Thursday, August 22, 2019

CPP/NDF-Southern Tagalog: Paghahasik ng kasinungalingan ng 
pasistang rehimeng US-Duterte: Mabibigo

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 22, 2019): Paghahasik ng kasinungalingan ng 
pasistang rehimeng US-Duterte: Mabibigo

NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
AUGUST 22, 2019

Matapos mabigo at langawin ang mga pakulong “localized peacetalks” at gawa-gawang zarzuela ng diumano’y mga pagsuko ng mga kasapi at taga suporta ng NPA, bumaling naman ang administrasyong Duterte sa pagtutulak at sapilitang pag-oobliga sa mga LGU na maglabas ng mga resolusyon na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata. Ang mga hindi tatalima na LGU’s ay babantaan at aakusahang NPA supporters at maaaring maging target ng ejk at iba pang pasistang panggigipit at pag-atake.

Tiyak na hahantong lamang sa kabiguan ang bagong pakanang ito ng pasistang rehimen katulad din ng mga nauna nilang pagtatangka na maghasik at magpakalat ng kasinungalingan laban sa CPP-NPA-NDFP. Ang mga deklarasyon ng mga LGU sa CPP-NPA-NDFP na persona non grata ay huwad at walang bisa sa rebolusyonaryong kilusan. Ito’y mga deklarasyon na iniluwal ng pagbabanta, pananakot at pamimilit ng mersenaryong AFP-PNP at DILG sa mga LGU sa pamamagitan ng TF-ELCAC.

Umaasa si Duterte na sa pamamagitan ng bagong pakanang pagdedeklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata, mapapaniwala niya ang taumbayan na nagtatagumpay ang kanyang kontra-insurehensya pakana laban sa rebolusyonaryong kilusan na hindi nagawang kamtin ng palpak at nilangaw na localized peacetalks at staged surrenders ng mga diumano’y aktibong kasapi ng NPA at mga taga suporta nito.

Sa muli, nangangarap nang gising ang taksil, pasista at tiranikong si Duterte. Sa halip, lalo lamang inilalantad ni Duterte ang kanyang kabiguan at desperasyon na makapuntos sa propaganda war laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kung totoong nagtatagumpay ang pasistang rehimeng US-Duterte sa kontra-rebolusyonaryong digma nito laban sa CPP-NPA-NDFP, bakit kailangan pa nilang manindak, magbanta at sapilitang magpapirma sa mga LGU sa hinanda nilang dokumento na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata? Bakit patuloy at garapalan ang ginagawa nilang pandarahas at paninikil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan kung totoong humihina na ang rebolusyonaryong kilusan? Bakit kailangan pang garapal na dahasin at sindakin ng AFP at PNP ang masa kung ayaw nila sa rebolusyonaryong kilusan? Hindi ba ito’y malinaw na panibagong maniobrang pampropaganda ni Duterte para manlinlang at magpakalat ng kasinungalingan sa taumbayan para pagtakpan ang kanilang kabiguan?

Inutil at hungkag ang panibagong hakbang ng pasistang rehimeng US-Duterte na ideklara ang CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata

Tiyak na hahantong lamang sa kabiguan anuman ang gawin ng pasistang rehimen na magpatupad ng mga hakbangin sa panlilinlang at pagkakalat ng kasinungalingan sa taumbayan laban sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi na matitinag pa ang matibay na ugnayan ng taumbayan at rebolusyonaryong kilusan na pinanday at hininang sa mahabang panahon ng pagsasama sa buhay-at-pakikibaka para ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Ang pag-iral sa matagal na panahon ng mga lokal na organo ng Pulang kapangyarihan sa malawak na bahagi ng kanayunan ng bansa ay patunay na ang rebolusyonaryong pwersa ay tinatangkilik at nagtatamasa ng malawak na suporta ng taumbayan. Ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ay nag-eehersisyo ng pampulitikang otoridad sa depinidong tipak ng teritoryo, nagpapatupad ng sariling batas, may sariling kumprehensibong programa sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, may sariling programa sa serbisyong panlipunan tulad ng sa edukasyon, kultura, pangkalusugan at pampalakasan gayundin ng sariling sistema ng hustisya at progresibong pagbubuwis.

Ang katotohanang ito ay hindi kayang baguhin ng anumang uri ng deklarasyon mula sa reaksyonaryong gubyerno laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang CPP-NPA-NDFP ay de facto isang lehitimong “belligerent force”. Hindi na ito kayang pasubalian ng reaksyunaryong gubyerno anumang pilit na karatulahan nila ang CPP-NPA-NDFP bilang mga “insurgent” at terorista. Sa mata at karanasan ng taumbayan, ang CPP-NPA-NDFP ang tanging pampulitikang organisasyon na may malinaw na agenda at programa na maghahatid sa kanila sa kasaganaan at magbibigay ng tunay na kalayaan at demokrasya sa bawat isa.

Ang taumbayan at hindi ang reakyunaryong gubyerno ang magkakaloob ng legitimacy at belligerent status sa CPP-NPA-NDFP.

Ilang ulit mang patindihin ng pasistang rehimeng US-Duterte ang mga pag-atake nito sa rebolusyonaryong kilusan at sambayanang Pilipino hinding hindi nito mapipigilan ang pagsulong at paglakas ng paglaban ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya tungong sosyalismo. ###

https://cpp.ph/statement/paghahasik-ng-kasinungalingan-ng-%e2%80%a8pasistang-rehimeng-us-duterte-mabibigo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.