Friday, August 25, 2017

CPP/Ang Bayan: AFP-LRR: Binuong yunit ng US

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): AFP-LRR: Binuong yunit ng US

ANG GITGITANG pakikipaglaban ng mga armadong Moro sa Marawi ay pangunahing hinaharap ng mga elemento ng Light Reaction Regiment (LRR) ng AFP. Sa minimum, dalawang kumpanya nito, ang 4th at 5th Light Reaction Company, ang nasa Marawi mula pa sa unang araw ng labanan.

Ang LRR ay isang pormasyong militar sa ilalim ng Philippine Army na may anim na kumpanya (600 tauhan) sa kasalukuyan. Nilikha at ekslusibo itong sinanay at inarmasan ng US sa pamamagitan ng $25 milyong ayuda ng Department of State nito noong 2001. Una itong itinayo bilang Light Reaction Company noong 2000 bilang espesyal na pwersang “kontra-terorismo” laban sa Abu Sayyaf. Maagang bahagi ng 2001, nagpadala ang US ng mga espesyal na pwersa mula sa base nito sa Okinawa para ilunsad ang anim-na-buwang pagsasanay ng mga elemento ng naturang yunit. Ang unang mga elemento nito ay mula sa Scout Rangers at Special Forces ng Philippine Army.

Nang maganap ang teroristang pang-aatake sa US noong Setyembre 11, 2001 at umigting ang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas, isa sa pinalakas na yunit ng US ang LRC. Sa ilalim ng Operation Enduring Freedom (2001-2014), ipinadala ng US Special Operations Command ang Task Force 510 (kalaunan naging Joint Special Operations Task Force-Philippines) noong 2002. Ipinailalim dito ang LRC at matapos ng dalawang taong pagsasanay, ginamit na ang yunit noong 2004. Espesyalisado ang yunit sa kontra-isnayper na mga operasyon at labanang malapitan, gayundin sa kontra-gerilyang taktika. Pinalaki ito tungong batalyon noong Mayo 2002 at tungong regiment noong 2014.

Hindi limitado sa pagtugis sa bandidong grupong Abu Sayyaf ang mga operasyong “kontra-terorismo” ng yunit. Dalawang beses itong naging instrumento sa pagsupil ng kudeta ng kanilang kapwa mga sundalo (2003 at 2009). May panahong nakatuon ito sa pagtugis sa Bagong Hukbong Bayan. Noong 2008, naging instrumento ito sa paggapi ng isang yunit ng BHB sa Tarlac. May mga panahong ginamit ito sa mga operasyon laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Noong 2008, kinasuhan ang 50 elemento nito sa pagpaslang ng pitong sibilyan sa kanilang pakikipagsagupaan sa MILF. Noong 2014, naging pwersang panagupa ito sa Zamboanga Seige, nang tangkain ng Moro National Liberation Front na agawin ang bahagi ng Zamboanga City at magtayo ng sariling teritoryo. Ito rin ang yunit na nag-operasyon sa Bohol para tugisin umano ang grupo ng Abu Sayyaf na lumapag sa lugar. Nagsasagawa ito ng mga lihim na mga strike mission para maglikida ng mga “high value target” tulad nang ginawa nito sa Sulu nitong taon.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-afp-lrr-binuong-yunit-ng-us/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.