Friday, August 25, 2017

CPP/Ang Bayan: Buklurin ang bayan para labanan ang pinasidhing mapaniil na paghahari ni Duterte

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): Buklurin ang bayan para labanan ang pinasidhing mapaniil na paghahari ni Duterte

Haling na haling si Rodrigo Duterte sa kanyang ambisyong maging diktador. Tumindi ang paggamit niya ng kalupitan mula nang magladlad siyang tagasunod ng imperyalismong US. Lalo siyang naging walang-pakundangan at walanghiya sa pagpapataw ng mapaniil na mga patakaran at hakbangin.

Pinatindi niya ang kampanya ng ekstrahudisyal na pagpatay laban sa maliliit na nagbebenta at gumagamit ng shabu. Kasiya-siya sa kanya ang balita ng halos isandaang pinatay ng kanyang mga pulis sa loob ng tatlong araw. Hayagan niyang pinapalakpakan ang pagdaluhong ng mga naninibasib niyang pulis at inulit pa ang pangako niyang ililigtas sila sa kaparusahan. Lalong nitong ginatungan ang galit ng publiko matapos mahuli sa kamera ang mga pulis na kinakaladkad ang isang 17-taong batang lalaki bago siya barilin nang malapitan. Malawak ang panawagan para sa katarungan sa lahat ng biktima ng kanyang anti-mamamayang “gera laban sa droga.”

Ang pagtindi ng mga pagpatay ng mga pulis ay kasunod ng pagkadiskubre sa isang bodega sa Valenzuela ng P6.4 bilyon na shabu mula sa China na dumaan sa Bureau of Customs (BOC) noong Mayo. Nalantad ding sangkot ang anak ni Duterte na si Paolo at ang kanyang barkada sa Davao ng mga negosyan-te at ismagler ng droga. Ipinagtanggol ni Duterte ang kanyang tauhan sa BOC sa kabila ng (o marahil dahil sa) pagpuslit ng droga.

Pinapaypayan mismo ni Duterte ang malawak ang hinala ng publiko na ang kanyang “gera laban sa droga” ay panabing lamang sa isang mayor na gera sa teritoryo ng mga sindikato nito, at na ginagamit lamang niya ang pulis para paburan at bigyang-proteksyon ang isang sindikato laban sa iba o na siya mismo’y hari ng droga. Gamit ang pinagtitiwalaan at subok niyang mga upisyal ng pulis, nilikida niya ang mga Parojinog ng Ozamis, na matagal nang kilalang kumukontrol sa iligal na bentahan ng droga sa malaking bahagi ng Mindanao at iba pang lugar.

Ginagamit din niya ang kanyang gera laban sa droga bilang masaklaw na instrumento laban sa kanyang mga karibal sa pulitika. Iwinawasiwas niya ang kanyang makapal na libro ng mga dosyer ng mga sangkot diumano sa droga para ipitin ang kanyang mga karibal at pagbantaan silang patayin tulad ng ginawa niya sa mga Parojinog at Espinosa upang pasunurin sila sa kanyang adyendang pampulitika at kriminal.

Ang kalupitan ng “gera kontra droga” ni Duterte ay tinutumbasan lamang ng kalupitan ng kanyang todong-gera laban sa mga rebolus-yonaryong pwersa sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, ng pagpataw ng batas militar at suspensyon ng writ of habeas corpus sa Mindanao at ng gerang anti-Moro at pagkubkob sa Marawi. Sa kanayunan, naghahari ang militar at walang sinasantong karapatan o mga kalayaan. Sunud-sunod ang pagpatay sa mga magsa-saka at mga katutubong mamama-yan. Walang pakundangan ang pag-huhulog ng bomba, panganganyon at pag-istraping sa mga sibilyang komunidad. Halos kalahating milyon na ang pwersahang napalikas.

Ginamit ni Duterte ang kanyang supermayorya sa kongreso para pagtibayin ang pagpataw ng batas militar sa Mindanao. Sinagasa rin niya ang bagong mga batas sa pagbubuwis at minamadali ang pagpapatibay ng badyet para sa 2018. Gamit ang ganap o halos ganap na kontrol sa kongreso, itinutulak ni Duterte ang pagbabago sa konstitusyon para idambana rito ang neoliberal na mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon at maisakatuparan ang kanyang ambisyon ng lubos na imonopolyo ang kapangyarihan sa tabing ng pagtatatag ng pederal na anyo ng gubyerno.

Nais ni Duterte na tumahimik at pikit-matang tanggapin ng lahat ang kanyang planong kaliwa’t kanang imprastruktura kahit batbat ito ng pabigat na utang at mga komisyon. Makailang ulit niyang pinagbantaan ang Korte Suprema laban sa paglalabas ng TRO at itinulak ang kanyang mga alyado sa pulitika na kasuhan ng impeachment ang chief justice. Banta rin ng impeachment ang ipinantatapat laban sa iba pang mga upisyal na hindi nakikipagtulungan sa rehimeng Duterte tulad kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Tuluyang tinalikuran ni Duterte ang kanyang relasyon sa pambansa-demokratikong kilusan matapos bigo niyang mapasurender ang armadong rebolusyunaryong pwersa sa pamamagitan ng matagalang tigil-putukan bago pa harapin ang ugat ng digmaang sibil. Ang kamuhimuhing mga tauhan niya sa kongreso ay bumoto para tanggihan ang paghirang sa aktibistang si Prof. Judy Taguiwalo bilang kalihim ng DSWD, pinakahuli sa mga hakbang na tumatapos sa naunang mga pagsisikap na mabuo ang alyansa sa Kaliwa. Makailang ulit na rin niyang idineklarang ayaw na niyang harapin ang NDFP sa usapang pangkapayapaan.

Nagpatupad ang rehimen ng mga patakarang pabor sa malalaking dayuhang kapitalista, burgesya kumprador, malalaking panginoong maylupa, burukratang kapitalista at sa pasistang militar at pulis. Naglunsad ito ng mga gera ng pagpatay at pagwasak laban sa mamamayan laluna laban sa mga magsasaka, Moro at pambansang minorya, mga manggagawa at maralitang lunsod.

Dahil sa malulupit na hakbangin nito para patagalin ang sarili sa poder, ibayong nahihiwalay ang rehimeng Duterte sa mamamayan.

Tungkulin ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa na buk-lurin ang lahat ng sektor sa isang malawak na alyansa ng mamamayan, bigyan ito ng bag-as na lakas at pamumuno para labanan ang malu-pit, kriminal at korap na paghahari ng rehimeng US-Duterte. Marami na sa mga biktima ni Duterte ang ngayo’y bumabangon na para basagin ang takot sa kanyang rehimen.

Dapat buklurin ng mga pangmasang organisasyon at alyansa ang mamamayan at malakihan silang mapakilos sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga pakikibakang masa ng mga magsasaka, manggagawa, estudyante, maralitang lungsod, kababaihan, ang mamamayang Moro at mga minorya, relihiyoso, guro, migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya at iba pang mga demokratikong sektor at grupo. Dapat silang maglunsad ng mga pakikibakang masa at kampanya batay sa anti-imperyalista, antipyudal at antipasistang linya.

Dapat nilang bigyang-pansin ang pagsusulong ng opensiba sa propaganda laban sa panloloko ni Duterte. Dapat nilang hikayatin, pakawalan ang inisyatiba at pabweluhin ang kanilang mga myembro at kanilang baseng masa upang kumprontahin at pasinungalingan si Duterte at ang kanyang pangkat ng mga bayarang tagapagtanggol sa lahat ng porma ng midya. Magagawa nila ito sa paglulunsad ng regular na mga talakayang edukasyon sa hanay ng kanilang mga myembro at masa sa mga pabrika, komunidad, paaralan, upisina at iba pa.

Dapat buuin ang pinakamalawak na posibleng ugnayan sa internet ng mga aktibista, propagandista at myembro ng mga pambansa demokratikong organisasyon upang magamit ang kanilang dami at lakas.

Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, dapat patuloy na panghawakan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang inisyatiba sa pambansang antas, maglunsad ng paparaming taktikal na opensiba, palakihin ang bilang ng mga sandata nito, at armasan ang mabilis na lumalaking bilang ng mga Pulang mandirigma.

Bawat matagumpay na taktikal na opensiba ng BHB ay nag-aambag sa pagbasag sa klima ng takot at sindak na ipinataw ng brutal na gera ng rehimen, at sa kabilang banda’y nagtatanim ng takot sa lango-sa-kapangyarihang si Duterte. Ang mga tagumpay ng BHB ay nagbibigay-inspirasyon sa mamamayang Pilipino at Moro na magsulong ng mga pakikibakang masa at armadong paglaban sa rehimeng US-Duterte.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-buklurin-ang-bayan-para-labanan-ang-pinasidhing-mapaniil-na-paghahari-ni-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.