Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Klinikang bayan, pagkain at produksyon, tugon ng BHB sa Covid-19
Higit 1,000 magsasaka ang nabigyan ng serbisyong medikal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) noong huling linggo ng Marso. Tugon ito sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na maglunsad ng kampanyang pangkalusugan bilang pagharap sa pandemyang Covid-19. Pinagtuunan ng mga medik ng pansin ang matatanda at buntis. Nagsagawa sila ng mga tsek-ap at namahagi ng mga pinrosesong halamang gamot para sa lagnat, ubo at sipon. Namigay din ang BHB ng mga bitamina bilang panlaban sa sakit. Kasabay nito ang kampanya sa impormasyon hinggil sa pandemya.
Katuwang ng BHB sa pagdaos ng klinikang bayan ang mga komite sa kalusugan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Tumulong din ang mga boluntir ng Makibaka at Kabaataang Makabayan.
Sa Bicol, 260 pamilya mula sa tatlong barangay ang nabahaginan ng yunit ng BHB ng bigas noong huling linggo ng Marso. Apektado na ang mga barangay na ito ng krisis sa pagkain na dulot ng lockdown ng rehimen. Pinangasiwaan ng yunit ng BHB at rebolusyonaryong organisasyong masa ang pangkagipitang pamamahagi sa mga pamilyang apektado. Ang pondong ginamit para rito ay mula sa nalikom na rebolusyonaryong buwis.
Naglunsad din ng mga kampanya sa impormasyon ang mga yunit ng BHB sa isla ng Panay, prubinsya ng Quezon, at iba pang mga eryang kinikilusan ng hukbong bayan.
Ang mga pagsisikap na ito ay bahaging tugon sa panawagan ng PKP na agapan ang kalagayan ng mamamayan. Kasabay nito, kailangang itulak ang produksyon sa mga rebolusyonaryong teritoryo. Inilabas ang panawagan sa harap ng tumitinding mga pahirap na resulta ng mga pagbabawal sa lockdown ng rehimeng Duterte sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa. Atas din ng Partido na paigtingin ang gawaing pang-ekonomya sa mga rebolusyonaryong teritoryo.
Sa aktwal, hindi lamang sa Luzon ang lockdown. Maraming lokal na gubyerno ang nagpataw ng sapilitang pagbubukod at pagsasara ng mga hangganan. Tigil ang mga operasyon ng negosyo, transportasyon, eskwelahan, simbahan at iba pang sosyo-ekonomikong aktibidad sa maraming prubinsya. Dahil dito, walang kinikita ang mayorya at hirap silang bumili ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan. Sa ilang prubinsya, tanging ang simbahan pa lamang ang namamahagi ng ayuda. Makupad, kung meron man, ang ibinibigay na tulong ng mga lokal na pamahalaan. Lalong walang subsidyo mula sa pambansang gubyerno.
Sa gayon, hinikayat ng Partido ang mga yunit ng BHB at mga rebolusyonaryong organisasyong pangmasa na magplano ng pagtatanim ng pagkaing pangkagipitan. Kabilang dito ang palay, kamote at iba pang halamang-ugat, saging, mais, petsay at iba pang gulay na maaaring anihin sa loob ng maiksing panahon.
Ilunsad ang mga kumperensyang pang-ekonomya, panawagan ng PKP. Tatasahin sa mga ito ang mga pangangailangan at imbak, at kakayahan sa produksyon ng mga samahan. Mula rito ay magbuo ng planong sasaklaw sa natitirang mga buwan.
Hinimok din ng Partido ang mga panginoong maylupa na ipagamit ang kanilang mga lupain nang walang upa. Hiningi rin sa kanila na magbigay ng tulong pinansyal, pagpapagamit ng mga pasilidad at iba pang rekurso. Gayundin, hinikayat ng Partido ang mga lokal at internasyunal na ahensya’t organisasyon na magbigay ng lahat ng tipo ng tulong sa mamamayan sa kanilang produksyon.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/04/07/klinikang-bayan-pagkain-at-produksyon-tugon-ng-bhb-sa-covid-19/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.