Sinunog ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Far South Mindanao ang isang boom sprayer noong Oktubre 6 sa Sityo El Bantong, Barangay Rang-ay, Banga, South Cotabato upang di na ito magamit sa pamiminsala sa kapaligiran at kalusugan.
Ang naturang kagamitan ay pag-aari ng Itochu-Dole (dating Dole Philippines), isang kumpanyang Hapon na may malalawak na plantasyon sa Pilipinas, Australia, New Zealand at iba’t iba pang bansa sa Asia.
Isinagawa ng Julito Banda Front ng BHB ang hakbangin sa harap ng malawak at seryosong pinsalang idinudulot ng plantasyon. Mula nang itayo ang mga plantasyon sa Allah Valley mahigit sampung taon na ang nakararaan ay libu-libong magsasaka na ang naagawan ng lupa dahil sa agresibong pagpapalawak ng kanilang plantasyon ng pinya at saging.
Ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa mula palay tungong mga plantasyong isahang klaseng tanim ay nagdudulot ng malaking banta sa seguridad sa pagkain. Ang paggamit naman ng mga agrokemikal ay lumalason sa hangin, mga sistemang patubig at pinagkukunan ng pagkain na nagdudulot ng problemang pangkalusugan sa dumaraming mamamayan. Ang matitinding baha na laganap din ngayon sa Allah Valley ay bunga ng pagbabaw ng mga ilog dahil sa pagtatambak ng kumpanya ng kanilang basura rito.
Dahil sa lakas ng pagtutol ng masa, napilitan kamakailan ang kumpanya na itigil ang paggamit ng boom sprayer sa ere upang magbomba ng pestisidyo. Sa halip, inoopereyt na lamang ito sa lupa. Pero tuwing dumadaan ito, binabato ito ng mga residente para maipakita ang kanilang galit at pagtutol sa pagpapanatili ng plantasyon.
Para supilin ang paglaban ng mamamayan at kilusan ng mga manggagawang bukid laban sa kumpanya, ginagamit ng Itochu-Dole ang mga mersenaryong tropa ng 27th IB.
Samantala, sa Northern Samar, umabot sa 11 sundalo ang napatay sa dalawang magkahiwalay na operasyong harasment sa Barangay Gebonawan, Lope de Vega noong Setyembre 29 at 30.
Ang mga binirang kaaway ay kabilang sa mahigit 50 elemento ng 63rd IB na nag-operasyon sa lugar mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 7.
Matapos ang harasment ay may nagreimpors pang mahigit 130 sundalong gumalugad sa anim na kilometrong radius pero wala silang nahagip na mga Pulang mandirigma.
Dahil sa galit ng kaaway, dalawang beses silang nag-aerial strafing sa mga komunidad ng Gebonawan at sa Barangay Paguite, pero wala ring naging kaswalti sa BHB maliban sa isang gerilyang bahagya lamang na nasugatan.
Agad na inireklamo ng mga upisyal ng Barangay Paguite sa lokal na gubyerno ang walang pakundangang aerial strafing ng AFP.
[Ang Bayan is the official
news organ of the Communist Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of
the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang
Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano,
Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141021/itochu-dole-corp-pinarusahan-ng-bhb-sa-south-cotabato
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.