Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Ang pandemyang Covid-19 ay hindi usaping pangkalusugan na lamang
Mula sa isang krisis sa pampublikong kalusugan, ang sitwasyong ibinunsod ng pandemyang Covid-19 ay mabilis na namumuo na isang krisis sa ekonomya, kabuhayan ng masa, at pulitika. Lalo pang dumarami ang kaso ng nahahawa at namamatay sa Pilipinas at buong mundo. Kasabay nito, lalo ring dumarami ang mga Pilipinong dumaranas ng gutom, hirap at pasakit dahil sa ipinataw na lockdown ni Duterte na wala namang kaakibat na puspusan, sapat at maagap na mga hakbanging pangkalusugan at pangkabuhayan.
Lubhang napakabagal ng gubyerno ni Duterte na ipatupad ang kailangang-kailangang malawakang pag-eeksamen bilang hakbang para sawatain ang pagkalat ng sakit. Matapos ang tatlong linggo, humigit-kumulang 19,000 pa lamang ang naeeksamen samantalang dapat ay maramihan itong isinasagawa sa mga komunidad. Sa kabila ng ibinigay na kapangyarihan kay Duterte na baguhin ang badyet ng bansa, kulang na kulang ang inilaang karagdagang pondo para suportahan ang mga manggagawang pangkalusugan at para palakasin ang mga pampublikong ospital para makaagapay sa pandemya. Napakabagal humakbang ng gubyerno sa harap ng mga kakulangan ng suplay, at nakaasa pangunahin sa inisyatiba ng pribadong sektor. Nalalantad pa ang korapsyon sa sobrang presyo sa pagbili ng mga kagamitan.
Habang nagtatagal, milyun-milyong mamamayan ang pinagtitiis ng gubyerno sa pinagdurusahan nilang gutom. Kulang na kulang ang inilabas na pondo para tustusan ang lahat ng nawalan ng trabaho at nawalan ng kita. Atrasadong atrasado ang pagbibigay ng ayuda at marami ang hindi nakatanggap. Nagtuturuan ang mga upisyal ng iba’t ibang ahensya. Tumitingkad na kulang ang kaalaman at kakayahang mamuno ng gubyernong Duterte sa harap ng krisis. Umaasa ang marami sa mas mabilis at mas laganap pang ayudang ibinibigay ng mga boluntir na mga indibidwal, mga organisasyong masa, pribadong samahan, at iba pang grupo.
Kamay-na-bakal ang gamit ni Duterte sa pagharap sa krisis sa kalusugang pampubliko. Mga pulis at sundalo ang inilagay niya sa unahan at tuktok ng makinarya ng gubyerno na pantugon sa krisis pangkalusugan. Lalo niyang sinisikil ang mga karapatan ng mamamayan na magpahayag o magtipun-tipon. Hayagang pinagbantaan ni Duterte na ipababaril ang sinumang hindi susunod o “lilikha ng gulo.” Pinaghahari ni Duterte ang takot habang nabubuhay sa pangamba ang masang ginugutom ng lockdown at ng gubyernong pabaya.
Habang nagtatagal ang lockdown bilang tugon ni Duterte sa krisis pangkalusugan, lalong tumitingkad na kulang ang kakayahan ng kanyang gubyerno na pamunuan ang bansa sa panahon ng krisis at lahatang-panig na tugunan ang pangangailangan ng bayan. Lalo namang nagiging desperado ang milyun-milyong masang anakpawis at panggitnang uri sa kinakaharap nilang gutom, kasalatan at pagkasaid ng ipon at kawalan ng hanapbuhay.
Sa kanayunan, lalong nasasadlak sa hirap ang masang magsasaka dahil sa pagharang sa mga produkto, paghihigpit sa pagbiyahe at pagbili ng pagkain. Sa kabila ng idineklara ni Duterte na tigil-putukan, patuloy at lalo pang lumaganap ang mga operasyong kontra-insurhensya ng AFP at PNP. Hindi bababa sa 146 barangay ang kasalukuyang inookupa ng mga sundalo. May ilang lugar na nagbabahay-bahay ang mga sundalo na walang proteksyon sa mukha kontra sa pagkalat ng sakit. Sa tabing ng paglaban sa Covid-19, itinayo ang mga tsekpoynt upang limitahan o pagbawalan ang paggalaw ng mga tao para magtrabaho sa sakahan o bumili ng pagkain. Walang hinto ang panggigipit at “pagpapasurender” sa masa.
Upang labanan at tuluyang pigilan ang pandemya, obligado ang sambayanang Pilipino na tumindig, sama-samang kumilos at magtulung-tulong para pigilan ang pagkalat ng sakit at igiit sa gubyerno ang obligasyon nitong magbigay ng ayuda sa panahon ng krisis. Kasabay nito, kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan na niyuyurakan sa militaristang solusyon ng rehimen.
Dapat patuloy nilang igiit ang pagwawakas sa lockdown at sa halip ay ipatupad ang mga hakbang tulad ng maramihang screening at testing sa mga komunidad para madaling ibukod at pigilan ang pagkalat ng bayrus. Dapat maglaan ng sapat na pondo para pakilusin, sanayin at bigyan ng sapat na kagamitan ang libu-libong mga manggagawang pangkalusugan at mga boluntir. Ngayon ang panahon na isigaw ang pagpapalakas ng mga pampublikong ospital sa halip na paggiba sa mga ito sa ilalim ng patakarang pagkaltas sa pondo sa mga serbisyong pangkalusugan.
Habang ipinatutupad ni Duterte ang lockdown, dapat igiit ng mamamayan ang mabilis na pagbibigay ng sapat na ayuda sa lahat. Dapat singilin ang rehimeng Duterte sa usad-pagong, kulang at kwestyunableng paraan ng pamamahagi ng ayuda.
Sa harap ng lockdown, sadyang pangunahing natitipon ang kolektibong hangarin ng mamamayang Pilipino sa mga komunidad ng maralita sa kalunsuran at kanayunan. Narito ngayon ang konsentrasyon ng pagdurusa ng sambayanan. Dapat mapanlikhang kumilos ang mga magkakapitbahay para sama-samang ipahayag ang hinaing at kahiligan ng buong bayan. Dapat maramihan silang kumilos upang labanan at pangibabawan ang mga banta ni Duterte na susupilin ang lahat ng pagkilos ng masa.
Upang harapin ang pandemyang Covid-19 at bilang tugon sa panawagan ng United Nations para sa “pandaigdigang tigil-putukan,” nagdeklara ang Partido ng tigil-putukan noong Marso 26 na may bisa hanggang Abril 15. Itinuon natin ang mga yunit ng BHB sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga baryo kahit pa walang tigil silang ginagambala ng mga operasyon at mga pagsalakay ng AFP na nagresulta sa hindi bababa sa pitong armadong engkwentro. Sa harap ng walang-patid na mga opensiba ng AFP, pinaaalalahanan ng Partido ang lahat ng yunit ng BHB na panatilihing mataas ang disiplina sa lihim na pagkilos upang pagkaitan ang kaaway na sumalakay at panatilihing malawak ang maniobrahan para patuloy na makapagbigay ng serbisyo ang BHB sa masa. Dapat ring pakilusin ang lahat ng mga organisasyon at pwersa sa kanayunan para igiit ang mga kahilingang pang-ekonomya at pagplanuhan ang pagpapataas ng produksyon ng pagkain bilang paghahanda sa posibleng kasalatan bunsod ng lockdown at pagtigil ng produksyon.
Habang nagmamatigas si Duterte sa kanyang paraang pasistang diktadura, patuloy niyang inihihiwalay ang sarili niya sa mamamayan. Dahil sa krisis ng Covid-19 na kagagawan din ng mga kabiguan ng kanyang rehimen, lalong umalingasaw ang kanyang baho. Nayuyugyog ang kanyang rehimen bunga ng pagkitid ng suporta. Sa bawat buka ng maruming bibig at maling mga hakbang ni Duterte, lalo niyang ginagatungan ang malawakang galit at pinag-aalab ang tapang ng bayan. Paminsan-minsan siyang umaatras upang pakalmahin ang sitwasyon. Mapatutunayan pa kung mapipigilan niya ang pagkulo ng galit ng sambayanan o siya ang tuluyang malalapnos.
Ang napakalaking hambalos ng pandemyang Covid-19 sa Pilipinas ay naglalantad sa kabulukan at pundamental na kontradiksyon ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa bansa. Tumambad ang kawalang kakayahan ng naghaharing estado na tugunan ang pangangailangan ng bayan. Lalong naging malinaw ang pangangailangan para sa rebolusyonaryong pagbabago upang itayo ang bagong sistema ng demokrasyang bayan na tunay na magtataguyod sa kagalingan at interes ng mamamayang Pilipino.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/04/07/ang-pandemyang-covid-19-ay-hindi-usaping-pangkalusugan-na-lamang/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.