Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7, 2020): Pandemya sa gutom at kahirapan, idudulot ng mga lockdown at restriksyon
Pandemya ng gutom at “hindi mawaring epekto sa kalusugan at ekonomya” ang idudulot ng matitinding restriksyong ipinataw ng mga estado kaugnay ng pandemyang Covid-19. Ito ang babala ng United Nations (UN) na nagsabing posibleng mas marami pa ang mamamatay dulot ng mga hakbang na ipinatupad para lunasan ang sakit.
Hirap at sakit
Pinatitindi ng mga lockdown ang dati nang mga di pagkakapantay-pantay sa mga lipunan. Lalo nitong itinulak sa kahirapan ang dati nang mahihirap na bahagi ng populasyon. Ayon pa sa UN, ang mga restriksyon at lockdown na nakatuon sa “pagsugpo” ng Covid-19 ay nagpakitid sa mga merkado at pumigil sa trabaho ng milyun-milyon at bumura sa kanilang kakayahang bumili ng mga kinakailangan. Milyun-milyon na ang nawalan ng trabaho sa buong mundo, pangunahin ang mga kontraktwal at mala-proletaryado. Pangunahing naapektuhan ng kawalan ng kita ang kakayahan ng mga pamilya na bumili ng sapat ng pagkain.
Kasabay nito, maaring sumirit ang presyo ng mga pagkain sa pandaigdigang merkado dahil sa pagkaputol sa daloy ng suplay hindi lamang ng pagkain, kundi pati ng mga gamit sa produksyon. May mga paghina na rin sa ani at operasyon ng mga kumpanyang agrikultural sa malalaking bansang eksporter ng pagkain.
Lubos na maaapektuhan ang mga bansang nakaasa sa pag-angkat ng batayang pagkain, tulad ng bigas, kung ipagkakait o itataas ang presyo ng mga ito ng mga bansang eksporter. Babala ng UN, hindi magiging panandalian at hindi madaling masosolusyunan ang daranasing hirap ng mamamayan.
Isa ang Pilipinas sa inilalarawan ng UN na mga bansang dati nang may mataas na insidente ng gutom. Ang mga dumaranas ng gutom, na matatagpuan hindi lamang sa siksikan na mga komunidad sa mga syudad kundi pati sa malawak na kanayunan, ay may mataas na risgong mahawa ng Covid-19 at iba pang karaniwang sakit dahil sa malnutrisyon. Sila rin ang nasa mga lugar kung saan walang mga klinik, at matinong patubig at sanitasyon. Ang mga nasa syudad ay walang espasyo para maipatupad ang tamang social distancing o pagkwarantina ng kanilang mga maysakit na kapamilya. Sa kanayunan, salat na salat ang gamit at kasanayang medikal, gayundin ang mga pasilidad para sa mga mahahawa ng sakit. (Tingnan ang artikulo sa Ang Bayan, Abril 7 .) Tulad sa kaslunsuran, milyun-milyong mamamayan sa kanayunan ang dumaranas ng gutom dulot ng kawalan ng trabaho, mababang kita at kawalan ng lupa.
Lalong magdurusa ang mahihirap dahil sa pagkasira ng mga ekonomya na idinulot ng mga lockdown at restriksyon. Ang matitinding restriksyon sa byahe at produksyon ay nagdulot ng pagkaputol sa daloy ng suplay ng mga produkto at paggawa. Kasama ang Pilipinas sa mga bansang nawalan ng kita mula sa turismo at remitans ng mga migranteng manggagawa. Nakatakdang mawasak ang dati nang mahihinang imprastruktura ng lokal na ekonomya. Dahil pinili ng estado na umutang kaysa baguhin ang mga alokasyon sa badyet nito, deka-dekada pang pagdurusahan ng mamamayan ang gastos sa lockdown.
Gutom sa ngayon at hinaharap
Ayon naman sa World Food Organization (WFO), mahigit 30 bansa ang daranas ng kakulangan ng pagkain. Sampu sa mga bansang ito ay dati nang may mahigit isang milyong populasyon na walang nakakain bago pa ang pandemya. Mangangailangan ng $350 milyon para mapakain ang pinakanagugutom. Dagdag na problema ng mga ahensyang internasyunal na hindi nila maihatid ang pangkagipitang ayuda dahil sa mga pagbabawal at mahihigpit na restriksyon sa pagbyahe.
Sa ngayon, tinataya ng grupo na 812 milyon na katao ang dumaranas ng gutom araw-araw. Nasa bingit naman ng gutom ang 135 milyon. Madadagdagan pa ang bilang na ito ng 130 milyon sa pagtatapos ng taon.
Kabilang sa kailangang abutin ng grupo ang 30 milyon na buong nakaasa sa WFO para sa araw-araw na pagkain. Kung hindi aabot sa kanila ang ayuda, posibleng 300,000 ang mamamatay sa loob ng tatlong buwan.
Sa Pilipinas, apektado ang daloy at siklo ng produksyon ng pagkain nang higpitan ang transportasyon ng sariwang pagkain mula sa mga prubinsya tungo sa mga syudad at sa pagitan ng mga prubinsya. Malaki ang idudulot na pinsala ng restriksyon sa galaw ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa darating na taniman ng palay at mais.
https://cpp.ph/2020/05/07/pandemya-sa-gutom-at-kahirapan-idudulot-ng-mga-lockdown-at-restriksyon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.