SA IKAPITONG TAON ng One Billion Rising, daan-daang kababaihan sa pangunguna ng Gabriela, ang nagtipon sa Rajah Sulayman Park, Roxas Boulevard, Maynila noong Pebrero 14 upang sumayaw bilang protesta laban sa tumitinding pasismo at tiraniya sa bansa.
Binigyang diin sa aktibidad ang lansakang pandarambong sa rekurso at yaman ng bansa alinsunod sa mga neoliberal na patakarang itinutulak ng imperyalismong US at ng panghihimasok ng China. Ibinebenta ng rehimeng Duterte ang soberanya at mga teritoryo ng bansa upang tiyaking makapanatili sa pwesto at makinabang sa bilyun-bilyong halaga ng mga kasunduan.
Kalagayan ng kababaihan Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), lalupang tumindi ang pandarahas at atake sa kababaihan sa ilalim ng macho-pasistang rehimen. Anang grupo, kahit mismo ang mga datos ng Philippine National Police ay nagpapakita na may naitalang 2,962 kaso ng panggagahasa sa bansa mula Enero hanggang Mayo 2018 o 20 kaso kada araw. Inihayag din ng grupo na 56 na tauhan at upisyal ng PNP ang kabilang sa mga iniulat na mga salarin. Mayorya sa mga biktima ng mga ito ay nasa edad 17 pababa na hinuhuli sa “gera kontra-droga.” Wala pang napapanagot sa mga kasong ito.
Patuloy din ang pambabastos ni Duterte at mga alipures nito sa kababaihan sa kabila ng paulit-ulit na pagbatikos ng publiko. Walang humpay ang pang-aatake ng rehimen sa kababaihang lider-masa, aktibista, taong simbahan at manggagawa sa midya. Sa 540 bilanggong pulitikal sa kasalukuyan, 45 ang kababaihan. Samantala, 33 sa 141 biktima ng pampulitikang pamamaslang ay babae.
Pinapasan ng kababaihan ang walang patlang na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kahirapan at kawalan ng kabuhayan. Bagsak ang kita at walang tiyak na trabaho ang mayorya sa kababaihan. Sila ang karaniwang iniempleyo sa mga pabrika ng manupaktura na nagpapatupad ng iba’t ibang iskema ng kontraktwal na paggawa.
Ang iba naman ay binabayaran sa iskemang pakyawan. Halimbawa nito sa Marikina, kung saan P7-P18 lamang ang ibinabayad sa bawat nabubuong tahing-kamay na sapatos na ibinebenta sa pamilihan nang P1,500 hanggang P2,500.
Ayon pa sa CWR, milyun-milyong kababaihan ang tiyak na maghihirap at magugutom sa pagpapatupad ng ikalawang andana ng batas na TRAIN. Sa datos mismo ng Philippine Statistics Authority, may 21.9 milyon ang naghihirap at hindi halos makabili ng kanilang batayang pangangailangan. Mga kababaihan ang higit na nakakaranas ng bigat ng pagtaas ng presyo ng bilihin lalupa’t sila ang karaniwang nagbabadyet ng kita ng pamilya.
Bago ang mayor na aktibidad noong Pebrero 14, nagkasa rin ng #OneBillionRising ang iba’t ibang paaralan at organisasyon bilang paghahanda. Ilan sa nakiisa ang Lyceum of the Philippines University- Manila, Sta. Isabel College-Manila, Tanauan’s Assumption Academy sa Leyte, University of Eastern Philippines, lokal na pamahalaan ng Catarman, Northern Samar, mga Barangay ng Bagong Silang sa Caloocan, Barangay Canumay East sa Valenzuela, mga kababaihan sa Tondo at Baguio at mga taong simbahan sa ilalim ng Ecumenical Women’s Forum at National Council of Churches in the Philippines.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/2019/02/21/kababaihan-nanindigan-para-sa-karapatan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.