Tuesday, February 22, 2022

CPP/Ang Bayan: Tsekpoynt ng BHB, itinayo sa Surigao del Sur

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 21, 2022): Tsekpoynt ng BHB, itinayo sa Surigao del Sur (NPA checkpoint, set up in Surigao del Sur)
 

Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




February 21, 2022

Tumagal ng dalawang oras na hawak ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang bahagi ng pambansang haywey sa Surigao del Sur (SDS) noong Pebrero 10. Nagtayo ang mga Pulang mandirigma ng mga tsekpoynt sa kahabaan ng lansangan sa Barangay Mabahin, Cortes habang isinasagawa ang pagdis-arma sa tatlong nagbitiw na mga sundalo sa kanilang bahay sa tabing-kalsada. Bahagi ang aksyon sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong kilusan sa patakaran sa reaksyunaryong eleksyon.

Nasamsam mula sa mga sundalo ang tatlong maiiksing armas, mga bala at iba pang kagamitang militar. Pinaalalahanan sila ng mga Pulang mandirigma na huwag gagawa ng makasasama sa mga magsasaka at sibilyan at sa rebolusyonaryong kilusan. Ang isa sa mga sundalo ay kandidato rin sa lokal na pusisyon sa bayan ng Cortes.

Itinayo ang mga tsekpoynt isang kilometro ang layo sa detatsment ng CAFGU at tatlong barangay mula sa isang istasyon ng pulis. Nagtangkang rumesponde ang apat na pulis, pero umatras sila matapos mapag-alaman na higit na marami kaysa kanila ang Pulang hukbo. Habang nakatayo ang tsekpoynt, batid ng mga kasama na may ilang pulis at sundalo na humalo sa mga sibilyan para kumuha ng bidyo. May ilan ring sundalo na armado ng maiiksing armas na pumwesto sa may kalayaun para manmanan ang mga Pulang mandirigma.

Pinasinungalingan ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng BHB-Surigao del Sur, ang bintang ng 901st Brigade na lumabag ang BHB sa internasyunal na makataong batas sa operasyon nito. “Alam na alam nilang hindi nangapkap, hindi nangharas at hindi nanakot ng mga sibilyan ang mga kasama.”
Paghahanda sa aksyon

Sa panayam ng Ang Bayan kay Ka Sandara, isinalaysay niya ang naging paghahanda ng mga yunit ng BHB. Dahil sa haywey ilulunsad ang armadong aksyon, masinsin na nangalap ng datos ang mga Pulang mandirigma at kinilala ang lugar at katangian ng komunidad na papasukin nila.

Naglunsad sila ng mga dry-run para tiyakin ang mabilis na pagsasagawa ng aksyon. Itinalaga ang mga pwersa na magdidis-arma, magtatayo ng tsekpoynt at magpaliwanag sa masa. Sa kabuuang bilang ng pwersang kumilos, 25% ay kababaihan.

“Kinabahan ako nung papunta pa lang kami sa target dahil baka hindi maging matagumpay ang aksyon,” kwento ng isang Pulang mandirigma na unang beses lumahok sa armadong aksyon. Pero nang makapasok na ang mga kasama sa bahay ng target at nakitang kalmado ang mga kasama sa tsekpoynt ay nawala ang kanyang pangamba.

Isinalaysay ni Ka Sandara na muntik nang magkaroon ng putukan sa haywey kung nagkataong nagpang-abot sila at mga sundalong bumabaybay sa haywey noong umaga ng parehong araw. Pinalampas ng BHB ang sasakyang militar dahil matao ang dinaanan nitong lugar.

“Sa unang pagtayo ng tsekpoynt, nagulat ang mga residente nang makakita ng mga armado na nanghaharang sa daan,” kwento ni Ka Sandara. “Pero nang malaman nilang mga Pulang mandirigma, karamihan sa kanila ay nawala ang pangamba.” Ang iba ay natuwa pa dahil unang beses nilang makakita ng Pulang mandirigma.

Nakita ng mga residente na “malinis at matikas” ang mga kasama sa kanilang uniporme na black pants at t-shirt na may naka-imprentang imahe ni Ka Oris. Mahinahon at nakangiti sila habang nagpapaliwanag sa layunin ng armadong aksyon. “Sa tuwa nilang makakita ng NPA, may ilan na lumapit at halos yakapin ang mga kasama!” kwento ni Ka Sandara. May mga drayber at pasahero na dumaan sa tsekpoynt na kumaway sa mga kasama. “Hindi ito ang hukbong sinasabi ni Duterte na durog na,” aniya. Liban sa pagpapalakas sa hukbong bayan, pinalakas din ng aksyon ang loob ng masa.

Sa naging tsekpoynt, hindi naiwasan ang pagkaantala ng ilang mga pasahero at drayber na mahusay namang pinaliwanagan ng mga kasama. Kinabahan din ang ilang pasahero dahil baka magkaputukan, pero siniguro naman ng BHB na magiging ligtas sila.

Ginamit ng mga Pulang mandirigma ang pagkakataon para ipaliwanag ang halaga ng armadong rebolusyon ng BHB. Ipinaliwanag din nila na ang tsekpoynt ay para matiyak na maayos ang pagsasagawa ng armadong aksyon at ligtas ang mga sibilyan na nasa paligid nito.
Patakaran sa eleksyon

Ang mga tsekpoynt na may layuning magdis-arma ay bahagi ng pagpapatupad ng mga patakaran sa pangangampanya para sa reaksyunaryong eleksyon. “Tiniyak ng mga tsekpoynt na hindi magdadala ng mga alalay na armadong maton, pulis at militar ang mga kandidato upang manggipit at manakot sa mamamayan,” ani Ka Sandara.

Paalala din ito sa mga pulitiko na huwag maliitin ang rebolusyonaryong kilusan at kapangyarihang pampulitika nito.

Ayon kay Ka Sandara ngayong panahon ng eleksyon, dapat magkaisa ang mamamayan ng Surigao del Sur at igiit sa mga kandidato ang kagyat nilang mga kahingian. Kabilang dito ang pagtindig laban sa pagtatayo ng mga detatsment sa kani-kanilang baryo, okupasyong militar sa tabing ng Retooled Community Support Program at sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan bilang kasapi o tagasuporta ng BHB.

Kabilang din sa dapat nilang pagkaisahan ang pagdepensa sa kalikasan sa harap ng malawakang pagmimina, iligal at malakihang pagtotroso at ekspansyon ng mga plantasyon. Dapat din umanong igiit ng mga magsasaka ang pagpapataas ng kanilang sahod, presyo ng mga produkto at pagpapababa ng upa sa lupa at iba pa.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2022/02/21/tsekpoynt-ng-bhb-itinayo-sa-surigao-del-sur/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.