasya. Walang lubay ang NDFP sa pagsisilbi sa sambayanan anu’t ano pa man ang pamamaraan at uri ng pakikibaka habang ang reaksyunaryong estado ay hindi tumutugon sa usapin at patuloy na lumalabag sa mga kasunduan.

Sa umiigting na krisis, pasismo, at hidwaan ng dalawang imperyalistang bayan, lumilitaw ang reaksyunaryong gobyerno bilang tagapamandila ng imperyalistang adhikain ng US at Tsina. Samakatwid, lumilitaw ang pangangailangan ng mamamayang Pilipino na makibaka at ang kahalagahan ng pag-iral at paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan. Higit pa sa pagkilala sa armadong rebolusyon ay ang pagpupunyagi sa ginintuang aral at tanglaw ng rebolusyong Pilipino.

Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan Laguna ang mga rebolusyonaryong martir ng sambayanan gaya nina John Carlo “Ka Yago” Alberto at Jeramie “Ka Ash” Garcia. Gayundin ang walang hanggang pagpupugay na iginagawad kina Benito “Ka Laan” Tiamzon at Wilma “Ka Bagong-tao” Austria-Tiamzon, Jose Maria “Ka Amado/Joma” Sison, at sa iba pang mga rebolusyonaryong martir sa kanilang pag-aalay ng lakas at buong buhay upang i-angat ang laban ng masang pinagsasamantalahan at inaapi. Sa bawat pagbitiw ng kanilang mga sandata ay ang pagsibol ng libu-libong punla na susunod sa kanilang yapak at hindi pa tapos na pakikibaka.

Hamon din sa bawat kabataan na puspusang magpakahusay sa pag-aaral at isapraktika ang teoryang Marxismo-Leninismo-Maoismo, mahigpit na tanganin ang militanteng tradisyon ng Kabataang Makabayan at dalhin ang pakikibaka sa pinakamataas na antas tungong kanayunan. Sapagkat, hindi kailanman ibibigay ng mga pasista at naghaharing-uri ang kanilang kapangyarihan kung kaya’t sa ating pwersahang pagkuha nito ay makakamit natin ang tunay na kalayaan at kapayapaan. Sa ating pagpapasya ay uukitin ang isang lipunang patas at makatarungan, malalim ang pagtingin sa karapatan, at may matagalang kapayapaang nakabatay sa katarungan.

Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Mabuhay ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino!

Kabataang Lagunense, paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/ipagpunyagi-ang-ginintuang-taon-ng-pambansang-nagkakaisang-prente-kabataan-isulong-ang-digmang-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.