Wednesday, February 27, 2019

CPP/NPA-Bulacan: Mga Armadong Goons at Gwardya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)-Ayala Land, Nireyd ng NPA-Bulacan. Labing-apat na Armas, Nakumpiska!

NPA-Bulacan propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 26, 2019): Mga Armadong Goons at Gwardya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)-Ayala Land, Nireyd ng NPA-Bulacan. Labing-apat na Armas, Nakumpiska!

Jose Del Pilar
NPA-Bulacan
February 26, 2019           
 
Matagumpay na ni-reyd ng isang platun ng New People’s Army (NPA-Bulacan) ang opisina at mga detatsment ng Seraph Security Agency, mga armadong goons at gwardiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)-Ayala Land sa Barangay San Isidro, San Jose Del Monte City,Bulacan, kahapon ng gabi, Pebrero 25, 2019, sa ganap na ika-7:14 hanggang ika-9:06 ng gabi. Ang nasabing security agency ang kinabibilangan ng mahigit 40 armadong gwardya at goons na nagpapatupad sa pangangamkam ng 700 ektaryang lupa para sa interes ng Ayala Lands ng Pamilyang Zobel-Ayala at ng BSP.

Sa reyd na ito ay nakumpiska ng NPA-Bulacan ang labing apat (14) na armas kabilang ang 12 na mataas na kalibreng baril at 2 na pistola, magazine at mga bala Nakumpiska din ang 7 Icom radio, posas t iba pang kagamitang militar.

Ang nasabing kumpanya na pag-aari ni General Magtanggol Gatdula ang ginagamit ng Ayala Lands-BSP sa malawakang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontados. Pwersahang pinapalayas, tinatakot o nililinlang ang mga magsasaka at Katutubong Dumagat sa lugar upang mapaalis sa kanilang lupang sakahan, tirahan at lupang ninuno. Gamit ang panlilinlang sa pamamagitan ng pwersahang pamimili ng lupa sa napakamurang halaga, pandarahas at pagpatay sa mga lumalaban at ayaw pumayag na ibenta ang kanilang lupa sa napakamurang halaga ay nagawa ng Ayala Lands at mga kasabwat nito sa BSP na kamkamin ang mahigit 700 ektaryang lupa at napalayas ang mahigit 200 pamilya ng mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontado sa San Isidro, San Jose del Monte City, Bulacan. Sinasamantala ng sabwatang BSP-Ayala Land na walang programa sa Tunay na Reporma sa Lupa ang Rehimeng Duterte para mabilis na maikonsentra ang malalawak na lupain sa kanilang mga kamay. Sa kabila ng kalagayan na ang lupaing ito’y produktibong agrikultural na lupain na pinagyaman ng mga magsasaka at ang iba pang bahagi ay saklaw ng lupaing ninuno ng mga katutubong Dumagat at Remontado na dapat na maipamahagi sa kanila at saklawin ng mga batas sa repormang agraryo at batas sa karapatan ng mga katututubo ay nagtengang-kawali ang mga ahensya ng reaksyonaryong gobyerno kabilang na ang DAR, NCIP at mga ahensya ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Bulacan sa kahilingang mapanatili ito sa kontrol ng mga masasaka, katutubo at mamamayan sa nasabing lugar.

Ang reyd na ito ay pagbibigay katarungan sa kaapihan ng mga Katutubong Dumagat at Remontado, mga magsasaka at mamamayan na patuloy na pinagsasamantalahan ng sabwatang BSP-Ayala Land at iba pang mangangamkam ng lupa sa lalawigan ng Bulacan. Ang NPA bilang tunay na Hukbo ng Bayan ay patuloy na gagampanan ang kanyang dakilang misyon na ipagtanggol ang mamamayang Pilipino sa pananalakay at pang-aapi ng mga malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at mga dayuhang mandarambong. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, makakaasa ang mamamayan na ang NPA ay patuloy na paglilingkuran ang sambayanan at kakapit-bisig ng buong bayan ay bibigyang katarungan ang mga kaapihan ng mamamayan. Totoo ito sa nakaraang 50 taon ng paglilingkod ng NPA sa mamamayang Pilipino. Totoo pa rin ito sa susunod pang mga panahon. Patuloy itong gagawin ng NPA kahit matapos ang ika-50 anibersaryo ng pagkatatag nito.

Dahil suportado ng mamamayang Pilipino ang NPA bilang kanilang tunay na Hukbong Bayan ay tiyak na mabibigo ang Rehimeng US-Duterte at ang kanyang mga alipores na tuta ng Imperyalismong US na sina Gen. Delfin Lorenzana ng DND, Gen. Eduardo Año ng DILG at Gen. Esperon ng National Security Agency sa kanilang pangarap na durugin ang CPP-NPA-NDFP sa taong 2019. Tulad ng pagkabigo nila noong 2018 ay tiyak din ang kanilang kabiguan hanggang sa matapos ang kanilang panunungkulan sa ilalim ng Rehimeng US-Duterte. Isang katiyakan na mawawala na sila sa kapangyarihan subalit ang NPA ay patuloy na iiral para gampanan ang walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay para paglingkuran ang sambayanang Pilipino laban sa mga mapagsamantala at mapang-api. Patuloy nitong isusulong ang Digmang Bayan hanggang sa ganap na tagumpay ng Rebolusyong Pilipino.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.