Labing-walong sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan sa serye ng mga taktikal na opensiba at iba pang aksyong militar ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Compostela Valley, Davao Oriental at Agusan del Sur mula Setyembre 22 hanggang Oktubre 12. Dalawang M16 din ang nakumpiska sa mga labanang ito. Ang mga nasaklaw na lugar ay bahagi ng Comval-Davao Eastcoast Subregional Command ng BHB sa Southern Mindanao Region.
Pinasusubalian ng mga taktikal na opensibang ito ang ipinagmamayabang ng AFP na napuksa na raw ang BHB sa Davao Oriental at ilang bahagi ng Compostela Valley. Bagkus, nitong nakaraang mga buwan, ang 67th IB ang siyang nalagasan na ng katumbas ng dalawang platun (patay at sugatan) sa anim na taktikal na opensiba at sa mga operasyong isnayp at harasment ng BHB laban sa naturang batalyon. Sa desperasyon ng AFP Eastern Command, imbes na ipasa na sa pulisya ang mga lugar na “nalinisan” na raw ng mga Pulang mandirigma ay nagdagdag pa ito ng 100 sundalo mula sa 11th Coy ng 4th Scout Rangers Battalion.
Sa pinakahuling mga taktikal na opensiba, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang himpilan ng 66th IB sa New Bataan, Compostela Valley noong Oktubre 12, bandang alas-10:45 ng gabi at inambus ng isa pang yunit ng BHB ang mga nag-ooperasyong sundalo ng 67th IB sa Barangay Mahan-ub, Baganga, Davao Oriental. Limang sundalo ang napatay at dalawang M16 ang nasamsam sa dalawang taktikal na opensibang ito.
Bago ito, dalawa pang sundalo ang napatay nang harasin ng BHB ang patrol base ng 67th IB sa Salvacion, Trento, Agusan del Sur ganap na alas-10:35 ng gabi ng Oktubre 11.
Napapanahong parusa ang pagsalakay sa hedkwarters ng 66th IB dahil isinagawa ito iilang oras pa lamang ang nakakalipas mula nang brutal na paslangin ng mga sundalo ng naturang batalyon ang mag-amang Dagansan na nakasalubong lang nila sa daan sa Manurigao, New Bataan. (Tingnan ang kaugnay na artikulo) Parusa rin ito sa 66th IB sa pagsalbeyds nito sa aktibistang magsasakang si Gregorio Galacio sa kanyang bahay sa Kahayag, New Bataan noong Hulyo 19.
Apat na beses pang inatake ng BHB sa subrehiyon ang iba’t ibang yunit-militar sa saklaw nito noong huling bahagi ng Setyembre:
Noong Setyembre 27, bandang alas-2 ng hapon, sinunog ng BHB ang detatsment ng 67th IB sa Km. 28, Barangay Panansalan, sa bayan ng Compostela sa Compostela Valley.
Noong Setyembre 26, bandang alas-9 ng umaga, apat na pasistang tropa ang napatay at dalawa ang nasugatan nang maengkwentro ng BHB ang mga sundalo ng 67th IB sa Barangay Kampawan, Baganga.
Noong Setyembre 24, bandang alas-10 at alas-11 ng gabi, dalawang sundalo mula sa 72nd IB ang napatay sa dalawang magkahiwalay na operasyong isnayp sa mga detatsment ng kaaway sa Barangay Tapia, Monkayo, Compostela Valley at Barangay Marapat, Compostela.
At noong Setyembre 22, bandang alas-3 ng umaga, apat na sundalo ang napatay nang pasabugan ng BHB ang nagpapatrulyang platun ng 25th IB sa Upper Ambawan, Barangay Ngan, Compostela. Nawasak din ang sinasakyan nilang trak na KM 450. Sa hiwalay na operasyon, napatay ang isang sundalong gumugwardya sa Petroleum Mining Corp. nang isnaypin siya ng BHB sa Sityo Mambusao, Barangay Ngan.
[Ang Bayan is the official
news organ of the Communist Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of
the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang
Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano,
Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141021/18-sundalo-napatay-sa-serye-ng-mga-aksyong-militar-ng-bhb
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.