Thursday, August 22, 2019

CPP/NPA-Southern Tagalog: Panggigipit at pasismo ang tumutulak sa pagdami ng kabataang sumasampa sa NPA

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 22, 2019): Panggigipit at pasismo ang tumutulak sa pagdami ng kabataang sumasampa sa NPA

JAIME 'KA DIEGO' PADILLA
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
AUGUST 22, 2019

Habang patuloy ang paninira ng AFP-PNP at DILG sa CPP-NPA at demokratikong kilusan, lalong dumarami ang mga kabataang lumalahok sa iba’t ibang anyo ng pagkilos at pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan resulta ng patuloy na pagsikil at panggigipit ng estado sa demokratikong karapatan ng mga mamamayan at sa mga kabataan sa mga sakahan, pabrika, komunidad at pamantasan. Hindi mapipigilan ang mga kabataan ng mga pagbabanta at pananakot para maghanap ng kasagutan sa nagnanaknak na sakit ng lipunan na tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang naglalatag ng pinakakumprehensibong solusyon.

Ang sarswelang imbestigasyon na pinapakana nina Ronald dela Rosa, Oscar Albayalde at Eduardo Año sa paglahok ng mga kabataan sa armadong rebolusyon ay patunay ng desperasyon ng rehimen na tapusin ang masidhing pakikibaka ng mamamayan sa buong bansa. Hindi magkandatuto at halos maglupasay ang mga alipures nito sa senado, kongreso, militar at gabinete kung paano pipigilan ang mga kabataan sa paglahok sa pakikibakang ligal, mala-ligal, armado at di armado. Gamit ang mga minanipulang magulang ng mga kabataan para ibando sa publiko ang diumanong pagkawala ng kanilang mga anak at paglahok sa aktibismo, kinikitil nila ang malayang paglahok ng mga kabataan sa lehitmong kilusang naghahangad ng mas maaliwalas na kinabukasan ng bansa.
Takot na takot ang rehimeng Duterte at buong naghaharing uri sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka gayung walang patumangga naman ang ginagawang pag-atake ng mga mersenaryong tropa nito sa walang kalaban-labang mga mamamayan.

Malinaw ang landas na tinatahak ng kabataang Pilipino sa kasalukuyang panahon. Alam nila ang tama at mali para sa kanilang sarili at sa bayan. Sa kasaysayan ng daigdig, ang aktibismo ng mga kabataan ang diklap na nagpapaalab ng kilusan para sa pagbabagong panlipunan—isang kilusang nagtatakwil sa nabubulok na luma’t reaksyunaryo upang palitan ng bago, progresibo at rebolusyonaryong kaayusan.
Samantala, walang ibang hangarin ang reaksyunaryong gubyerno kundi ang iligaw at ilayo ang mga kabataan sa tunay na kalagayan ng bansa. Layunin nitong ilihis ang kabataan sa landas ng malayang pagkilos at ibulid sila sa pag-aasal-alipin at sunud-sunuran sa baluktot na patakaran ng gubyerno. Taliwas sa pinamamarali ng estado, ang

paglahok ng mga kabataan sa panlipunang aktibismo ay higit na nagpapakita ng kanilang pagiging patriotiko, makabayan, progresibo at militante kaysa lumahok sa hungkag na programa ng gubyerno na nagtuturo ng pagiging makasarili at taksil sa bayan. Kung tutuusin, sadyang darami ang mga kabataang lalahok sa rebolusyon dahil sa

patuloy na pagsahol ng pang-ekonomiya at pampulitikang krisis sa bansa.

Hindi kayang yanigin at pabuwayin ng pananakot at intimidasyon ang matibay na paninindigan ng makabagong kabataan tungo sa makabuluhang pagbabagong panlipunan. Habang sinisikil at ginagamitan ng pamimilit, lalong mag-aaklas ang kabataang uhaw sa katotohanan at karunungan.

Nananawagan tayo sa lahat ng kabataan na ipagpatuloy ang masiglang paglahok sa iba’t ibang demokratikong pagkilos na magpapalaya sa buong bayan. Buong tiyagang imulat ang mga magulang at iba pang kapamilya na binubulag ng maling paniniwala ng reaksyunaryo at itim na propagandang sumusupil sa katotohanan na ang pagkaatrasado ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino ay likha ng dominasyon at pagkubabaw ng malalaking burgesya-kumprador, malalaking despotikong panginoong maylupa, mga burukrata kapitalista at amo nilang imperyalismong US.

Batid ng mga kabataan na sila ang tunay na pag-asa ng bayan. Handa silang balikatin ang papel at tungkulin para palayain ang bayan mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Sa maaliwalas na bukas na hatid ng mga kabataan, nakatitiyak tayong maibabagsak ang pasista, taksil, mamamatay-tao, kriminal at korap na rehimeng US-Duterte.###

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.