Sunday, June 7, 2020

CPP/Ang Bayan: Magkaisa laban sa Anti-Terror Bill! Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 7, 2020): Magkaisa laban sa Anti-Terror Bill! Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!

ANG BAYAN
JUNE 07, 2020



Sa utos ni Rodrigo Duterte at ng kanyang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), niratsada ng mga alipures ng rehimen ang pagsasabatas sa Anti-Terror Bill nitong nagdaang ilang araw. Nakahain na ito para pirmahan ni Duterte.
Sa pamamagitan ng Anti-Terror Bill, magiging ganap na ang batas militar ni Duterte, kahit hindi ito pormal na dinedeklara. Ilalagay nito sa kanyang kamay ang malawak na kapangyarihan para isailalim sa pagmamanman, arestuhin at matagalang ikulong ang sinumang tukuyin niyang “terorista.”

Lalong palalakasin ng panukalang ito ang pagsupil sa mga organisasyon at indibidwal na matagal nang pinag-iinitan ni Duterte at ng AFP na “CPP/NPA supporter” dahil sa walang-sawa nilang paglantad, pagbatikos at paglaban sa korapsyon, pasismo at pagkapapet sa mga dayuhan, at dahil sa kanilang pagtatanggol sa demokratikong interes ng bayan. Pinakabulnerable sa batas na ito ang masang manggagawa at maralita, at ang masang magsasaka, mga Lumad at Moro na pinakamalimit dumanas ng pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga sundalo at pulis.

Suklam na suklam ang taumbayan kung papaanong inapakan ng mga alipures ni Duterte ang mga proseso sa kongreso upang madaliang ipasa ang Anti-Terror Bill na hindi na nirerepaso at inaamyendahan. Sukang-suka sila na inuna pa niya ito at binalewala ang mga panawagan ng bayan para sa libreng mass testing at iba pang hakbanging medikal sa harap ng pandemyang Covid-19.

Ang Anti-Terror Bill ay ipinamadali ni Duterte at ng kanyang hunta na binubuo ni Delfin Lorenzana, Eduardo Año at Hermogenes Esperon, pawang mga dating upisyal militar at mga utusan ng imperyalismong US. Layunin nilang konsolidahin ang pasistang paghahari sa harap ng malawakang gutom, paghihirap at kumukulong galit ng sambayanan sa militarista at palyadong pagharap ng rehimeng Duterte sa Covid-19. Nais ni Duterte ng karagdagang mga kapangyarihang batas militar upang sindakin at patahimikin ang bayan pero takot siyang tahasan itong ideklara sa pangambang pasisiklabin nito ang ibayong galit at protesta.

Ang pagmamadaling isabatas ang Anti-Terror Bill ay bahagi rin ng pakikipagtawaran sa gubyernong US, kapalit ng kasunduan para makabili si Duterte at ang AFP ng bagong mga helikopter, mga kanyon, rocket, misayl at iba pang mga sandata. Kaakibat din nito ang pagsuspinde nitong Hunyo 2 ng pagbabasura sa Visiting Forces Agreement alinsunod sa rekomendasyon ng kanyang mga upisyal militar para bigyang daan ang pagpasok ng mga barko at sundalong Amerikano sa Pilipinas, bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta ng US sa brutal na kontra-insurhensya at gerang panunupil ng AFP.

Sa mga nagdaang taon, baha-bahagi nang inilatag ni Duterte ang rehimeng batas militar sa pamamagitan ng 950-araw na batas militar sa Mindanao, Memorandum Order 32, Executive Order 70 na nagtayo sa NTF-ELCAC, at kamakailan, ang pag-angkin ng tinaguriang “emergency powers” laban diumano sa Covid-19.

Nais niyang kaagad na maisabatas ang Anti-Terror Bill upang tuluyang pagtibayin ang pasistang kaayusan na matagumpay niyang naipataw sa pamamagitan ng militaristang lockdown sa Covid-19 at palawigin sa ilalim ng “bagong normal” ang mga tsekpoynt, paghihigpit at pagkontrol sa populasyon. Ginagawa ito sa tabing ng pagpigil sa pandemya pero katunaya’y nagsisilbi sa pagpapalakas ng militaristang paghahari at pagsulong ng iskema para itatag ang pasistang diktadura.

Nilalaman ng Anti-Terror Bill ang sadyang malalabo at lubhang masaklaw na pagpapakahulugan sa “terorismo” at “pagsuporta sa terorismo” upang magsilbing malawak na lambat para iarya sa sambayanang Pilipino at sa kanilang mga demokratikong pwersa. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang militar at pulis na ikulong nang 14-24 araw ang sinumang isakdal nilang “terorista” kahit walang mandamyento at walang kaso, taliwas sa saligang karapatan sa writ of habeas corpus. Malala pa, inalis nito ang anumang pananagutan ng militar o pulis na tiyak na magreresulta sa ibayo pang pag-abuso sa kapangyarihan.

Sa nagdaang mga taon, kaliwa’t kanan ang pagparatang ng AFP at PNP sa mga organisasyon, kritiko at personahe bilang mga “communist front” o sumusuporta o naka-ugnay sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Sila ay mga panatikong anti-komunista na pula ang tingin sa sinumang makita nilang naninindigang magtanggol sa interes, kapakanan at karapatan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan. Pasasahulin ito ng ipinasang panukala.

Ginagamit ni Duterte ang “anti-terorismo” para lokohin at ipatanggap sa mamamayan ang mga mapanupil na batas na sisikil sa kanilang saligang mga karapatan. Sa nagdaang mga taon, pinalalabas ng mga pasista na ang mga komunista, rebolusyonaryo at maging ang mga aktibista ay mga terorista, samantalang ang mga komunista, tulad ng lahat ng naninindigan para sa demokrasya, ay kabilang sa pinakamilitanteng kalaban ng paggamit sa terorismo para sindakin at takutin ang mamamayan.

Sa aktwal, ang pinakamalaking terorista ngayon sa Pilipinas ay walang iba kundi si Duterte mismo na nag-utos ng pagpatay sa ilampung libo sa pekeng drug war at nag-utos ng pagwasak sa Marawi City. Siya ang nag-utos sa pulis at militar na isagawa ang mga reyd sa mga baryo at pagmasaker sa mga magsasaka. Siya rin ang nag-utos sa malawakang pang-aaresto, okupasyon ng mga barangay, paggamit ng mga helikopter para sa teroristang pambobomba at iba pang pasistang krimen.

Hawak ang absolutong kapangyarihan, asahan na kay Duterte ang mas malala pang mga anyo ng korapsyon, ganap na pagsuko ng soberanya sa imperyalismong US at China, paglubog ng bansa sa utang, pagpataw ng dagdag na buwis, pagpako sa sahod, pagpabor sa dayong mga kapitalista, pagwaldas ng pondo para ipambili ng mga fighter jet, helikopter at mga bomba, at pagpataw na mas malalala pang patakarang neoliberal na ibayong magpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Apoy ng malawak na galit ng sambayanan ang sinindihan ni Duterte sa pagtulak nito ng Anti-Terror Bill sa gitna ng pandemyang Covid-19. Ang pasismo at korapsyon ng rehimen sa nagdaang mga buwan—mula sa hindi pangkalusugang militaristang lockdown hanggang sa pagpapatigil ng operasyon ng ABS-CBN, ang pag-aresto ng mga kritiko at mga drayber ng dyip, pambobomba sa mga komunidad sa kanayunan, pag-aresto sa mga tsekpoynt at malupit na pagparusa sa ilampung libo, sa pagpatay sa lider-maralitang si Carlito Badion, ang maanomalyang pagbili ng mga gamit pangkaligtasan at kagamitang sobra ang patong sa presyo at pagdambong sa bilyun-bilyong pondo sa panahon ng emergency—ay lalupang lalala oras na pirmahan ni Duterte ang Anti-Terror Bill.

Hinihikayat ng Partido ang lahat ng demokratikong sektor—ang mga manggagawang pangkalusugan, mga drayber, kababaihan at mga bata, mga taong-midya, mga artista at manggagawang pangkultura, mga guro at kawani ng pamahalaan, mga kabataan at estudyante, mga personalidad sa telebisyon at sine, maliliit na propesyunal, taong-simbahan at lahat ng manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod at walang hanapbuhay—na magkaisa at tipunin ang lahat ng kanilang hinaing at paninindigan.

Natutulak ang sambayanang Pilipino na kumilos. Dapat nilang igiit at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan bago ito tuluyang ipagkait ng pasistang rehimen. Dapat mag-organisa ang bayan. Dapat igiit nila ang kalayaan ng midya at ang karapatan sa pamamahayag. Dapat silang lumaban at puspusang magprotesta.

Dapat silang kumilos sa kanilang mga kampus at komunidad, sa mga pabrika at upisina, sa mga simbahan at parke, at ipagtanggol ang mga iyon bilang sona ng kalayaan, kung saan nila maaaring ipunin ang lakas ng bayan. Dapat mabilis nilang ihanda ang kanilang hanay, imulat ang buong bayan, pagtibayin ang kanilang determinasyon na makipagbuno sa anti-demokratikong mga pwersa ng rehimen hanggang maibasura ang Anti-Terror Bill o hanggang mapatalsik si Duterte.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/06/07/magkaisa-laban-sa-anti-terror-bill-ibagsak-ang-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.