NITONG NAKARAANG DALAWANG buwan, sunud-sunod at sabay-sabay ang atake sa mga website ng Partido Komunista ng Pilipinas at alternatibong mga pahayagan sa internet. Walang ibang pagmumulan ang masaklaw at koordinadong mga atake sa pamamagitan ng DDoS o Distributed Denial of Service, kundi ang mga espesyal na yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP)—ang tinaguriang mga social media monitoring cell o cyber army.
Layunin nitong isara ang naturang mga website at putulin ang ugnay ng mga ito sa publiko. Direktang paraan ito para busalan ang pagpapahayag ng batikos at pagtutol ng mamamayan laban sa rehimeng US-Duterte at mga patakaran nito.
Isa sa unang nakaranas ng atakeng DDoS ang PRWC (philippinerevolution.info) noong Disyembre 26, 2018, kasabay sa paggunita ng PKP sa ika-50 taong anibersaryo nito. Dahil sa atake, hindi mapasok ang website sa loob ng ilang araw. Gayundin, sa araw ding iyon unang nakaranas ng atakeng DDoS ang mga website ng alternatibong midya na Kodao, Bulatlat at PinoyWeekly matapos nilang ibalita ang mga pagdiriwang ng PKP.
Ang atakeng DDoS ay isang paraan ng pag-atake sa isang website upang di ito maabot ng publiko. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagdumog sa server (kompyuter na namamahala sa website) gamit ang botnet o lambat ng libu-libong kompyuter na iligal na kinontrol ng pasimuno ng pag-atake.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang mga atakeng DDoS. Dagdag sa mga listahan ng mga inaatake ang Manila Today, Altermidya, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Karapatan. Ang mga pahayagan at organisasyong ito ay pawang tumutuligsa sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang, batas na TRAIN, Oplan Tokhang at iba pang anti-mamamayang patakaran ng rehimeng Duterte. Inatake maging ang Qurium, isang organisasyon na eksperto sa internet at kompyuter na tumutulong sa mga progresibo na labanan ang DDoS.
Sa imbestigasyon ng Quirium, ang mga atakeng DDoS ay mula sa iisang grupo, gumagamit ng iisang rekurso at magkakahalintulad ang estilo. Tanging isang organisasyong masaklaw at may malaking pondo at rekurso tulad ng cyberarmy ng AFP ang may kakayahang ilunsad ito. Tuwiran itong sinanay at tuluy-tuloy na pinopondohan ng US. Katunayan, nitong Pebrero 11 lamang, nangako ang US na magbibigay ng dagdag na P300 milyon sa AFP para sa pagkuha ng impormasyon at sarbeylans sa ngalan ng pagsugpo ng terorismo.
Tuluy-tuloy din ang panlilinlang at panloloko ng rehimen kasabay ng pambubusal nito sa internet. Noong Disyembre 2018, lumikha ang AFP ng pekeng website na kahalintulad ng website ng PRWC sa tangkang lokohin ang mga tumatangkilik dito. Una nitong inilathala ang isang pekeng liham ni Jose Ma. Sison, tagapangulong tagapagtatag ng PKP. Kasunod nito ay kinopya ng AFP ang mismong disenyo ng upisyal na website, upang maglikha ng kalituhan sa mga sumusubaybay sa balita ng rebolusyon.
May ilang panahon na ring inaatake at minomonitor ng cyber army ng AFP ang mga aktibidad ng mga aktibista. Gamit ang kanilang mga troll, nagpapakalat ang rehimen ng mga pekeng balita at insulto sa Facebook laban sa kanila.
Ilang social media account na ng PKP ang ipinasara ng AFP. Makailang ulit rin na pinagbawalang magpost at nasuspinde ang mga account nito sa social media. Dumanas ng katulad na panggigipit ang iba’t ibang kumand ng BHB at yunit ng Partido sa iba’t ibang panahon mula pa noong nakaraang taon. Noon pang 2017 iniutos ni Duterte sa reaksyunaryong militar na wasakin ang PKP kabilang na ang mga tinagurian nitong ligal na prente ng PKP at imprastruktura nito sa internet.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/2019/02/21/atakeng-ddos-at-iba-pang-pagsikil-sa-karapatang-mamamahayag/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.