Thursday, August 22, 2019

CPP/NDF-Southern Tagalog: Anti-Kaliwang Pagdinig ni Bato dela Rosa sa Senado: 
Panunugis at Pagsikil sa Boses ng Oposisyon sa rehimeng Duterte

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 22, 2019): Anti-Kaliwang Pagdinig ni Bato dela Rosa sa Senado: 
Panunugis at Pagsikil sa Boses ng Oposisyon sa rehimeng Duterte

ATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
AUGUST 22, 2019

Mariin naming kinokondena ang patuloy, papatindi at orkestradong mga pag atake ng mga galamay at alipures ng pasistang Duterte sa loob at labas ng reakyunaryong Kongreso laban sa mga lehitimong organisasyon at oposisyon na kritikal at bumabatikos sa mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga patakaran ng administrasyong Duterte.

Mariin din naming kinokendena ang pagsasampa ng CIDG-PNP ng kidnapping at iba pang mga gawa gawang kaso laban sa mga lider kabataan at estudyante na kabilang sa mga progresibong organisasyon.

Ganundin, mariin naming tinutulan ang panukala ni Secretary Año ng DILG sa muling pagbuhay sa matagal nang nakalibing na RA 1700 o Anti Subversion Law. Ito ay malupit at mapanupil na panukala na nais ibalik ang tipikal na mga taon ng batas militar ni Ferdinand Marcos kung saan ginamit niya ang RA 1700 para maramihang ipakulong ang kanyang mga kritiko.

Tinututulan din namin ang planong pag-aamyenda sa Human Security Act of 2007 upang magamit nilang batas hindi lamang laban sa mga terorista kundi maging sa mga kritiko at lehitimong oposisyon na bumabatikos sa kasalukuyang gubyerno.

Walang ibang nasa likod ng ganitong mga orkestradong pag-atake sa mga demokratiko, sibil at pampulitikang karapatan ng mamamamayan kundi ang taksil, tiraniko at uhaw sa dugong si Rodrigo Roa Duterte na laging naghahangad na makapanatili sa kapangyarihan lagpas sa kanyang termino at magpataw ng batas militar sa buong kapuluan.

General Bato de la Rosa. Pasistang galamay at alipures ni Duterte sa Senado

Tulad ng inaasahan, hindi pa man nagtatagal sa pag-upo bilang senador ang dating Heneral Bato de la Rosa (matapos diumano’y manalo sa halalang balot ng pandaraya at manipulasyon), umarangkada na muli ang kanyang tunay na katauhan at karakter bilang isa sa mga nangungunang pasistang galamay at alipures ni Duterte sa imbing pakana nito na magpatupad nang higit na malulupit at mapaniil na mga batas laban sa taumbayan.

Sa pamamagitan ng pagpapatawag ng mga pagdinig sa Senado, ginagamit ni `General Tokhang/Double-Barrel’ Bato dela Rosa ang kanyang pusisyon bilang tagapangulo ng makapangyarihang Committee on Public Order and Dangerous Drug para sa witch hunting na sa kalaunan ay hahantong sa pagbalangkas ng mga panibagong malulupit at mapaniil na mga batas alinsunod sa kagustuhan ng rehimeng Duterte na ipagbawal nang lubusan ang pag-iral ng mga organisasyon ng mga kabataan at estudyante kabilang ang iba pang mga organisasyon ng mamamayan na kritikal sa kanyang administrasyon at aktibong nakikisangkot sa takbo ng pulitika sa bansa.

Sa ngayon, pinupuntirya at pinupuruhan muna ng pag-atake ni Gen. ‘Tokhang/Double-Barrel’ Bato dela Rosa ang mga lehitimo at progresibong organisasyon ng mga kabataan at estudyante na kritikal at aktibong lumalaban sa anti-kabataan at anti-mamamayang mga patakaran ng rehimeng US-Duterte. Maging ang pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip at aktibismo ng mga kabataan at estudyante, na kinikilala bilang bahagi ng isang malusog na demokrasya at ginagarantiyahan ng Saligang Batas ng GRP bilang pundamental na karapatan sa pamamahayag at asembliya ay hindi pinalagpas sa pagbusisi at pagbatikos ni Gen ‘Tokhang/Double-Barrel’ Bato. Itinuturing niya na ang pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip at aktibismo ng mga kabataan ay dahil sa brainwashing at impluwensya ng mga maka-kaliwang grupo at mga Komunista. Ang gusto sigurong mangyari ni Gen. Bato de la Rosa sa mga kabataan at estudyante ay maging katulad niya na mangmang at bulag na tagasunod ng pasistang rehimeng Duterte. Tulad ng ginawa niyang bulag na pagsunod sa kampanya kontra sa ilegal na droga ni Duterte nang siya pa ang Hepe ng pambansang pulisya na kung saan umabot na sa mahigit sa 20,000 ang napapatay.

Militarisasyon ng mga paaralan at unibersidad ang nais mangyari ni Gen. Bato de la Rosa

Upang mapigilan ang diumano’y panlalason sa kaisipan at rekrutment ng mga maka-kaliwang grupo at komunista sa mga kabataan at estudyante, pinalutang ni Gen. ‘Tokhang/Double-Barrel’ Bato ang kagustuhan niyang magkaroon ng permanenteng presensya ng mga pulis at sundalo sa mga paaralan at unibersidad sa bansa. Hinihikayat niya ang mga pamunuan ng mga pampubliko at pribadong paaralan at unibersidad na pahintulutang makapasok ang mga pulis at sundalo para mabantayan ang kanilang mga estudyante mula sa impluwensya at rekrutment ng mga di umano’y mga makakaliwang grupo. Nais din niyang lubusang ipagbawal ng pamunuan ng mga kolehiyo at unibersidad ang pagtatayo at pag-iral ng mga progresibong organisasyon sa loob ng mga kampus.

(Ang pagbabawal sa mga pulis at sundalo na makapasok sa paaralan at unibersidad nang walang pahintulot ng mga pamunuan ng unibersidad at paaralan ay laman ng DND-STUDENT Accord of 1982 sa pagitan nina `Enrile na nuo’y kalihim ng DND at ni Sonya Soto.)

Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mga kabataan at estudyante sa rehiyon na kumilos at makibaka para biguin ang mga orkestradong hakbang ng rehimeng Duterte at ng kanyang mga alipures na magpataw ng mga mabibigat at mapaniil na mga bagong batas na lalong kikitil sa mga natitira pang sibil at demokratikong karapatan ng mamamayan.

Huwag nating pahintulututan na makapanaig ang pasistang rehimeng Duterte sa pagbusal sa bibig, pagpiring sa mata at pagtakip sa teynga ng mga kabataan at estudyante sa rehiyong Timog Katagalugan at bansa.

Magsagawa tayo ng iba’t ibang tipo ng pagkilos na tatatak at magsisilbing simbolo ng malakas na protesta at pagtutol sa mapanupil na patakaran ng taksill, pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte.###

https://cpp.ph/statement/anti-kaliwang-pagdinig-ni-bato-dela-rosa-sa-senado-%e2%80%a8panunugis-at-pagsikil-sa-boses-ng-oposisyon-sa-rehimeng-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.