Wednesday, February 27, 2019

CPP/Ang Bayan: Lider-magsasaka, iligal na inaresto sa Palawan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 21, 2019): Lider-magsasaka, iligal na inaresto sa Palawan

Sunud-sunod ang pamamaslang, iligal na pag-aresto at pagkulong ng mga pulis at sundalo ng rehimeng US-Duterte sa mga sibilyan nitong nakaraang dalawang linggo.

Hinuli ng Philippine National Police noong Pebrero 7 si Norly Bernabe, tagapangulo ng Kalipunan ng mga Samahang Magbubukid Sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) sa Taytay, Palawan. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Puerto Princesa, Palawan batay sa mga gawa-gawang kasong pagpatay. Aktibong nakikibaka si Bernabe para sa mga magbubukid sa Lupang Pujalte laban sa Guevent Corporation.

Pamamaslang. Sa Pangasinan, pinatay si Roberto Mejia kasapi ng Ulopan na Umbaley ed Camp Gregg Military Reservation, kaalyadong organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Barangay Sancagulis, Bayambang, Pangasinan noong Pebrero 8. Matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka sa lupa ng Camp Gregg ang kanilang teritoryo laban sa mga Cojuangco-Aquino ng Central Azucarera De Tarlac. Si Mejia, mas kilala bilang Ka Bobby, ay kalahok sa isinagawang bungkalan sa kanilang lugar. Siya ang ika-182 magsasakang pinatay sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.

Sa Camarines Sur, dinukot ng mga tropa ng 9th IB ang apat na sibilyan bandang alas 5 ng umaga noong Pebrero 9, sa Pulang Daga, Barangay Baya, Ragay. Ang mga biktima ay sina Christian Rañon, Boboy Esmero, Ricky Bendaña, at Rico Bendaña. Sinugsog ng mga upisyal ng barangay at mga residente ang pwesto ng mga sundalo upang bawiin ang apat. Hindi pinakawalan ng kumander ng yunit ang mga magsasaka, na duguan at bugbog-sarado. Nagpasaklolo ang grupo, kasama ang ilang taga-midya, sa pulis pero sa halip na tulungan sila, itinuro lamang sila sa kampo ng 9th IB sa Barangay Samay. Inamin ng isang Lt. Col. Abella, punong kumander ng 9th IB, na nasa kostudiya nila ang mga sibilyan.

Militarisasyon. Ang tiranikong estilo ng brutal na pagpatay, malawakang iligal na pag-aresto, detensyon at umiigting na operasyong militar ay mga kondisyon na nararanasan ng mamamayan sa Mindanao mula nang ideklara dito ang batas militar. Ganito rin ang kasalukuyang nararanasan sa Samar at Negros, dagdag pa ang implementasyon ng Memorandum Order No. 32 na epektibong naglagay sa mga islang ito sa ilalim ng de facto martial law.

Sa Samar, mahigit 200 sundalo mula sa 87th IB ang umookupa sa mga baryo sa bayan ng San Jose de Buan mula huling linggo ng Enero. Ayon sa Katungod-Sinirangan Bisayas, ang mga residente ay pwersahang iniinteroga, kinukunan ng larawan at pilit na pinapipirma sa blangkong mga papel. Plano rin ng 87th IB na magtayo ng kampo na may layong 10 metro lamang mula sa lokal na eskwelahan. Layunin ng militar na gamitin bilang pansalag ang mga residente. Ito ay malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.
Ang okupasyon sa San Jose de Buan ay nangyari bago lisanin ng 63rd IB ang Barangay Bay-ang sa Bayan ng San Jorge, Samar. Ito ay matapos pwersahang lumikas ng mga residente dito dulot ng isinagawang istraping at pambobomba sa kanilang komunidad.

Matagal nang nagkakampo ang 87th IB sa Barangay Cantato sa bayan ng Paranas at naglulunsad ng operasyong kombat sa mga baryo ng Angase, Sto. Niño, Pagsanghan at Tapul. Nagdulot ito ng takot sa mga magsasaka at nagresulta ng pagliit ng produksyon sa kanilang taniman. Ayon sa ulat ng Katungod-Sinirangan Bisaya, may 545 na barangay ang apektado ng militarisasyon sa Eastern Visayas. Sa bilang na ito, 250 ang nasa ilalim ng mga operasyong “peace and development” na nagresulta na sa anim na insidente ng sapilitang pagpapalikas.

Sa Negros, walang lugar sa isla na hindi nakararanas ng terorismo ng estado. Ang dagdag na 220 sundalo sa Negros ay higit na nagpapaigting ng militarisasyon sa lugar. Wala nang ligtas na lugar sa Negros lalupa’t naglipana rin ang Duterte Death Squad (DDS). Meron nang 50 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang ang naitala sa isla sa ilalim ni Duterte.

Sa Southern Negros, naglunsad ng operasyong militar mula pa noong Pebrero 9 ang 15th IB sa hangganan ng mga barangay ng Pinggot, Ilog, at Locotan sa Kabankalan City, Negros Occidental at Barangay Villasol, Bayawan City sa Negros Oriental.

Sa parehong araw, nakatanggap din ng ulat ang Karapatan na isang dating kasapi ng Anakbayan, si Clintoy Alsong, ang binaril sa Barangay Calamba, Guihulngan City. Bagaman nakaligtas, nananatiling nasa panganib ang kanyang buhay. Naganap ang insidenteng ito tatlong araw matapos makauwi ang mga bakwit sa kanilang mga tirahan.

Samantala sa Northern Negros, magkatuwang ang 79th IB at ang PNP sa pananakot sa mga residente ng Don Salvador Benedicto gamit ang gawa-gawang kaso upang ipailalim sila sa kamay ni Don Salvador Benedicto Dela Cruz. Nito lamang Pebrero, limang sibilyan ang inaresto sa naturang bayan at pinagbibintangang mga kasapi ng BHB. Ayon din sa Northern Negros Alliance Of Human Rights Advocates tuluy-tuloy ang mga operasyong pangkombat, pagpapatawag ng 79th IB, PNP at iba pang pwersang paramilitar ng mga pulong sa mga komunidad ng mga magsasaka. Laganap ang mga pagpapatawag na ito sa Escalante, San Carlos at Sagay, gayundin sa mga bayan ng Toboso, Calatrava at Don Salvador Benedicto. Ang mga operasyong militar na ito ay nagsimula noon pang huling kuwarto ng 2018. Matapos ang brutal na masaker sa Sagay noong Oktubre 2018, marami pang mga magsasaka ang nabiktima ng iligal na pag-aresto, panghahalughog, pananakot at intimidasyon. Ang mga inaarestong sibilyan ay tinutortyur din at ipiniprisinta sa publiko bilang mga myembro ng BHB.

Sa Central Negros, patuloy namang dumaranas ang mga sibilyan ng pag-atake sa ilalim ng 94th IB, laluna nang ipatupad ang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) o Oplan Sauron sa Negros Oriental. Nag-ulat din ang Leonardo Panaligan Command na sinunog ang bahay ni Arlene Pausal nitong Pebrero 14, isang buwan matapos ang taktikal na opensiba ng BHB sa Barangay Banwage, Guihulngan City. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nagsasagawa ng operasayong militar ang 94th IB. Naglabas sila ng listahan ng mga lider-magsasaka na kanilang pinagbantaang dadakpin “buhay man o patay.”

Panggigipit. Tuluy-tuloy ding ginigipit ang mga aktibista sa iba pang bahagi ng Mindanao. Noong Pebrero 8, nakatanggap ng banta sa kanyang buhay sa pamamagitan ng mensahe sa selpon si John Timothy Romero, program coordinator ng Center for Lumad Advocacy, Networking and Services (CLANS). Noon namang Pebrero 12, isang misyonero mula sa Rural Missionaries of the Philippines-Northern Mindanao Subregion ang nakatanggap din ng mga mensahe ng pananakot sa selpon.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/2019/02/21/lider-magsasaka-iligal-na-inaresto-sa-palawan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.