Friday, August 25, 2017

CPP/Ang Bayan: 6 na armas, nasamsam sa Bicol

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): 6 na armas, nasamsam sa Bicol

ANIM NA armas ang nakumpiska ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bicol sa dalawang magkasunod na ambus nitong Agosto. Samantala, limang opensiba ang inilunsad ng mga yunit ng BHB sa Southern Mindanao, Far South Mindanao, North Central Mindanao at Central Luzon. Nagtala din ng 17 armadong aksyon ang isla ng Negros mula Enero ngayong taon. Nakapaglunsad naman ng apat na opensiba ang BHB-Southern Tagalog noong Hulyo.

Bicol. Inambus ng BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command o CMC) ang 30 elemento ng 31st IB, alas-5:25 ng umaga noong Agosto 7 sa Brgy. Casili, Gubat. Agad na napatay sa command-detonated na eks-plosibo ang apat na sundalo kabilang ang kumander ng Alpha Coy na si 2Lt. Lee Tramedal, gayundin sina SSgt. Alan Bercasio, SSgt. Rollen Cabangon at isa pang sundalo. Pitong iba pa ang nasugatan.

Nakumpiska sa kanila ang tatlong M4, mga magasin at bala, at iba pang kagamitang militar. Tumagal ang labanan nang 45 minuto.

Ayon sa CMC, natagpuan ng mga Pulang mandirigma sa military pack ni Tramedal ang tatlong pakete ng shabu. Kinukumpirma nito ang matagal nang alam ng mga residente rito na gumagamit ng droga ang mga tropa ng 31st IB.

Ang ikalawang ambus ay isinagawa ng BHB-Catanduanes (Nerissa San Juan Command o NSJC) laban sa mga elemento ng Catanduanes Police Public Safety Company noong Agosto 10, alas 12:30 ng tanghali, sa Brgy. Sagrada, Virac.

Nasamsam ng NSJC ang dalawang M16 at isang 9mm pistolang Glock, mga magasin at bala.

Dalawang pulis ang napatay, habang siyam ang sugatan, kabilang na si P/Insp. Montes. Makatao namang trinato ng mga kasama ang isang sumukong pulis. Samantala, isang Pulang mandirigma, si Ka Jeremy, ang nagbuwis ng buhay sa labanan.

Southern Mindanao. Isang myembro ng 60th IB na aktibo sa kampanyang kontra-Lumad ng rehimeng Duterte ang napatay sa isang operasyong partisano noong Agosto 8 sa Sityo Megcauwayan, Brgy. Tapak, Paquibato District sa Davao City. Ayon sa BHB-Davao City-Bukidnon Sub-Regional Command, ang 60th IB ay agresibo sa paggamit ng Lumad sa kanilang kontra-insurhensiyang kampanya.

Dalawang sundalo rin ng 71st IB ang patay sa operasyong partisano ng ComVal-Davao Gulf Sub-Regional Command, alas 10:30 ng umaga noong Agosto 14, sa Brgy. Poblacion, Mawab, Compostela Valley. Ayon sa mga residente, sina PFC Jerome Adlawan at isa pang kasama niya ay sangkot sa serye ng pagpatay sa Lumad at magsasaka sa Mawab, Mabini at Pantukan.

Samantala, 14 na myembro ng paramilitar na Alamara ang sumuko sa yunit ng Davao City-Bukidnon Sub-Regional Command noong Agosto 20. Ayon sa mga Lumad, aktibo silang ginagamit ng 60th IB sa kontra-insurhensiyang kampanya nito upang maghasik ng sigalot sa tribung Matigsalog sa Talaingod at karatig na mga munisipyo. Inamin ng mga Lumad na kinasangkapan sila ng 60th IB sa pananakot at pagpapalayas ng kapwa nila Lumad, pagsira ng eskwelahan sa Sityo Labuo at sa karumal-dumal na pagpatay sa estudyanteng si Alibando Tingkas noong Enero 17, 2016.

Far South Mindanao. Noong Agosto 13, sinalakay ng BHB-Far South Mindanao (Valentin Palamine Command o VPC) ang mga armadong tauhan ng Silvicultural Industries Inc., isa sa mga subsidyaryo ng David M. Consunji Incorporated (DMCI), sa Sityo Bermuda, Brgy. Sto. Niño, Bagumbayan, Sultan Kudarat. Tatlong gwardya ang namatay at ilan pa ang nasugatan. Ang mga gwardyang ito ay sinanay ng 38th IB-CAA at salarin sa maraming kaso ng pagpatay at iba pang krimen laban sa mga Lumad at magsasaka sa Sultan Kudarat at South Cotabato.

North Central Mindanao. Pinasabugan ng command-detonated na eksplosibo ng BHB-South Central Bukidnon (SCB) Subregional Command ang nag-ooperasyong mga sundalo mula sa 8th IB at 72nd Division Recon Company sa Sityo Binangkasan, Brgy. Canangaan, Cabanglasan, Bukidnon noong Agosto 5, bandang ala-una ng hapon.

Central Luzon. Ipinahayag ng BHB-Pangasinan ang matagumpay na pag-ambus ng mga Pulang mandirigma sa PNP Regional Public Safety Battalion noong Hulyo 28, bandang alas-9:30 ng umaga, sa Villa Verde Road, Brgy. Sta. Maria East, San Nicolas. Dalawang myembro ng RPSB, kabilang si Sgt. Aris Tamondong, ang namatay at dalawa ang sugatan.

Ayon sa BHB-Pangasinan, ang matagumpay na ambus ay pagsuporta sa pakikibaka ng mga magsasaka at katutubo sa San Nicolas upang ipagtanggol ang kanilang binubung-kal na lupa at lupaing ninuno.

Southern Tagalog. Hinaras ng isang yunit ng BHB-Laguna (Cesar Batralo Command o CBC) ang mga tropa ng 80th IB noong Hulyo 25, alas-5:30 ng umaga. Dalawa ang patay at tatlo ang sugatan sa mga sundalo. Kinagabihan, pinasabugan naman ng isa pang yunit ng CBC ang mga elemento ng Regional Public Safety Battalion (RPSB)-4A sa Brgy. Mahipon, Cavinti, Laguna. Isang pulis ang namatay.

Bago nito, hinaras ng mga Pulang mandirigma ang RPSB sa Brgy. San Antonio, Kalayaan noong Hulyo 20, alas-10:30 ng gabi. Isang pulis ang nasugatan.

Samantala, isang sundalo ang napatay sa operasyong isnayp ng isang yunit ng BHB-Rosario Lodronio Rosal-Mt. Sierra Madre Command sa Mauban, Quezon noong Hulyo 24.

Negros. Sa pagsusuma ng BHB-Negros (Apolinario Gatmaitan Command o AGC), nakapaglunsad ang BHB sa isla ng kabuuang 17 armadong aksyon mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon. Sampung matataas na kalibreng baril at 15 pistola, gayundin ang samu’t saring bala at kagamitang militar, ang nasamsam mula sa mga opensibang ito. Pinakamakabuluhan sa mga taktikal na opensiba ay ang inilunsad na ambus noong Hulyo 21 laban sa PNP-Guihulngan.

Ayon sa AGC, matagumpay ding naparusahan sa nagdaang anim na buwan ang 14 na mang-aagaw ng lupa, mga kriminal na elemento at mga ahente sa intelidyens ng 303rd IBde. Sangkot ang mga ito sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang tao at mga kontra-magsasakang aktibidad, kabilang ang pagpaslang sa apat na lider-aktibista.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-6-na-armas-nasamsam-sa-bicol/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.