Monday, February 26, 2018

CPP/NDF-ST: Itaguyod ang mga aral ng EDSA I at ibagsak ang pasistang diktadurang US-Duterte!

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 25): Itaguyod ang mga aral ng EDSA I at ibagsak ang pasistang diktadurang US-Duterte!

Patnubay de Guia, Spokesperson
NDFP Southern Tagalog

25 February 2018

Nakikiisa ang rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA I na nagpabasak sa pasistang diktadurang US-Marcos. Kaalinsabay nito ang panawagan ng sambayanang kagyat na patalsikin ang pasistang diktadurang rehimeng US-Duterte. Sa okasyong ito, nananawagan ang National Democratic Front- Southern Tagalog sa mamamayang Pilipino na magkaisa at kumilos para tuluyang ibagsak ang pasista, anti-mamamayan at diktador na si Duterte. Kailangang muling ipakita ng mamamayan ang kanilang nagkakaisang lakas sa pamamagitan ng rebolusyonaryong kilusang masa upang biguin, labanan at tuluyang ibagsak ang paghahari ni Duterte tulad ng kanilang nakamit sa panahon ng diktadurang US-Marcos.

Walang pagkakaiba ang rehimeng US-Duterte sa pasistang diktadurang US-Marcos. Kung tutuusin, kayang higitan pa ni Duterte ang rekord at utang na dugo ni Marcos sa mamamayan. Sa saligan, lumala ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa tumitinding militarisasyon sa kanayunan at kalunsuran habang nagpapatuloy ang kawalan ng hustisyang panlipunan. Si Duterte ang numero unong lumalabag sa karapatang pantao. Malinaw sa kanyang mga pahayag nitong nakaraan ang tahasan at lantarang pag-aatas sa AFP-PNP na labagin ang karapatang pantao at mga internasyunal na makataong batas.

Sa pamamagitan naman ng kanyang mga anti-mamamayang batas tulad ng TRAIN, lalo pang ibinaon ni Duterte ang mamamayan sa kahirapan at mas inilayo niya ang mamamayan sa mga batayang serbisyong panlipunan, reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang kanyang ipinataw at pinalawig na Batas Militar sa Mindanao at de facto Martial Law sa buong bansa ang lalong nagpa-ulol sa kanyang tuta at mersenaryong sandatahang lakas upang maghasik ng lagim at ligalig sa mamamayan. Nagpapatuloy naman ang kanyang mga gera laban sa mamamayan na pumapaslang sa marami at nangwawasak sa kanilang kabuhayan.

Sa kasalukuyan aabot na sa 20,000 ang pinaslang ng kanyang gera kontra droga bukod pa sa krimen nito sa mamamayang Moro sa Mindanao at sa balangkas ng kontrainsurhensyang Oplan Kapayapaan. Sa Timog Katagalugan pa lang, aabot na sa 14 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang, 5 kaso ng pagdukot, 12, 263 kaso ng pananakot, panghaharas at intimidasyon, 43 na biktima ng iligal na pang-aaresto at 29 na iligal na pagkukulong. Naitala din ang 3 kaso ng strafing, 3 insidente ng aerial bombing na puminsala sa kabuhayan at ari-arian ng komunidad ng sibiliyan. Ilan lamang ito sa mga krimen at atrosidad ni Duterte laban sa mamamayan na dulot ng mga masinsing operasyong militar na inilulunsad ng mersenaryong AFP sa rehiyon.

Nananawagan ang NDF-ST sa mamamayan na militanteng ipagdiwang ang tagumpay ng EDSA I. Gamitin ang mga aral ng EDSA I upang isulong ang pakikibaka ng mamamayan at ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte. Susi sa paglaban ng mamamayan sa rehimeng US-Duterte ang pagsusulong at pagpapalakas pa ng armadong pakikibaka.

Ang armadong pakikibaka ng mamamayan ang magbibigay ng mga mapagpasyang bigwas laban sa US-Duterte tulad noong panahon ng paglaban sa diktadurang Marcos. Ito ang lalong magpapanday sa rebolusyonaryong determinasyon ng mamamayan upang itaas ang antas ng digmang bayan. Sa paglaki ng kasapian ng New People’s Army na nasa absolutong pamumuno ng Communist Party of the Philippines, lalong magpupunyagi ang mamamayan sa pagsusulong demokratikong rebolusyong bayan. Bitbit ang mga aral ng EDSA I, lalong nabigyan ng gabay ang mamamayan upang ipagtagumpay ang digmang bayan at kamtin ang hustisyang panlipunan at tunay na pambansang kalayaan.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20180225-itaguyod-ang-mga-aral-ng-edsa-i-at-ibagsak-ang-pasistang-diktadurang-us-duterte

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.