Friday, August 25, 2017

CPP/Ang Bayan: Lakbayan 2017: Pagkakaisa laban sa pasismo

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): Lakbayan 2017: Pagkakaisa laban sa pasismo

“PAGKAKAISA NG pambansang minorya at ng buong sambayanang Pilipino sa harap ng tumitinding pasismo ng rehimeng US-Duterte.” Ito ang pangkalahatang tema ng panlimang Lakbayan ng Pambansang Minorya na pinangungunahan ng Sandugo, isang alyansa ng mga mamamayang Moro, Lumad, taga-Cordillera at iba pang pambansang minorya.

Tinatayang mahigit 1,500 Lumad at Moro mula sa iba’t ibang rehiyon ng Mindanao ang lalakbay patungong Metro Manila ngayong huling linggo ng Agosto hanggang Setyembre. Sasalubungin ng mga katutubo at iba pang pambansang minorya mula sa iba’t ibang panig ng Luzon at Visayas ang mga Lumad at Moro ng Mindanao sa isang buwang kampuhan at mga serye ng kilos-protesta.

Pangunahing panawagan ng Lakbayan ngayong taon ang pagbasura sa batas militar sa Mindanao na ginawang tuntungan ng AFP at PNP upang patindihin ang mga pasistang atake sa Bangsamoro, mga komunidad ng Lumad at magsasaka at iba pang sibilyan sa isla.

Sa mga panayam matapos ang kanyang pangalawang State of the Nation Address noong Hulyo, nagbanta si Duterte na bobombahin ang mga eskwelahan ng Lumad habang dinala ang lipas na at mapanlinlang na linya ng AFP na “iligal” at “hindi rehistrado” sa gubyerno ang mga eskwelahang ito.

Noong ding Hulyo hanggang sa kasalukuyan, sa pangunguna ng Save our Schools Network, nagkampo ang mahigit isandaang estudyanteng Lumad sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City bilang protesta sa mga pagbabanta ni Duterte. Umani ng suporta mula sa mga relihiyoso, akademiko, maging sa mga artista, ang kanilang panawagang pagpapatigil sa panggigipit, pagpaparatang sa kanila bilang mga rebelde, at paninira sa kanilang paaralan.

Kasabay nito, sunud-sunod ang ginawang malalaking kilos-protesta ng mamamayan sa Mindanao laban sa batas militar ng rehimeng Duterte. Ilang beses dinumog ng mga estudyanteng Lumad at kanilang mga tagasuporta ang upisina ng Department of Education at hedkwarters ng AFP Eastern Mindanao Command sa Davao City upang iprotesta ang panggigipit at pananakot ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang mga eskwelahan. Daan-daang Lumad din ang nagprotesta noong Agosto 9 sa Davao City sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Pambansang Minorya.

Noong Agosto 15-16, naglunsad ng People’s Caravan for Justice and Peace ang mahigit 500 na mga Lumad at magsasaka ng prubinsya ng Compostela Valley. Nagkampo ang mga raliyista sa harap ng kapitolyo ng prubinsya at nanawagan ng hustisya para sa mga biktima ng pamamaslang sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at batas militar ng rehimeng Duterte. Ayon sa Karapatan-SMR, sa prubinsyang ito na bisansagang “lambak ng kamatayan.” Hindi bababa sa 11 ang biktima ng ekstrahudisyal na patay dito mula Enero.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-lakbayan-2017-pagkakaisa-laban-sa-pasismo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.