Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Galit at damayan sa panahon ng lockdown
Hindi napigilan ng lockdown ang pagsambulat ng galit ng mamamayan sa mga kapalpakan ng rehimen sa pagharap ng krisis ng pandemyang Covid-19.
Noong Abril 1, nagprotesta ang mga residente ng Sityo San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City para ipanawagan ang kagyat na subsidyong pagkain. May halos 6,000 residente ang San Roque na karamiha’y mga mala-manggagawa na umaasa sa arawang kita. Matagal nang tinatangka ng lokal na pamahalaan dito na palayasin sila sa lugar para bigyan-daan ang pagtatayo ng mga mall at iba pang gusaling komersyal.
Imbes na tugunan, marahas na dinispers ng mga pulis ang mapayapang pagkilos at inaresto ang 21 raliyista. Idinetine sila at pinagbantaang hindi pakakawalan hanggang hindi matapos ang lockdown. Sa isang nakabidyong pahayag ni Duterte kinagabihan, inutusan niya ang PNP na barilin ang sinumang “lalaban.” Lalong pinag-alab ng kautusang ito ang kumukulong galit ng mamamayan.
Tumampok sa social media ang panawagang #OustDuterteNow (Patalsikin na si Duterte) pagkatapos ng kanyang talumpati. Maraming artista at kilalang personalidad ang nakiisa sa panawagan at nagpadala ng ayuda sa mga maralita. Marami ang nag-ambag para makalikom ng pampyansa ng mga inaresto (P15,000 kada isa o P315,000). Napilitan ang pulis na palayain ang 21 noong Abril 6. Gayunpaman, muling sinalakay ng PNP ang komunidad sa parehong araw. Marahas nilang binuwag ang itinayo ng mga residente na komunal na kusina.
Sa parehong araw, binuwag ng mga pulis ang barikada ng residente ng Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya. Hinarang ng taumbayan ang fuel tanker na ipinupuslit ng OceanaGold. Liban sa pagbabawal ng lockdown, iligal ang operasyon ng OceanaGold dahil may kautusan laban dito ang lokal na pamahalaan.
Magkakasunod na protesta ang inilunsad ng mamamayan para manawagan ng kagyat na ayuda. Sa Iloilo, nagprotesta ang mga residente sa harap ng himpilan ng DSWD Region VI noong Abril 3. Sa Camarines Norte, kinalampag naman ng mga drayber ng traysikel ang upisina ni Gov. Edgardo Tallado.
Dalawang beses namang sumugod (Marso 24 at April 2) ang mga residente ng Barangay Muzon, Taytay, Rizal sa barangay hall para igiit na bigyan sila ng ayuda.
Protestang online
Idinaan sa internet ng maraming sektor, laluna ng kabataan at mga propesyunal, ang kanilang kumukulong galit laban kay Duterte dahil bawal ang paglabas sa bahay at mga pagtitipon. Tuluy-tuloy ang kanilang pagbatikos sa rehimen sa kainutilan nitong bigyan ng sapat na kagamitan tulad ng mga face mask, thermal scanner at personal protective equipment (PPE) ang mga manggagawang pangkalusugan.
Binatikos nila sa social media ang pagbibigay prayoridad sa pagpapaeksamen ng mga senador at kongresista sa gitna ng kasalatan sa mga testing kit. Lumaganap ang mga panawagang #NotoVIPTesting at #MassTestingNowPH, at iginiit ng mamamayan na dapat bigyan ng prayoridad ang mga duktor at nars, gayundin ang mga hinihinalang positibo sa Covid-19. Bahagi ng batayang mga hakbang na inirekomenda ng World Health Organization ang pagsasagawa ng mass testing o malawakang pag-eeksamen sa mga tao. Nag-anunsyo ang rehimen na magsasagawa ng mass testing mula Abril 14 pero para lamang sa mga taong may sintomas ng sakit at manggagawang pangkalusugan.
Tumampok din ang #NasaanAngAyuda para singilin ang rehimen sa mabagal na distribusyon at limitadong tulong pinansyal.
Hindi rin nila pinalampas ang panggigipit ng mga tauhan ni Duterte kay Vice President Leni Robredo at Mayor Vico Sotto ng Pasig na, taliwas sa pambansang gubyerno, ay kapwa hinangaan dahil sa pagkakawanggawa sa mga manggagawang pangkalusugan at mga pinahirapan ng lockdown. Malawak na suporta rin ang natanggap ni Atty. Chel Diokno, na nagboluntaryong magbigay ng serbisong ligal sa mga iniipit ng NBI, nang batikusin at kutyain siya ni Duterte.
Tumampok noong Abril 5 ang #DefendPressFreedom bilang pagtatanggol kay Joshua Molo, editor-in-chief ng Dawn, pahayagang estudyante ng University of the East. Binantaan si Molo na ikukulong kung hindi siya humingi ng tawad kaugnay sa kanyang mga kontra-Duterte na pahayag sa Facebook.
Damayan sa pagsugpo sa Covid 19
Dahil hindi ramdam ang ayuda ng gubyerno, buhos ang pagsisikap ng iba’t ibang grupo at indibidwal para magbigay ng tulong sa mga manggagawang pangkalusugan at mga maralita. Ito ay habang pinagsisikapan ng lokal na mga upisyal ng gubyerno na pagkasyahin ang limitadong rekurso sa pagharap sa pangangailangan ng mga residente.
Sa pamamagitan ng kampanyang #BarangayDamayan na inisyatiba ng Kadamay, namamahagi ang grupo ng relief goods sa iba’t ibang maralitang komunidad. Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang Sagip Kanayunan upang makatulong sa mga magbubukid ng Batangas at Bulacan. Inilunsad din nito ang kampanyang Bagsak-Ahon Gulay Sale kung saan ang mga inaning gulay ng mga magsasaka sa Bulacan ay ibinebenta online. Namahagi rin ng ayuda ang Kilusang Mayo Uno sa mga manggagawa sa Caloocan at Quezon City sa pamamagitan ng kampanyang #TulongObrero.
Mula sa nakulektang mga donasyon, namahagi ng mga isolation tent si Angel Locsin sa iba’t ibang ospital sa Luzon para makatanggap pa ang mga ito ng dagdag na mga pasyenteng may sintomas ng Covid-19. May kani-kanya ring pagsisikap ang iba pang mga artista at manggagawa para makalikom ng tulong.
Maraming Pilipino ang humugot sa kanilang mga bulsa para tumulong magparami ng mga face mask at iba pang pangangailangan ng mga ospital. Namigay ng libreng lutong pagkain ang mga restoran, karinderya at ordinaryong mamamayan. Ang mga may sasakyan ay nag-alok ng mga libreng sakay, libreng deliberi at iba pang serbisyo.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/04/07/galit-at-damayan-sa-panahon-ng-lockdown/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.