Friday, August 25, 2017

CPP/Ang Bayan: Sec. Judy Taguiwalo, sinibak ng Commission on Appointments

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): Sec. Judy Taguiwalo, sinibak ng Commission on Appointments

UMANI NG pagkundena ang Commission on Appointments (CA) sa pagtanggi nitong ikumpirma si Sec. Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Agosto 16.

Ang pagsibak kay Taguiwalo ay huli lamang sa anti-mamamayan at militaristang mga hakbang ng rehimeng Duterte. Malinaw ito sa paglutang ng pangalan ni Monica Prieto-Teodoro, asawa ng dating kalihim ng Department of National Defense na si Gilbert Teodoro, bilang pamalit kay Taguiwalo. Ilang araw bago nito, napabalitang nagbigay ng milyong donasyon ang mag-asawa para sa pondo ng mga sugatan at nasawing sundalo.

Batid ni Taguiwalo na hindi siya kinumpirma dahil sa kanyang pagtutol na isama sa badyet ng DSWD ang pork barrel ng mga kongresista sa pamamagitan ng programang 4Ps noon pang nakaraang taon. Gayundin, batid niyang sinibak siya dahil sa kanyang pagtutol sa pagpataw ng bagong buwis sa mahihirap at umano’y ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.

Maraming mamamahayag at kapwa empleyado ng gubyerno ang nagpahayag ng pagkadismaya sa di-pagkumpirma kay Taguiwalo. Kabilang dito ang pinangalanan ng rehimen na Officer-in-Charge ng departamento na si Emmanuel Leyco at si Aiza Seguerra, kumisyuner ng National Youth Commission. Hinamon nila ang CA na ilabas ang mga pangalan ng bumoto. Sa 24-kataong CA, 13 ang bumoto kontra kay Taguiwalo sa sikretong boto.

Tatlo na sa mga hinirang na kalihim ang hindi kinumpirma ng CA. Isa rito si Gina Lopez na nanindigan laban sa mapandambong na operasyong mina bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Sinalubong naman ng mga mag-aaral na Lumad mula sa Save Our Schools Network si Taguiwalo matapos ang kanyang deliberasyon sa CA.

Hinirang si Taguiwalo para sa DSWD kasama ang lider magsasaka na si Sec. Rafael Mariano para sa Department of Agrarian Reform bilang tugon ng NDFP sa alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging bahagi ng kanyang gabinete. Nakatakda namang isalang ang kumpirmasyon ni Sec. Rafael Mariano sa Agosto 30.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-sec-judy-taguiwalo-sinibak-ng-commission-on-appointments/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.