Kaisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mamamayang Pilipino sa mariing pagtuligsa sa brutal na pagpatay ng isang sundalong Amerikano sa isang Pilipina sa Olongapo City noong Oktubre 12.
Sinusuportahan ng PKP at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang pamilya at mga kaibigan ng biktimang si Jennifer Laude sa kanilang mga hakbangin upang matamo ang katarungan. Puspusan ang hangarin ng sambayanang Pilipino na makamit ang hustisya para kay Jennifer, para sa lahat ng tulad niyang biktima ng krimen ng mga sundalong Amerikano at para sa buong bayan sa nagpapatuloy na paglapastangan sa kanyang kalayaan.
Sinusuportahan ng PKP ang kahilingan ng sambayanang Pilipino na isailalim sa kustodiya ng Pilipinas ang isinasakdal na sundalong Amerikano. Dapat nilang puspusang igiit ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA). Ang VFA ay isang tagibang na kasunduan na nagsasaad na mananatili sa militar ng US ang kustodiya sa mga Amerikanong sundalong isinakdal sa mga kasong kriminal sa Pilipinas.
Inaalis ng VFA ang soberanong karapatan ng isang estado na ipailalim sa kapangyarihan nito ang sinumang dapat iharap sa paglilitis. Isang malaking insulto sa mamamayang Pilipino na ipagkait sa kanila ng gubyernong US ang kapangyarihang ito. Pwede man hingin ng gubyerno ng Pilipinas ang kustodiya, nasa kapasyahan pa rin ng gubyernong US kung ibibigay ito o hindi!
Si Jennifer ang pinakahuli lamang sa napakahaba nang listahan ng mga Pilipinong biktima ng iba’t ibang krimen ng mga sundalong Amerikano at militar ng US sa Pilipinas. Sa mahigit isandaang taon nang kolonisasyon, neokolonyal na paghahari at panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas, patung-patong na ang mga kaso ng pagpatay, panggagahasa, pagmasaker, pagnanakaw at pandarambong.
Ang pagpatay kay Jennifer ay nagpapaalala sa sambayanang Pilipino kung papaano pinuksa ng imperyalismong US ang buhay ng 700,000 Pilipino sa gerang agresyon noong 1899-1902. Aabot pa sa 800,000 Pilipino ang pinatay ng mga sundalong Amerikano sa gera ng panunupil upang gapiin ang armadong rebolusyon para sa pambansang paglaya hanggang noong 1916. Walang kahit isang sundalo o upisyal ng US ang napanagot sa mga krimeng ito. Wala ring sundalo o upisyal ng US ang napanagot sa Subic rape case noong 2005 at iba’t ibang mga kaso ng pagpatay, paglapastangan, pamamaril, pambubugbog, pananakot at iba pa.
Asahan nang lalo pang darami ang mga krimen ng mga sundalong Amerikano na katulad ng pagpatay kay Jennifer dahil sa pinirmahan ng rehimeng Aquino at gubyernong US na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa ilalim ng EDCA, lalo pang darami ang mga sundalong Amerikano na papasok sa bansa at mag-iistasyon sa itatayo nilang mga base at pasilidad sa tinaguriang mga “Agreed Locations”—mga lugar sa saklaw ng mga base militar ng AFP.
Ang pagpirma ni Aquino sa EDCA ang pinakahuli lamang niyang akto ng pangangayupapa sa kapangyarihan ng militar ng US. Sa ilalim ng rehimeng Aquino, dumami taun-taon ang mga barko at eroplanong pandigma ng US na pinahintulutang pumasok, maglayag, dumaong at maglunsad ng iba’t ibang operasyon sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa ngalan ng “magkasanib na ehersisyong militar” o kaya’y “rest and recreation” at “pagkuha ng suplay” ng mga pwersang Amerikano. Libu-libong tropang Amerikano ang taun-tao’y pumapasok sa bansa.
Kung tutuusin, ang papet na rehimeng Aquino ang lumikha ng sitwasyong humantong sa krimen ng pagpatay kay Jennifer. Saan man naroroon ang mga sundalong Amerikano, laganap ang prostitusyon at dekadenteng pamumuhay.
Pinatay si Jennifer sa panahong ginugunita ang ika-70 taon ng panunumbalik ng militar ng imperyalismong US upang muling saklutin ang Pilipinas. Sa tinaguriang Leyte Landing, sinalakay ng US ang Pilipinas upang muli itong sakupin, matapos lumisan ang mga pwersa nitong ginapi noong 1942 ng sumalakay na pwersang militar ng imperyalismong Japan. Ang Leyte Landing (o ang tinaguriang pagbabalik ni Gen. Douglas MacArthur) ang ikalawang pagkakataon na inagaw ng US ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Pilipino.
Sa tuwing pumapasok ito sa teritoryo ng Pilipinas, inaangkin ng militar ng US ang pribilehiyo ng pinakamakapangyarihang armadong pwersa sa buong mundo. Ang militar ng US ang nagtatakda kung kailan at saan sila papasok, saan at hanggang kailan sila dadaong, kung ano ang mga sandata na kanilang dadalhin, kung ilang sundalo ang kanilang ipapakat at kung anong mga operasyon ang kanilang ilulunsad.
Dala ng bawat sundalong Amerikano ang imperyalistang kahambugan ng kanilang hepeng si Barack Obama na nagdeklara kamakailan na “we are the indispensable nation.” (Tayo ang bansang lubos na kinakailangan) Saan man sila mapadpad, nag-aasal-amo ang mga armadong tropang Amerikano na dapat silang pagsilbihan ng kanilang mga “kaibigan.” Sa Afghanistan man o sa Iraq, sa Pakistan o Pilipinas, kaliwa’t kanan ang mga krimen ng mga sundalong Amerikano at pagyurak sa soberanya at integridad ng mga bansang kanilang pinapasok.
Tiyak na mas marami pang Jennifer ang magiging biktima ng iba’t ibang krimen at pandarahas ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Dapat puspusang kumilos ang mamamayang Pilipino upang ipaglaban ang katarungan para kay Jennifer, igiit ang pagwakas sa presensya at panghihimasok-militar ng US at patalsikin ang sunud-sunurang gubyerno ni Aquino.
[Ang Bayan is the official
news organ of the Communist Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of
the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang
Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano,
Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141021/wakasan-ang-presensya-at-panghihimasok-militar-ng-us-sa-pilipinas
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.