Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): Espesyal na Ulat ng Ang Bayan - Hukayin ang katotohanan sa likod ng pagkubkob ng AFP sa Marawi
Sa espesyal na ulat na ito ng Ang Bayan, sinikap na buuin ang tunay na larawan ng pagkubkob ng AFP sa Marawi City. Itinatampok dito ang krusyal na mga datos na pilit na ibinabaon ng AFP kabilang ang ang mga kwestyon tungkol sa batayan ng multo ng “ISIS” na nilikha at pinalaki ni Duterte; at ang sentral na papel ng US sa paglulunsad at pagpapatagal ng gera sa Marawi City; at iba pa.
Halaw ang mga datos na ito sa mga ulat ng mga kadre ng Partido na nagsagawa ng tuwirang imbestigasyon, mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na direktang nakakahalubilo ng masang Moro, mga panayam sa mga nagbakwit na residente ng Marawi at sa pananaliksik sa iba’t ibang pampublikong impormasyon.
1. Rido at hindi rebelyon ang konteksto ng pagsiklab ng gera sa Marawi.
Bago pa man sumiklab ang gera sa Marawi, matagal nang kumukulo ang isang masaklaw na rido ng mga angkan ng mga lokal na mga naghaharing uri. Nagkaisa ang mga angkan na wala sa poder na magsama-sama para maglunsad ng armadong aksyon partikular laban sa nakaupong pangkatin na pinamumunuan ni Gandamra, ang nanalong alkalde sa eleksyong 2016. Plano nilang agawin ang munisipyo ng syudad, nyutralisahin ang Camp Ranao at isara ang pangunahing mga kalsada sa syudad.
Malalim at nagsasanga-sanga ang relasyon ng mga angkang sangkot dito. Isa rito ang angkan ng Romato-Maute na may malawak nang nabuong alyansa nang tinangka nilang patalsikin ang nakaupong meyor sa Butig noong Nobyembre 2016. Sa pamamagitan ng angkang Romato ng kanilang ina, direkta ang kanilang ugnayang kapamilya sa mga Solitario/Salic na siyang pinakamalaking angkan sa Marawi.
Ang planong patalsikin ang nakaupong pangkatin sa Marawi ay pinangungunahan ng mga Maute, partikular ang magkapatid na Omarkhayam at Abdullah. Nagtagpo ang interes nila ni Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf sa pagtatayo doon ng isang “Dawlah Islamiya” (Islamic State). Para makahamig ng suporta sa loob ng syudad, nanawagan sila ng “paglilinis” sa Marawi sa mga di-Islamikong mga gawi, tulad ng laganap na pagtutulak ng droga, prostitusyon, alak, pangungutang, karaoke at iba pa. Ang paglaganap ng droga ay isinisisi nila sa mga sundalo ng AFP.
Bagaman gumamit ang magkapatid ng mga simbolo at banderang tulad ng sa ISIS, walang indikasyon na may kontrol o pinopondohan ng ISIS na nakabase sa Syria at Iraq ang mga operasyon ng grupo. Wala ring indikasyon na mayroong kaugnayan ang magkapatid sa iba pang grupong Moro na sumumpa sa bandera ng ISIS labas ng Lanao del Sur.
2. Bulilyasong operasyong likidasyon ng US kay Isnilon Hapilon ang nagpasiklab sa labanan.
Sumiklab ang labanan sa pagitan ng AFP/PNP at armadong grupong Moro bandang ala-1:45 ng hapon noong Mayo 23. Inilunsad ng AFP ang isang operasyong katulad ng Mamasapano na may layuning likidahin si Isnilon Hapilon sa paghahabol ng pabuyang $5 milyon (P125 milyon) alok ng US.
Tulad ng nabulilyasong operasyong Mamasapano, bakas ang disenyo at pagpapatakbo ng US sa operasyon. Unang araw pa lamang, tambak na sa syudad ang mga tropang sinanay at inarmasan ng US, pangunahin ang Light Reaction Regiment (LRR) na nakabase sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija. Ang yunit na ito ay pinalakas ng US noong 2004, gamit ang sariling pondo, at sinanay ng matagal na panahon sa mga layunin at estratehiya ng militar nito. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 8.)
Tulad rin ng nangyari sa Mamasapano, mistulang “pintakasi” na sinalubong at ginapi ng malaking pwersang Moro ang unang pwersang panalakay ng AFP. Naiulat na nasukol at nagapi ang halos buong pwersa ng AFP na ginamit ng US sa operasyong ito. Hindi lumaban ang lokal na mga pwersang pulis. Ibinaon nila ang kanilang mga armas at sumabay sa pagbakwit ng mga sibilyan.
3. Sinamantala ang sumiklab na labanan sa Marawi para ipataw ang batas militar sa Mindanao.
Kinagabihan ng Mayo 23, idineklara ni Duterte ang pagpataw ng batas militar at suspensyon ng writ of habeas corpus sa buong Mindanao.
Ginawa niya ito habang nasa Russia para ibida sa presidente nitong si Vladimir Putin na nilalabanan niya ang “ISIS” sa kanyang sariling saklaw. Kasabay nito, nanlimos siya kay Putin para sa karagdagang misayl at armas na aniya’y babayaran din ng Pilipinas. Hindi pinaunlakan ng Russia ang kanyang hiling.
Ang mga yunit ng AFP na tuwirang kontrolado, pinondohan at sinasanay ng US sa mga taktikang “kontra-terorismo” ang kabilang sa unang ipinakat sa Marawi. Pangunahin dito ang 2nd at 4th Light Reaction Company. Suportado ang mga ito ng minimum na tatlong batalyon (49th IB, 44th IB at 15th IB), isang mechanized battalion (5th) at isang reconnaisance division company na nakapailalim sa kontrol ng 1st ID.
Sa pangalawang araw ng labanan, nagreimpors sa mga yunit na ito ang Naval Special Operations Group mula sa Zamboanga Peninsula at 1st Scout Ranger Regiment na may pwersa sa hangganan ng Lanao del Sur at Bukidnon. Tinambak ng AFP ang buong Mechanized Division nito sa Marawi (apat na mga mechanized battalion, isang cavalry squadron at isang light armored troop), at lahat ng armored units (114) na ibinenta ng US sa AFP noong 2015. Sa loob lamang ng ilang araw, umabot sa 3,000 tropa ng AFP ang nasa Marawi, na suportado ng halos lahat ng eroplano at helikopter na pandigma ng Philippine Air Force. Dinagdagan pa ang mga ito ng mga batalyon mula sa Panay, Southern Tagalog at Bicol.
Gitgitan ang mga sagupaan sa loob ng syudad at marami sa malapitan. Ilang beses na naipit ang mga pwersa ng AFP, kasama ang kanilang mga armored unit, sa mga labanang nagtatagal ng araw. Nahirapan ang karamihan sa mga yunit na hindi sanay sa gera sa loob ng syudad kung saan nagtatawiran ang mga kalsada at magkakatabi at magkaharap na kabahayan at gusali.
4. Matindi, malawak at malakas na paglaban ng mga armadong Moro
Hindi lamang ang grupong Maute ang lumalaban sa Marawi City. Isang di-pormal na alyansa ng iba’t ibang armadong grupong Moro, kabilang ang mga dating paksyon ng MILF na disgustado sa panloloko ng magkasunod na rehimeng Aquino at Duterte, ang bumubuo sa malaking pwersang Moro na nakatrensera ngayon sa syudad. Marami sa mga nakababatang kumander at tauhan ng MILF ay nagsisimpatya kundiman tumutulong sa mga Maute lalupa’t kinukunsiderang makapang-yarihan ang angkang Romato sa loob ng istruktura nito. Pagmamay-ari ng mga Romato ang lupang kinatitirikan ng Camp Bushra, ang pangalawang pinakamalaking kam-po ng MILF.
Sa harap ng walang piling pag-atake ng mga sundalo, marami sa mga residente ng Marawi ang nagpasyang lumaban sa AFP, sa sarili nilang inisyatiba o kasama ang iba’t ibang armadong pwersang Moro sa syudad.
Tinapatan nila ang tindi ng pang-aatake ng AFP gamit ang mga sariling-gawang mga baril tulad ng barett at mga eksplosibo. Katwiran nila, kung hindi sila lalaban, papatayin din lamang naman sila ng mga sundalo. Ang iba ay tumutulong sa pamamamaril habang may ibang sumasama-sama sa mga armado dahil sa tantya nila’y mas ligtas sila rito. Ayon sa salaysay ng mga sibilyang naipit sa syudad, sa unang mga araw ay hinahatiran pa sila ng pagkain ng mga grupong armado at sinabihang magsiguro sa pagtatago sa mga sundalo.
Samantala, nagpadala rin ng karagdagang armadong pwersa ang iba’t ibang grupong Moro sa Marawi City. Kinumpirma ng nagpakilalang tagapagsalita ng Maute na “dumaan sa dagat” (Lanao Lake) ang iba pang armadong grupo noong madaling araw ng Mayo 24. Sa laki ng kanilang pwersa, nakontrol nila ang mayor na mga lansangan ng syudad at estratehikong nakapwesto sa komersyal na distrito.
Nitong Agosto, isa pang gru-pong armado ang direktang sumalakay sa isang detatsment ng 55th IB sa laylayan ng syudad.
5. Ang multo ng “ISIS” at “terorismo”
Mula’t sapul nang ipinataw ni Duterte ang batas militar sa Mindanao at ipinag-utos ang pagkubkob sa Marawi City, sistematiko at tuluy-tuloy niyang ginamit ang multo ng “ISIS” at iniugnay ito sa grupong Maute upang makakuha ng suporta para sa kanyang mga hakbanging kamay-na-bakal. Ginamit niya ang “black scare” kahit pa wala siyang naipakitang hibla ng ebidensya ng presensya ng ISIS sa Marawi City o ng ugnayan dito ng grupong Maute.
Marami sa mga nakapanayam na bakwit ay nagsasabing sa balita sa telebisyon na lamang nila “nalaman” na may “ISIS” sa kanilang lugar. Marami rin ang nagdududa sa lumaganap na mga itim na pininturang “I love ISIS” sa palibot ng Marawi City na hindi tugma sa pundamental-relihiyosong tindig ng ISIS.
Sa kanilang lugar, kilala ang magkapatid na Maute bilang mga “jihadista” na sumusunod sa isang “pundamentalistang” pananaw sa Islam. Wala silang rekord ng pananakit ng sibilyan o pagtarget ng mga di-Islamiko. Walang napabalitang nagpalaganap sila ng matinding pagkamuhi laban sa mga Kristyano.
May lumaganap na bidyo ng mga armadong lalaking lumalapastangan sa mga simbolo ng relihiyon sa St. Mary’s Cathedral subalit walang ebidensyang gawa ito ng mga Maute. Ang napabalitang pinugutan nila ng ulo na dalawang manggagawa sa Butig noong 2016 ay mga ahenteng paniktik ng AFP. Sa ilalim ng batas ng Shari’a, ang pamumugot ng ulo ay isa sa mga anyo ng parusang kapital, na ipinatutupad ng mga Islamikong bansa tulad ng Saudi Arabia.
Upang palabasing terorista, inakusahan ni Duterte ang grupong Maute na nasa likod ng pambobomba sa merkado ng Davao City noong gabi ng Setyembre 2, 2016. Sa isang bihirang panayam, mahigpit itong itinanggi ng tagapagsalita ng grupo.
6. Gerang pagsupil sa armadong paglaban ng mamamayang Moro
Walang tigil ang rehimeng Duterte sa pag-uulit-ulit ng salaysay tungkol sa kunwa’y “ekstremistang grupong Maute” at “terorismo ng ISIS.” Pilit niyang inilalarawan na isang “dayuhang kapangyarihan” ang nasa likod ng armadong paglaban sa Marawi City ng iba’t ibang grupong Moro, sa kabila ng paulit-ulit ring pagtanggi ng tagapagsalita ng AFP.
Inilalarawan ng grupong Maute at iba pang armadong grupo bilang kanilang “jihad” o gerang nasa inspirasyon ng relihiyon ang kanilang laban para magtayo ng sariling pamahalaan sa loob ng Pilipinas.
Higit sa kanilang pagkakaisa bilang mga “jihadista,” pinagbuklod ang mga armadong grupong ito sa sa kanilang komun na pagtutol sa Bangsamoro Basic Law (BBL), ang panukalang batas na binuo ng GRP at MILF para itatag ang kanilang bayan sa ilalim ng reaksyunaryong konstitusyon at gubyerno ng Pilipinas.
Inakala ni Duterte na mabubuklod niya sa ilalim ng isang inamyendahang BBL ang iba’t ibang grupong Moro. Subalit kahit ang MNLF, na ilang ulit niyang pinalabas na malapit sa kanya, ay hindi niya makumbinseng pumailalim dito.
Sa ilalim ng “nirebisang” BBL, na ayon sa ilang grupong Moro ay walang pinagkaiba sa dating BBL, obligadong sumurender at magpailalim ang mga armadong grupong Moro sa reaksyunaryong GRP at sa AFP at PNP, bagay na hindi magagawa ng karamihan ng mga grupong nagtataguyod ng sariling dignidad. Hindi nila maatim na pumaloob, o kahit makipagtulungan, sa reaksyu-naryong miltar na nagdulot ng di-mabilang na mga krimen laban sa kanilang mga pamilya at angkan. Bukod rito, hindi katanggap-tanggap sa karamihan ng mga Moro ang pagpapailalim ng kanilang teritoryo, pondo at rekurso sa GRP at pagbubukas ng mga ito sa dayuhang pandarambong at pagsasamantala (mga plantasyon at minahan).
Kahit sa hanay ng mga sumasang-ayon sa BBL, dumarami na ang nagagalit sa pagbabagal ng reaksyunaryong estado at napako nitong mga pangako. Batid nilang niloloko lamang sila ni Duterte dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa niya ito minamadaling ipapasa sa kongreso. Nagpahayag na ang maraming ordinaryong mandirigmang Moro na handa silang bumalik sa armadong labanan kapag hindi naging katanggap-tanggap ang kahihinatnan ng BBL.
7. Mala-henosidyong gera laban sa Moro ang ipinatutupad ng rehimen.
Inilarawan ng mga lokal na residente na mistulang “naghuhuramentado” ang mga sundalo laluna sa unang mga araw ng pagkubkob sa Marawi. Pinapatay nila ang mga lalaking maabutan sa mga kabahayan, kahit ang mga nagpapakilalang sibilyan. Napatunayan ito ng isang lokal na upisyal na nangahas magsagawa ng operasyong pansagip sa unang pagkakataong pumayag ang AFP na magsagawa ng “makataong operasyon” ang lokal na mga upisyal. Sa harap mismo ng naturang upisyal binaril ang dalawang di-armadong lalaking nagpa-pasagip sa kanya.
Walang pakundangan ang isinagawang pambobomba at pagwasak ng AFP sa mga bahay, impras-truktura, mga moske, eskwelahan, ospital at kabuuang ekonomya ng buong Marawi City at mga karatig na bayan na nakadugtong dito ang kabuhayan. Nagbingi-bingihan si Duterte sa laganap na apela ng mga Moro na itigil ang pambobomba dahil sa grabeng pinsala nito sa kanilang buhay at ari-arian.
Naghuhulog ng 250-libras (o halos 115 kilo) na bomba, mga rocket at iba pang pampasabog ang AFP gamit ang mga eroplano at helikopter na bigay ng US. Ayon sa mga residente, madalas din ang pagkakataon na naghuhulog ng bomba sa hatinggabi mula sa di-kilalang mga sasakyang panghimpapawid na pinaniniwalaang mga unmanned aerial vehicles (UAV) o armed drones ng US.
Pilit na pinalalabas ng AFP na aabot lamang sa 80 ang bilang ng sibilyang namatay. Pero batay sa dami ng naitalang nawawala at sa dami ng bangkay na dinala sa punerarya, tinatayang hindi bababa sa isanlibong sibilyan ang napaslang sa unang buwan pa lamang ng pambobomba at pamamaril ng AFP. Marami sa kanila ay pinalalabas na mga myembro o simpatisador ng grupong Maute. May ulat ang mga lokal na upisyal ng Marawi na nagpapatunay na nagkalat ang mga bangkay sa mga komunidad at binabalot ang mga ito ng “amoy ng kamatayan.”
Mahigit 400,000 naninirahan sa Marawi at mga katabing bayan ang napwersang magbakwit sa Iligan City at iba pang lugar. Karamihan sa kanila ay nagsisisiksikan sa mga evacuation center kung saan napakamiserable ng kanilang kalagayan. Samantala, laganap ang mga kaso ng pagnananakaw ng mga sundalo sa mga iniwang kabahayan ng mga residente, kung saan dinambong ang nakaimpok na salapi, mga alahas, kompyuter at mga kagamitan.
Matinding troma ang dinanas ng mga sibilyang nakalalabas sa sonang gera hindi dahil sa sinasabi ng militar na pagmamalupit ng mga Maute kundi dulot ng walang patid na pambobomba at brutalidad ng AFP. Sa unang buwan pa lamang ng gera, nasa 20,000 nang mga bakwit ang nakitaan ng matinding depresyon.
Isang mala-henosidyong gera laban sa mamamayang Moro ang isinasagawang gera ni Duterte laban sa Marawi. Ito ay “pagparusa” ni Duterte sa mga grupong Moro na tumatangging sumuporta sa itinakda niyang agenda ng kapayapaan sa balangkas ng BBL at piniling patuloy na bagtasin ang landas ng armadong paglaban.
8. Kontrol ng militar sa impormasyon
Nang sumiklab ang mga armadong labanan sa Marawi, umusok ang makinarya sa propaganda ni Duterte at ng AFP para ipalaganap ang mali, di-kumpleto at tahasang kasinungalingang mga impormasyon. Sa direktiba ng AFP sa pagtupad ng batas militar, tinukoy na isa sa susing tungkulin nito ang “pagkontrol sa daloy ng impormasyon.”
Hindi pinahihintulutan ang mga mamamahayag na malayang kumalap ng impormasyon sa Marawi City. Mahigpit na kinokontrol ng militar ang kanilang kilos at inilalabas na impormasyon. Marami sa kanila ay naoobligang iulat ang lahat ng impormasyong ibinibigay ng mga tagapagsalita ng AFP.
Nilimita ng matataas na upisyal ng militar ang midya sa nilalabas nilang press release at pinahihingi muna ng clearance kung may gustong interbyuhin. Sa tabing ng pangangalaga ng kanilang kaligta-san, pinagbawalan silang lumayo sa kapitolyo at sinusubuan lamang ng mga ulat at mga “palabas” na engkwentro.
Naobserbahan kahit ng mga myembro ng midya ang pagkontrol ng mga sundalo sa mga sibilyang lumalabas sa war zone para tiyaking sumusunod ang mga ito sa linya ng AFP. May mangilan-ngilang nakalulusot at nakapag-bibigay ng tunay na kwento sa midya pero mabilis silang napatatahimik at napababaliktad ng AFP. Ipinaiilalim ang lahat ng nakalabas na sibilyan sa “profiling,” kahit ang mga bata.
Paulit-ulit ang pagsisinungaling ng AFP kaugnay sa mga diumano’y hostage ng mga armadong Moro, na diumano’y inalipin at binuntis pa ng mga mandirigma. Ni minsan ay walang naipakitang patunay ang mga tagapasalita ng AFP, kahit isang larawan man lamang ng mga bangkay ng mga napatay nitong mga myembro diumano ng grupo. Wala ding anumang ahensya o entidad na nagpatotoo sa kanilang mga pahayag. Sa halip ay may mga salungat pang dokumentadong impormasyon ang lokal na mga upisyal ng syudad.
Maraming insidente na hindi na natatanggap ng midya, tulad ng pagtama ng “ligaw na bala” ng diumano’y mga isnayper ng Maute sa isang mamamahayag at isang 14-anyos na bata na nasa loob ng tinaguriang “safe zone,” isang lugar na tawid ng malaking ilog mula sa pwesto ng mga armadong Moro. Saksi rin ang midya sa bakas ng torytur sa kalalakihang sibilyan matapos ipailalim ng mga sundalo sa “interogasyon.” Walang pakundangan ang mga sundalo at pulis sa mga tsekpoynt, kahit sa harap ng mga kamera, sa pananakot at pambabastos sa mga residenteng nangangahas bumalik sa syudad para isalba ang natitira nilang ari-arian.
Upang bigyang-matwid ang pagpapatuloy ng mga airstrike, pinalalabas ng AFP na ang mga iyon ay “surgical” o tiyak ang target at maliit lamang ang bilang ng mga sibilyang nadadamay.
Mabilis itong nakapagpapalabas ng bagong mga disimpormasyon sa harap ng kasimbilis ding napabubulaanang naunang mga pekeng balita. Ang panununog sa mga kabahayan, eskwelahan at iba pang gusali ay mabilis na itinuturo sa “Maute-ISIS” sa kabila ng katotohanang gawa ang mga iyon ng mga sundalo ng AFP.
Liban sa dalawang pagkakataong lumabas ang pahayag ng mga grupong Moro sa midya noong Mayo 24, walang anumang impormasyon ang nanggaling sa kanila o kahit sa magkapatid na Maute. Lahat ng mga lagusan ng impormasyon sa social media ay ipinasara ng AFP. Lahat ng kumukontra sa kanilang mga pahayag ay binansagang “simpatisador” ng terorismo. Binantaan nila ang sinumang maglalabas ng impormasyong taliwas sa kanilang upisyal na linya na kakasuhan ng “cyberterrorism.”
9. Interes pangnegosyo at pangmilitar sa likod ng pagwasak sa Marawi City
Hindi pa man natatapos ang gera ng pagkubkob ng AFP sa Marawi City, nakapila na ang malalaking kumprador na interesadong mamuhunan at makinabang sa “rekonstruksyon.” Upang makuha ang pabor ni Duterte at ng AFP, nag-aambag ang mga kumpanyang ito ng daan-daang milyong piso sa mga pondong pansuporta sa AFP (para gamiting pabuya sa mga sundalo).
Binuo ni Duterte ang Task Force Bangon Marawi (TFBM), isang grupo na pinamumunuan ni Department of National Defense Secretary Lorenzana at 22 pang pinuno ng mga ahensya ng gubyerno para sa rekonstruksyon ng Marawi City. Wala ni isang lokal na lider ang nakaupo sa pamunuan ng grupong ito at lalong walang kinatawan dito ang mga residente at bakwit ng syudad. Nagbuo ito ng mga planong relokasyon ng mga bakwit, kabilang ang konstruksyon ng masisikip na pabahay (22 kwadrado metro) sa loob at kalapit na lugar sa Marawi City.
Walang balak ang TFBM na ibalik sa dating mga komunidad ang mga bakwit. Inungkat nito ang dikreto na inilabas noong 1953 na naglaan sa mahigit 8,400 ektarya o 80% ng syudad bilang isang military reservation. Alinsunod sa dikretong ito, idineklara ang halos buong syudad bilang Camp Keithley Military Reservation at inilaan para sa gamit ng militar ng US. Saklaw nito maging ang ilang bahagi ng kalapit na bayan ng Marantao, Piagapo at Saguiran, gayundin ang ilang bahagi ng Lake Lanao. Nanganganib ngayon ang mga residenteng nakatira rito na mapalayas sa kanilang mga lugar. Ang Camp Keithley ang dating hedkwarters ng militar ng US sa Mindanao.
Noong 1961, tinapyasan ito ng mahigit 1,000 ektarya para sa pagtatayo ng Mindanao State University. Sa ngayon, nasa 300 ektarya lamang ang inuokupa ng unibersidad at ang natitira ay mayroon nang nakalatag na mga komunidad. Sa gayon, pati ang mga residente rito ay nanganganib na mapalayas. Ang natitirang 20% kalupaan ng syudad ay nakatitulo sa ilang pribadong indibidwal.
10. Sa mata ng US: Marawi ang bagong Syria
Tugmang-tugma ang disenyo ng AFP ng pagkubkob at pagwasak sa Marawi sa estilo ng panghihimasok ng US sa mga syudad na may malalakas na paglaban tulad sa Syria, Iraq at Afghanistan. Gamit ang multo ng “ISIS” na nilikha ni Duterte, itinago ng US ang direktang armadong interbensyon nito sa tabing ng “pagpapayo sa mga teknikal na usapin.” Sa aktwal, pinatakbo ng US ang buong operasyon sa pamamagitan ng tinaguriang Joint Special Operations Task Force Trident, isang maliit na grupong nakapailalim sa Pentagon at binubuo ng matataas na upisyal ng kanilang espesyal na pwersa at mga pribadong kontraktor. Ayon mismo sa tagapagsalita ng militar ng US, inaasahan nilang lalaki pa ang task force na ito at lalawak pa ang sasaklawin nitong mga operasyon sa susunod na mga linggo.
Nitong Agosto, habang naghahanda ang AFP ng “panghuling opensiba” laban sa mga armadong Moro, lumutang ang intensyon ng US na direktang magsagawa ng mga airstrike sa Marawi sa batayan ng isang “bagong tratado” para sa “kolektibong pagdepensa-sa-sarili.” Lumalabas na itinutulak ng US ang pagrebisa sa Mutual Defense Treaty ng 1951 para saklawin ang panloob na mga banta tulad ng “ISIS” at ibalik ang kanilang karapatang magmantine ng malalaking base at presensyang militar na may awtoridad na manghimasok anumang oras at saanmang bahagi ng bansa. Kasabay nito, itinutulak din ng mga upisyal militar ng US ang isang mas malawak na operasyong may pangalan, katulad ng Operation Enduring Freedom noong dekada 2000. Ang operasyong ito ang naging batayan ng Joint Special Operations Task Force-Philippines na umiral sa loob ng 15 taon.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-hukayin-ang-katotohanan-sa-likod-ng-pagkubkob-ng-afp-sa-marawi/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.