Nang mangyari ang dalawang magkasunod na pambobomba sa loob at labas ng simbahang Katoliko sa Jolo, Sulu noong Enero 28, mabilis itong idineklara ni Rodrigo Duterte na mga “suicide bombing” (pambobomba gamit ang sarili) ng mga “dayuhang terorista.”
Hindi na baleng kasisimula pa lamang ng imbestigasyon at wala pang ebidensya ang kanyang mga pulis. Giit pa ni Duterte, patunay diumano ito na naglipana ang mga kampon ng ISIS sa Sulu at kinukupkop ang mga ito ng “maka-ISIS” na Abu Sayyaf Group (ASG). Sa gayon, kailangang lalupang paigtingin ng AFP ang mga operasyon nito sa Jolo at sa kabuuan ng prubinsya ng Sulu (Jolo, Basilan at Tawi-tawi).
Hindi nalalayo ang deklarasyon at estilo ni Duterte kaugnay ng mga “dayuhang terorista” sa Sulu ang deklarasyon niya noon na naglipana ang mga ito sa Marawi para bigyan-katwiran ang pagpataw ng batas militar at hayag na panghihimasok ng US sa bansa. Tulad ng Marawi noon, binigyan niya ng katwiran at higit na awtoridad ang AFP na manghalihaw at wasakin ang mga sibilyang komunidad, palayasin ang mga residente dito at sa kalauna’y ilaan ang kanilang lupa at rekurso sa mga burgesya-kumprador at kanilang mga dayuhang kasosyo.
Noong Disyembre 17, 2018, pormal niyang binuo ang bagong dibisyon ng AFP, ang 11th ID, na tututok pangunahin sa Sulu. Inamin naman ni Delfin Lorenzana, kalihim ng Department of National Defense, na matagal nang sangkot ang US sa mga operasyon ng AFP sa Sulu, partikular sa mga operasyon nito laban sa mga “dayuhang terorista.” Katunayan, sa pambobomba sa Jolo nitong Enero, ang mga tauhan at gamit ng US ang unang dumating sa lugar. Pinapayungan ang mga aktibidad na ito ng US sa bansa ng Operation Pacific Eagle-Philippines, ang itinayo nitong “misyong kontra-terorismo” gamit ang “gera” sa Marawi noong 2016.
Nakadugtong din ang mas maigting na mga operasyong militar ng AFP at US sa lugar sa pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), isang hakbang na mariing tinututulan ng Sultanato ng Sulu. Bumoto ang Sulu laban sa Bangsamoro Organic Law (BOL), ang batas na magtatatag ng BARMM. Gayunpaman, dahil nakapaloob ang Sulu sa dating Autonomous Region of Muslim Mindanao na pumabor sa BOL sa pangkalahatan, mapapailalim pa rin sa BARMM ang prubinsya.
Sulu at ang “gera kontra- terorismo” ng US
Malaon nang ginagamit ng US ang Mindanao, partikular ang arkipelago ng Sulu, bilang palaruan ng mga tropa nito. Itinuturing ito ng US Indo-Pacific Command–kasama ang kagyat at nakadugtong na karagatan dito, ang Sulawesi Sea (dating tinatawag na Celebes Sea)–bilang “nangungunang erya ng interes para gera kontra-terorismo sa Pacific” at “pokus sa bilateral na ugnayan ng mga bansa sa Southeast Asia.” Binubuo ang Sulu-Sulawesi Sea ng isang milyong kwadrado kilometro ng karagatan at hinahangganan ng Pilipinas, Indonesia at Malaysia.
Tulad sa Marawi, ang pagtatambol ni Duterte kaugnay sa ISIS at mga dayuhang terorista sa Sulu ay nagbibigay-katwiran para sa malalim at masaklaw na interbensyong militar sa US sa bansa. Noong 2001, inilunsad ng US ang Operation Enduring Freedom Philippines (OEF-P) at binuo ang Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) para muling ibase ang mga tropa nito sa bansa. Ito ay sampung taon matapos ibasura ng Senado ng Pilipinas ang Military Bases Agreement noong 1991 na nagpasara sa mga base militar ng US sa bansa. Sa ilalim ng OEF-P, direktang idinirehe ng US ang mga operasyon ng AFP sa Mindanao, partikular sa Sulu, sa tabing ng pagtugis sa ASG na noo’y iniugnay sa grupong Al Qaeda. Ang Al Qaeda ang nagpasimuno sa pambobomba sa US noong Setyembre 11, 2001, mga atakeng nagbunsod ng ilang-dekada nang mga gerang agresyon at okupasyon ng US sa Middle East, Afghanistan at Africa.
Para bigyan ng internasyunal na halaga, iniugnay ng US ang ASG sa Jemaah Islamiyah (JI), isang grupong maka-Al Qaeda na nakabase sa Indonesia at Malaysia, at tinaguriang “trayangulo ng teror” sa Southeast Asia ang tatlong bansa. Ang ASG, ISIS at maging ang al Qaeda, ay direktang iniluwal mula sa mga lihim na aktibidad ng Central Intelligence Agency ng US sa mga bansang pinakialaman nito sa nakaraang mga dekada. Ang US mismo ang nagpondo at nagpalaki sa ISIS mula 2012 nang armasan at gamitin nito ang grupo laban sa kontra-US na rehimen sa Syria. Kapuna-puna na sa Pilipinas, muling lumalaki at nagiging aktibo ang ASG, isa sa mga halimaw na iniaanak ng lihim at korap na mga operasyon ng US at ng AFP, kapag kinakailangan ng militar ng US ng dagdag na panabing at katwiran para sa interbensyon.
Matagal nang ginagamit ng US ang Sulu Sea bilang lagusan at taguan ng mga barko at submarino nito, lingid man o hindi sa kaalaman ng nakaupong tuta nitong rehimen. Sa kalakhan ng dekada 2000, idinahilan ng US ang paggamit diumano ng ASG at JI sa Sulu-Sulawesi Sea para ilunsad ang malalaking pagsasanay-militar sa pagitan ng US at AFP sa tabing ng para diumano sa “seguridad pandagat.” Pero mula 2009 hanggang 2016, hindi gaanong naging aktibo ang ASG sa itinuturing ng US na mga “teroristang aktibidad.” Sa halip, naging tampok ang bandido at kriminal na katangian nito sa sunud-sunod nitong pagpangkidnap ng mga dayuhang turista at ordinaryong sibilyan, gayundin ng mga mangingisda sa laot ng Sulu-Sulawesi. Dahil dito, binago ng US ang pagpapalusot ng presensya nito sa Sulu mula sa simpleng “terorismo” tungo sa pagsugpo ng pamimirata at iba pang krimen na tinagurian nitong “terorismo sa karagatan.”
Seguridad pandagat, tabing sa pagpapakitang-lakas
Ang totoo, layunin ng US na pusisyunan ang kabuuan ng Sulu-Sulawesi Sea para makontrol ang isang mahalagang ruta ng mga barkong militar at tropa nito, gayundin ng komersyo, sa rehiyon ng Southeast Asia.
Importante ang rutang ito dahil sa malalalim na bahagi ng dagat na pabor sa malalaking barkong pandigma at submarino na tumutungo at lumalabas sa South China Sea. Importante rin ito dahil dito nauugnayan at napapalahok ng US sa mga “kooperasyong pandagat” ang mga hukbo ng Indonesia at Malaysia, mga bansang hindi nagpapapasok at nagpapabase ng mga tropang Amerikano.
Liban dito, lagusan ang Sulu-Sulawesi Sea ng milyun-milyong mamamayan at komersyal na mga barko. Taun-taon, umaabot sa 18 milyong katao at 100,000 barkong nagkakarga ng 55 milyong toneladang produktong nagkakahalaga ng $40 bilyon ang dumadaan sa karagatang ito. Sa partikular, dito dumadaan ang mga supertanker (malalaking barkong may kargang langis) na hindi kayang dumaan sa Malacca Strait (sa pagitan ng Malaysia at Indonesia) dahil hindi sapat ang lalim doon. Karugtong din ng Sulawesi Sea ang Makassar Strait, ang pangalawang pinakamalaking liquid natural gas field na gumagana sa mundo.
Mula 2008 hanggang 2011, inilatag ng US ang Coastal Watch System (CWS), isang sistema ng mga radar para manmanan ang anumang kilos sa karagatan ng Pilipinas. Halos sampu sa mga radar na ito ay nasa karagatan ng Sulu habang ang dagdag na sampu ay ipinwesto malapit sa mga isla ng Palawan, Mindoro at Zambales (lahat nakaharap sa South China Sea); at sa Samar at mga baybay ng mga rehiyon ng Davao na nakatutok naman sa Sulawesi Sea at Pacific Ocean. Ipinagawa ng Department of Defense at Department of Energy ng US ang naturang mga radar sa pamamagitan ng direktang pagpopondo at ayudang militar. Noong 2015, pormal na ipinasa ng Defense Threat Reduction Agency ng US, ang ahensyang dinaluyan ng pondo, ang pangangasiwa sa naturang mga radar at ng sentrong upisina nito, ang National Coast Watch Center, sa rehimeng Aquino. Noong nakaraang taon, nadagdagan ito nang tusong ipinwesto sa Boracay ang isa pang radar habang nakasara ang isla sa publiko.
Mula 2016, muling binuhay ng US ang ASG para mas agresibong itulak ang dagdag na presensya at permanenteng pagbabase ng mga tropa, barko at iba pang sasakyan at gamit-militar nito sa Sulu-Sulawesi Sea. Halos walang patid ang presensya ng mga barko nito sa Sulu Sea sa tabing ng mga “pinagsanib na patrol” kasama ang Coast Guard ng Pilipinas. Kasabay nito ang walang patid ding pagtatambol ng US, kakoro si Duterte at ng AFP, sa presensya ng mga “dayuhang terorista” para pwersahin ang Indonesia at Malaysia na ibukas ang karagatan ng Sulawesi sa matagalang presensya ng mga barko nito.
Ang lahat ng ito ay nakabalangkas sa layunin ng US na magpamalas ng lakas (power projection) laban sa China sa Southeast Asia sa tabing ng “gera kontra-terorismo.” Nakabalangkas ito sa Southeast Asia Maritime Security Initiative (MSI) na itinulak noon pa ng rehimeng Obama. Sa ilalim ng MSI, nagtatayo ang US ng mga imprastrukturang militar nito sa karagatan ng Southeast Asia para walang sagkang matukoy, mamanmanan at pigilan ang anumang aktibidad ng China sa South China Sea. Katulad ng CWS sa Pilipinas, kunwa’y pag-aari ng mga bansa sa rehiyon ang mga imprastrukturang ito pero sa aktwal ay pangunahing pinatatakbo at pinakikinabangan ang mga ito US. Alinsunod sa plano nito, magtatayo ang US ng kaparehong sistema ng radar sa Vietnam, at magpwesto ng mas abante pang mga sistema ng radar sa Indonesia, Malaysia at Singapore. Kapalit nito, itinatambak ng US ang mga lumang gamit at sasakyang militar sa rehiyon tulad ng mga barko at eroplano.
Gayunpaman, hindi lahat ng bansa sa Southeast Asia ay kasingtuta ni Duterte. Hanggang ngayon ay tumanggi ang Indonesia at Malaysia sa pamimilit ng US na ibukas ang kani-kanilang karagatan sa matagalang presensya nito. Sa halip, itinulak ng Indonesia noong 2017 ang trilateral patrol sa Sulu-Sulawesi Sea kasama ang Pilipinas at Malaysia nang walang direktang partisipasyon mula rito.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/2019/02/21/ang-masaklaw-na-interes-ng-us-sa-sulu-at-karagatan-nito/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.