Tuesday, April 25, 2023

CPP/NDF-KM-DATAKO//CPDF-Mt. Province: Ang Kabataang Makabayan, DATAKO at si Prop. Jose Ma. Sison: Isang Tribute

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 24, 2023): Ang Kabataang Makabayan, DATAKO at si Prop. Jose Ma. Sison: Isang Tribute (The Patriotic Youth, DATAKO and Prof. Jose Ma. Sison: A Tribute)
 


Kabataang Makabayan – Demokratiko a Tignayan Dagiti Agtutubo iti Cordillera (KM-DATAKO)-Mt. Province
CPDF-Mt. Province
National Democratic Front of the Philippines

April 24, 2023

Isang taas-kamaong pagpupugay ang ipinapaabot ng lahat ng balangay ng Kabataang Makabayan-Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera (KM-DATAKO) sa rehiyong Kordilyera. Ang kaniyang dakilang ambag sa teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino ay ang nagpabigat, tulad ng bundok Kordilyera, sa kaniyang pagkamatay noong Disyembre ng nakaraang taon. Isang ilaw, gabay at inspirasyon si Prop. Jose Ma. Sison para sa mga kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon ng kabataan na magpapatuloy sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa sosyalismo.

Malaki ang inambag ni Prop. Sison sa kilusang kabataan-estudyante noong estudyante pa lang ito sa Unibersidad ng Pilipinas. Isa si Sison sa mga kabataang nangahas na mag-organisa ng kapwa-estudyante sa Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP) para atakehin ang anti-progresibong sentimyento ng dating University of the Philippines Student Catholic Action (UPSCA). Nagsagawa sila ng mga study sessions para masusing pag-aralan ang mga turo ng mga dakilang guro na sina Karl Marx at Friedrich Engels. Isa si Sison sa mga namuno sa 5000 laking mobilisasyon laban sa Commission on Anti-FIlipino Activities (CAFA) na noo’y nagpasimuno sa anti-komunistang pamumuksa.

Noong 1964, naitatag ang komprehensibo at rebolusyonaryong organisasyon ng mga kabataan, ang Kabataang Makabayan kung saan nagsilbi siya bilang unang tagapangulo. Sa kaniyang pamumuno, nabuhay muli ang kilusang kabataan-estudyante na nagpatuloy hanggang sa batas militar ng diktadurang US-Marcos. Matapos mabuo ang KM sa YMCA Auditorium sa Quezon City, nagbalik sa kani-kanilang mga pinanggalingang bayan ang mga kabataan para magtayo ng lokal na balangay ng KM. Isa sa mga humayo noon at bumalik sa syudad ng Baguio ay si Julius “Ka Nars” Giron, na nagtayo ng mga pinakaunang balangay ng KM sa mga hayskul at unibersidad noong 1965.

Nagkaroon din ng serye ng mga talumpati si Prop. Jose Ma. Sison sa syudad ng Baguio. Ang “The Need for Cultural Revolution” ay tinalumpati sa UP College Baguio noong September 30, 1966. Noong October 12 ng parehong taon sa parehong syudad, nagbigay siya ng talumpati sa mga junior at senior classes ng Philippine Military Academy ukol sa “Mersenaryong Tradisyon ng Armed Forces of the Philippines.” Sa parehong araw, ibinigay niya ang “Tasks of the Second Propaganda Movement” sa Saint Louis University. Ang mga talumpating ito ay nailathala, isang taon ang makalipas sa librong “Makibaka para sa Pambansang Demokrasya” na isa sa mga pinakamahahalagang materyal sa pagpapalaganap ng pambansa-demokratikong linya. Nag-ambag din ng malaki ang kaniyang mga talumpati sa pagpapalakas ng sentimyentong pambansa-demokrasya na may sosyalistang perspektiba sa mga kabataan at estudyante sa syudad ng Baguio.

Noong ika-26 ng Disyembre, 1968, matapos ang pang-ideolohikal na debate sa dating Partido Komunista ng Pilipinas na pinamumunuan ng mga Lava, binalikan ng mga namumunong kabataan (kasama si Prop. Jose Ma. Sison) ang pangangailangan na buuing muli ang isang Partido Komunista na tunay na magbabandera ng isang pambansang rebolusyon. Binuong muli ang PKP na tumatalima sa mga turo ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ilang buwan ang lumipas, ika-29 ng Marso, 1969, binuo mula sa dating mga miyembro ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ang Bagong Hukbong Bayan. Hanggang sa ngayon, ang Bagong Hukbong Bayan ang nagsisilbing hukbo ng mamamayan na nagtataguyod ng armadong pakikibaka, pagtatayo ng baseng masa at agraryong rebolusyon kasama ng masang magsasaka sa kanayunan.

Lumakas sa buong kapuluan, kasama ang Kordilyera, ang dagundong ng kilusang masa na siyang naging tuntungan para sa Sigwa sa Unang Kuwarto ng 1970. Sa rehiyon, ang KM, Samahang Demokratiko ng Kabataan, Highland Activists at Kilusang Kabataan sa Kabundukan, samahan ng mga kabataang Igorot sa Maynila, ang syang nagluwal ng masiglang kilusang kabataan at estudyante sa Kordilyera. Kasamang naging delegado ang mga kabataan noong 1971 sa Cordillera Congress for National Liberation sa Bontoc at itinatag ang Kilusang Kabataan sa Kordilyera. Nagsilbing tagapunla ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa baseng kalunsuran ang mga miyembro ng Kabataang Makabayan.

Noong 1972, dahil sa Batas Militar ay napilitan ang karamihan ng mga kabataang aktibista, kasama ang mga kabataan sa Kordilyera, na kumilos pailalim, habang ang iba nama’y nagsisampahan sa Bagong Hukbong Bayan. Matapos ang isang treyning sa Isabela, isa sa mga napunta sa unang iskwad ng NPA patungong Ifugao ay ang Kankana-ey na si Leonardo “Ka Nardo” Pacsi. Isa sa mga namuno sa pagtatayo ng Highland Activists na si Jennifer “Ka Maria” Carino, isang Ibaloi, ay sumampa din sa Bagong Hukbong Bayan. Ang kagitingan ng dalawang ito ay ang naging dahilan ng pagpapangalan ng dalawang probinsyal na yunit (Mountain Province at Benguet) sa kanilang dalawa.

Sumidhi ang kilusan ng mga katutubong Igorot sa Kordilyera noong 1980s dahil sa Grand Canao sa Baguio City, illegal logging ng Cellophil Resources Center sa Abra, at ng Chico River Dams sa Bontoc, Mountain Province at Kalinga. Ang mga kabataang Igorot ay nakipamuhay at nakibaka para sa pagpapanawagan laban sa mga mapanirang proyekto. Dumagundong ang mga panawagan para sa sariling pagpapasya at pagtanggol sa lupa, buhay, kayamanan at dangal. Ang ilan sa kanila ay nakita na hindi sapat ang parlamentaryong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno. Ang pinakamataas na katutubong paraan para magtanggol ay armadong pakikibaka. Maraming mga kabataan ang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan. Ilan dito ay sina Nona Del Rosario, Agustin “Ka Merto” Begnalen, Alfonso “Ka Lejo” Cawilan at Wright “Ka Chadli” Molintas, Jr. Ang mga magigiting na kabataang ito ay nagsilbi ding inspirasyon at pangalan ng iba pang mga probinsyal na yunit ng hukbo (Ifugao, Abra at Kalinga). Ang pangalan ni Ka Chadli ay ipinangalan sa pormasyon ng hukbo sa rehiyong Ilocos-Kordilyera.

Noong 1983, nabuo naman ang rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga kabataang Igorot–ang Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera (DATAKO). Kinalauna’y nakita ang konkretong pundasyon para pagsamahin ang balangay ng Kabataang Makabayan at Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera. 1988, pinagsama ang dalawang rebolusyong organisasyong masa at tinawag na KM-DATAKO. Ang KM-DATAKO sa kasalukuyan ay ang mga balangay ng KM sa rehiyong Kordilyera. Hanggang ngayon, dala-dala ng mga balangay ng KM-DATAKO ang mga pangalan ng mga kabataang nagbuwis ng kanilang panahon at buhay para mapagtagumpayan ang rebolusyon ng mamamayang Kordilyera, at siyempre ng buong mamamayang Pilipino. Pinagpupugayan ng mga balangay ng KM-DATAKO ang lahat ng kabataang naging martir ng sambayanan sa pamamagitan ng pagpatuloy ng kanilang nasimulan at sa patuloy na pagpapasampa sa Bagong Hukbong Bayan.

Ang lugar kung nasaan ang KM-DATAKO sa kasalukuyan ay hindi kailanman matatapakan kung walang mga naunang mga kabataan na nangahas na nag-aral at nangarap na magtayo ng isang magandang lipunan. Ang mga turo ni Prop. Jose Ma. Sison ay patuloy na nagiging gabay ng mga miyembro ng KM sa buong bansa para itaguyod ang isang pambansa-demokratikong rebolusyon na siyang tunay na magpapalaya sa lahat. Walang KM-DATAKO o kahit anumang balangay ng KM sa kasalukuyan kung walang nagsimula noon, katulad nina Prop. Jose Ma. Sison.

Pagpupugay sa dakilang guro na si Prop. Jose Ma. Sison!

Pagpupugay sa lahat ng martir ng sambayanan!

https://philippinerevolution.nu/statements/ang-kabataang-makabayan-datako-at-si-prop-jose-ma-sison-isang-tribute/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.