Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 21): Mga paglabag sa karapatang-tao sa Palawan
Sunud-sunod na paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa Palawan mula Hulyo 24 hanggang Agosto 17 ngayong taon. Gayundin, walang upat ang pamamaslang, panggigipit at militarisasyon sa iba pang bahagi ng bansa.
Noong Hulyo 24, dalawang beses na pinasabugan ng mortar ang komunidad ng mga katutubo sa bundok ng Arib, sa pagitan ng Brgy. Malihud, Bataraza at Brgy. Culasian, Rizal. Mariing pinasinungalingan ng Bagong Tinig ng Katutubo–Palawan ang pahayag ng Western Command ng AFP na diumano’y may naganap na engkwentro sa nasabing lugar.
Kinabukasan, pinagbabaril ng mga elemento ng 4th Marine Battalion Landing Team ang apat na katutubong naglalakad sa tabing-ilog. Dalawa sa kanila ang nasugatan.
Noong Hulyo 27, nagkaroon ng misengkwentro ang mga elemento ng AFP na pinalabas nilang sagupaan sa pagitan nila at mga Pulang mandirigma. Sinakop nila ang lugar kaya napilitan ang mga katutubo na lisanin ang kanilang komunidad.
Sa sumunod na araw, Hulyo 28, binomba ng AFP ang Brgy. Malihud at Bulalacao, Bataraza. Iligal na nanghalughog ang mga sundalo sa mga kabahayan ng mga katutubo at inaresto ang kanilang lider na si Chieftain Polog kasama ang kanyang mga asawa at mga anak sa Sityo Marinshawun, Brgy. Bono-bono. Habang ibinibyahe patungo sa kampo ng militar, inihulog ng mga sundalo mula sa umaandar na trak si Polog. Malubha siyang nasugatan at kinailangang dalhin sa ospital. Idinetine naman sa upisina ng DSWD ang kanyang mga asawa, habang itinago ang kanyang mga anak na lalaki.
Noong Agosto 11, apat na katutubo ang dinakip sa Brgy. Alacalian, Taytay, tinortyur at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Kinilala ang apat na sina Noel, Reden at Ely Peñaredondo at Elesar Buenasalbas. Hinarang sina Elesar, Noel at Reden ng tropa ng Regional Public Safety Battalion at inakusahang mga myembro ng BHB.
Pamamaslang sa Sorsogon
Magkakasunod na pamamaslang ang naitala sa Gubat, Sorsogon nitong Agosto 7-8. Sa pahayag ng BHB-Sorsogon, pinasok ng mga elemento ng 22nd IB at 31st IB noong Agosto 7 ang bahay ni Eming Estrada, magsasaka at residente ng Brgy. Casili, Gubat at walang awa siyang pinaslang. Kinabukasan, Agosto 8, alas-10 ng gabi, pinagbabaril ng mga elemento ng 96th Military Intelligence Combat Operatives ang magkapatid na sina Jayson at Jojo Escaño sa kanilang bahay sa Brgy. Union. Napatay si Jayson habang tinamaan sa braso si Jojo.
Noong Agosto 7, pinasok ng parehong yunit ang bahay ni Salvador Hapa sa Brgy. Sangat. Kinaumagahan, binalikan siya ng mga nag-ooperasyong militar at dahil dito, napilitan siyang umalis ang lugar at iwan ang kanyang kabuhayan.
Pandarahas sa mga paaralan at komunidad ng mga Lumad
Matapos ang engkwentro sa pagitan ng 73rd IB at BHB noong Agosto 8, minilitarisa ng mga sundalo ang magkanugnog na mga sityo ng Lamsalo, Kakob, Mahayag at Maybaka sa Brgy. Upper Suyan, Malapatan, Sarangani. Dahil dito, nagbakwit ang umaabot sa 500 magsasakang B’laan tungong Sityo Akbual sa parehong barangay.
Bago nito, pinaulanan ng mga sundalo ang kabahayan ng mga Lumad habang nakikipagpulong ang sila sa kumander ng 72nd IB sa lugar. Ayon kina Sarino Nayam at Melvin Bation, mga guro ng CLANS, sinulatan pa ng mga sundalo ang ilang bahay ng mga salitang Moro at sa tangkang siraan ang mga Moro sa lugar.
Sa pahayag ng CLANS, 33 paaralan na ang sapilitang nagsara dahil sa patuloy na pag-atake sa mga komunidad ng Lumad, may 1,100 mag-aaral ang tumigil sa pag-aaral habang 52 guro ang hindi nakapapasok.
Samantala, isang dalawang- taong gulang na bata ang namatay sa evacuation center sa Capitol Grounds ng Cabanglasan, Bukidnon noong Agosto 17. Kasama ang batang si Angeline Powan sa daan-daang Lumad na lumikas sa kanilang komunidad matapos ang pandarahas ng grupong paramilitar na New Indigenous People’s Army at Alamara noong Mayo. Tatlong beses na siyang isinugod sa ospital dahil sa pagtatae at lagnat.
Pananakot sa mga sibilyan at aktibista
Pinatindi naman ang pandarahas at iligal na pang-aaresto sa mga kilalang kasapi ng progresibong organisasyon at mga nagtataguyod ng karapatang-tao.
Matapos ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng AFP at mga Pulang mandirigma noong Hulyo 27, naglunsad ng fact-finding mission ang Karapatan-Cagayan Valley sa Nagtipunan, Quirino noong Agosto 3-4. Naitala nito ang mga insidente ng sapilitang pagpapalikas, pandarahas at pananakot.
Pinagkaitan ng mga elemento ng 86th IB ng agarang atensyong medikal ang sibilyang si Arnold Jamias na inakusahan nilang myembro ng BHB. Ipinalabas pa nilang nahuli siya ng kanilang tropa noong Hulyo 26. Naitala rin ng grupo ang paglapastangan sa katawan ng napaslang na Pulang mandirigma. Tatlong residente ng San Ramos naman ang nakaranas ng intimidasyon at pagbabanta mula sa tropa ng militar habang dalawa ang dinahas sa itinayong tsekpoynt ng 86th IB.
Napilitan ring lumikas ang mga residente ng San Ramos, Nagtipunan, Quirino dahil sa nagpapatuloy na operasyong militar sa kanilang komunidad.
Nakaranas naman ng panggigipit at pagbabanta si Rogelio Capulas, aktibong kasapi ng Binnadang Amianan, alyansa na nagtataguyod ng karapatan ng katutubo sa Cordillera at myembro ng Katribu.
Noong Agosto 9, pinuntahan si Capulas ng isang ahenteng militar na nagpakilalang “Mark” sa labas ng kanyang pinagtatrabahuhan sa 18th Ave., Cubao, Quezon City at nagbantang huhulihin at papatayin siya kung hindi siya makikipagtulungan sa militar. Istap ng NDFP Joint Monitoring Committee ang kanyang asawa.
Noong Agosto 15, inulat ng Karapatan-Panay ang panggigipit sa kanilang pangkalahatang kalihim na si Reylan Vergara. Ayon sa kanilang pahayag, binantaan ng tatlong ahente ng pulis ang pamilya ni Vergara.
Samantala, mariing kinundena ng BHB-Pangasinan ang patuloy na pagkampo mula pa noong Hulyo 28 ng mga elemento ng 84th IB, RPSB-PNP Pangasinan, PNP San Nicolas at 702nd Brigade sa barangay hall ng Sta. Maria East, San Nicolas, Pangasinan at nagpusiyon ng dalawang tangkeng pandigma.
Ginigipit rin ng tropa ng militar ang mga residente hanggang sa mapilitan silang lumikas mula sa komunidad.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170821-mga-paglabag-sa-karapatang-tao-sa-palawan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.