Thursday, August 22, 2019

CPP/NDF-Southern Tagalog: Mabibigo ang kontra-rebolusyonaryong gera ng SOLCOM laban sa CPP-NPA-NDFP

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 22, 2019): Mabibigo ang kontra-rebolusyonaryong gera ng SOLCOM laban sa CPP-NPA-NDFP

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
AUGUST 22, 2019

Nangangarap nang gising o kundi man ay patuloy na nahihibang ang pamunuan ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (SOLCOM-AFP) sa pag-aakalang magagapi nila ang CPP-NPA-NDFP.

Sa kanilang pinakahuling inilabas na Online Poster/Flier na inilathala sa kanilang Facebook Page nuong Agosto 8, 2019, buong kahambugan na sinabi ng Solcom na “Malapit na ang Katapusan ng CPP-NPA sa Buong Bansa” Sa naturan ding online poster/flier, walang kahihiyang nagparating din ng pasasalamat ang Solcom sa publiko sa paniniwalang nakikiisa ang taumbayan sa kanilang kontra-insurehensyang kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Walang magawa ang pamunuan ng Solcom at buong AFP kundi ang lokohin at aliwin ang sarili na parang sirang plakang paulit-ulit na pinapahayag sa publiko na malapit na ang katapusan ng CPP-NPA. Subalit pinasubalian na ang ganitong mga pamamahayag sa kasaysayan ng 50-taong pagsusulong ng armadong pakikibaka sa bansa sapul pa sa panahon ng pasistang rehimeng Marcos kung saan nasa kamusmusan pa lamang ang CPP-NPA at panimulang ipinupundar pa lamang ang mga batayan ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas.

Sa kabila ng kanilang kalamangan sa tauhan, sandata’t lohisitika at suporta ng US, nabigo si Marcos at ang mersenaryong AFP na kitlin-sa-usbong ang nuo’y nagsisimulang armadong paglaban ng mamamayan. Bagkus, patuloy na lumawak at lumakas ang rebolusyonaryong kilusan sa gitna ng mahirap na kundisyon bunga ng pasistang paghahari ni Marcos dahil sa malaganap na kahirapan, pagsasamantala at panunupil ng batas militar sa bansa.

Muling naulit ang pahayag na ito ng Solcom-AFP sa panahon ni Corazon Aquino nang ideklara nito ang “total war policy” laban sa CPP-NPA-NDFP matapos umatras ang NDFP sa usapang pangkapayapaan sa GRP dahil sa pangyayaring Mendiola Massacre nuong Enero 1987 at sa usaping panseguridad. Tulad ni Marcos, nabigo ang rehimen ni Corazon Aquino na gapiin at lupigin ang rebolusyonaryong kilusan.

Sa panahon ni Fidel Ramos at mga sumunod pang mga rehimen, bago ang kasalukuyang pasistang rehimeng US-Duterte, naging gaya-gaya at paulit ulit lang ang ginagawa ng Solcom-AFP sa pagtatakda ng palugit para wakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa bansa alinsunod sa ipinapatupad nitong mga programang kontra-rebolusyonaryo.

Ganito na naman ang pahayag ng Solcom-AFP, sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Duterte, sa pag-aakala na sa pamamagitan ng estratehiyang whole of nation approach to end local communist armed conflict sa ilalim ng Oplan Kapanatagan ay maigugupo na nila ang rebolusyonaryong kilusan pagsapit ng 2022. Binago nila ang unang palugit mula kalagitnaan ng taong 2019 tungong Hunyo 2022 matapos lubusang i-abandona ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa NDFP.

Tulad ng nangyari sa mga nakaraang rehimen patuloy lang na makakalasap ng kahihiyan at kabiguan ang Solcom-AFP kahit ilang beses man nilang ulit-ulitin ang pagbabando sa publiko na malapit na ang katapusan ng CPP-NPA. Hindi kailanman mauunawaan ng mga reaksyunaryo (palibhasa’y iniidolo ni Duterte ang pasistang si Marcos at nahubog naman sa mersenenaryong tradisyon ang AFP) ang katotohanan na hangga’t nariyan ang kahirapan, pagsasamantala’t pang-aapi at kawalan ng katarungang panlipunan, laging umiiral ang batayan at dahilan para lumahok ang mamamayan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Patuloy na maghahangad ang mamamayan ng radikal na pagbabago sa lipunan at magpapatuloy ang paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Hangga’t naghihirap, nakararanas ng ibayong kagutuman at inhustisya ang taumbayan, hindi mapipigilan ng anumang pwersa ng reaksyunaryong kapangyarihan ang paglaban ng mamamayan. Hangga’t patuloy na ipinapatupad ni Duterte ang pinatinding pasistang pag-atake at terorismo laban sa mamamayan at sinisikil ang mga kalayaang sibil at demokratiko, lalong bibilis ang kapasyahan nilang sumapi sa NPA at maglunsad ng armadong rebolusyon.

Ang pinakakawalang labis na panunupil at ang tiranikong paghahari ng pasistang rehimeng US-Duterte ang mismong dahilan kung bakit patuloy na lumalakas ang ligal, di-armado at armadong paglaban ng mamamayan. Batas ito ng kasaysayan na di maaring pigilan ng anumang karahasan at terorismo ng reaksyunaryong estado. Ngayon pa lamang idinideklara ng rebolusyonaryong kilusan sa TK ang dadanasing pagkasiphayo ng Solcom at buong AFP. ###

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.