ANG BAYAN
JUNE 07, 2020
Nagbalik-lansangan ang daan-daang aktibista matapos ang halos tatlong buwang lockdown para tutulan ang panukalang “kontra-terorismo” ng rehimeng Duterte. Nagtipon ang isang libong raliyista sa loob ng University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City at iba pa sa Laguna noong Hunyo 4 habang iniraratsada ang panukala sa mababang kapulungan. Nagkaroon din ng mga pagkilos noong Hunyo 5 sa Iloilo, Cebu Bacolod at Butuan; at noong Hunyo 6 sa Naga at Legazpi. Kasabay din ang maraming online na porum at protesta. Sa Cebu, binuwag ng mga pulis ang mapayapang protesta ng may 40 aktibista at hinuli ang pito sa kanila.
Una nang ipinasa sa Senado ang Anti-Terror Bill noong Pebrero sa botong 19 sang-ayon at dalawang tutol. Ipapalit ito sa dating Human Security Act at naglalaman ng mas masasahol na probisyon kaugnay ng pang-aaresto nang walang mandamyento at pagbibilanggo sa sinumang itinuturing ng estado na “terorista” o sumusuporta sa “terorismo.” Mariin itong tinutulan ng mamamayan dulot ng napakasaklaw na depinisyon nito ng “terorismo” at “terorista.” Tutol din sila sa dagdag na kapangyarihang ibibigay ng panukala sa mga pulis at sundalo. Ang naturang panukala ay ipinalit sa mga unang inihain ng mga kongresista at ipinaratsada ni Duterte nang walang pinayagang amyenda. Pumasa ito sa Kongreso noong Hunyo 3 sa orihinal na botong 173 sang-ayon, 31 na tutol, at 29 na abstain. Dahil sa pagbaha ng pagtutol, binawi na ng ilang kongresista ang kanilang pangsang-ayon sa panukala. Nitong Hunyo 6, 13 kongresista ang kailangang bumaliktad para mapigilan ang pagpasa nito sa Malacañang.
Parami nang paraming mga sektor ang nanawagan para ibasura ang panukala. Nangunguna rito ang mga pambansa-demokratikong organisasyon at demokratikong partido sa mababang kapulungan. Nagpahayag din ng pagtutol ang mga organisasyon ng kabataan, abugado, mamamahayag, mga taong simbahan, mga unibersidad ng Ateneo at De La Salle, mga estudyanteng Moro, mga grupong sibiko, mga guro ng UP at Far Eastern University, at asosasyon ng mga pribadong paaralan. May pinag-isang pahayag naman ang walong organisasyon ng malalaking negosyo, kabilang ang Makati Business Club. Sa internet, lumaganap ang mga panawagang #JunkTerrorBillNow at “Activists are not Terrorists” (Ang mga aktibista ay hindi terorista) sa hanay ng mga artista sa telebisyon at pelikula, musikero, atleta at iba pang personalidad. Nagpaabot din ng kritisismo ang Human Rights Watch, kasabay ng United Nations Human Rights Office pagkatapos nitong ilabas ang ulat hinggil sa kalunus-lunos na kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas noong Hunyo 4.
Kasabay ng pagpapabasura sa panukala, ipinanawagan din ng mga aktibista ang malawakang pag-eeksamen (#MassTestingNow), at pagpapatalsik kay Rodrigo Duterte (#OustDuterteNow).
Palayain ang Cebu 8
Bumuhos ang batikos sa pagbuwag sa protesta sa Cebu at ang suporta sa inarestong pitong aktibista sa loob ng kampus ng UP Cebu at isang nanonood lamang. Idiniin ng mga aktibista at kanilang mga tagasuporta na bawal pumasok ang mga pulis at sundalo sa kampus, liban kung may pahintulot ito ng unibersidad, alinsunod sa dating mga kasunduan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/06/07/protesta-laban-sa-anti-terror-bill-ni-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.