Wednesday, October 22, 2014

CPP/NPA: Masaker sa Lacub, Abra, mariing kinundena ng PKP

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Oct 21): Masaker sa Lacub, Abra, mariing kinundena ng PKP (Lacub massacre, Abra, strongly condemned by the CPP)

Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Ilocos-Cordillera Region ang karumal-dumal na pagmasaker ng mga sundalo ng 41st IB sa pitong myembro ng BHB sa Lacub, Abra noong Setyembre 4. Ang mga biktima ay pawang mga hors de combat o wala nang kakayahang lumaban. Kinundena rin ng PKP ang ekstrahudisyal na pamamaslang ng militar sa dalawang sibilyan at iba pang paglabag sa karapatang-tao at mga internasyunal na makataong batas.

Sumaludo at iginawad ng PKP at BHB ang pinakamataas na parangal sa mga kadre ng Partido at mga Pulang mandirigmang sina Arnold “Ka Mando” Jaramillo, Recca Noelle “Ka Tet” Monte, Brandon “Ka Sly” Madranga, Robert “Ka Dawyan” Beyao, Ricardo “Ka Tubong” Reyes, Pedring “Ka Jess” Banggao at Robert “Ka Limbo” Perez.


Ayon sa panimulang imbestigasyon, napatunayang ang mga napatay na Pulang mandirigma ay nadakip nang sugatan matapos magapi ng nag-ooperasyong mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa halip na gamutin at tratuhin bilang mga bihag-ng-digma alinsunod sa pandaigdigang batas ng digma, walang awa silang tinortyur at pinatay ng mga pasista. Pinapatunayan ito kahit ng mga report ng awtopsiya na isinagawa ng mga ahensya ng gubyerno. Ang bangkay ni Ka Mando, sa partikular, ay tadtad ng tama ng bala. Ang mga tama ay may malinaw na paso sa paligid ng pinasukan ng bala, na nagpapatunay na binaril siya nang malapitan.


Kinundena rin ng PKP ang pagpaslang kay Engr. Fidela Salvador, 50 anyos, isang upisyal ng Cordillera Response and Development Services na nagmomonitor sa implementasyon ng Philippine Tropical Cyclone Emergency Response Project sa lugar nang siya ay paslangin.

Tinortyur din at pinatay ng 41st IB si Noel Viste, residente ng Barangay Poblacion, Lacub, na kabilang sa 24 na sibilyan na ginawang giya at human shield ng 41st IB noong Setyembre 5. Karamihan sa mga sibilyan ay pinakawalan, maliban kina Viste at Nicasio Asbucan. Kinabukasan, natagpuang patay si Viste. Ayon kay Asbucan, inatasan siya ng mga sundalo na sabihing si Viste ay pinatay ng mga myembro ng BHB.

Mahigpit na sinusuportahan ng PKP ang malawakang panawagan ng mamamayan ng Abra sa agarang pagpapalayas sa mga tropa ng 41st IB. Nananawagan ang PKP sa mamamayan ng Abra at sa mamamayang Pilipino na palakasin ang kanilang protesta at paalingawngawin ang kanilang sigaw para sa agarang pagpapalayas sa mga kriminal na tropa ng AFP sa lugar.

Inatasan din ng PKP ang BHB sa Abra at sa buong Ilocos-Cordillera na parusahan ang mga salarin sa mga krimeng ito at sa matitinding abuso sa karapatang-tao at bigyan ng hustisya ang lahat ng mga biktima ng pasismo.


[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141021/masaker-sa-lacub-abra-mariing-kinundena-ng-pkp

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.