SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 17, 2019
Wala nang kasing-desperado ang pinakabagong pakulo ng PNP at AFP na pasukuin at iparadang NPA ang kanilang kabaro upang palabasing mayroong inaabot ang kanilang kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan habang malayang kinukurakot ang pondo para sa hungkag na ECLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program).
Nitong Setyembre 11, nakarating sa tanggapan ng NDF-Bikol ang balita ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nahuli ang isang Joselito Novelo Naag na isa umanong mataas na upisyal ng NPA sa rehiyon. Kumpleto ang kwento. Kasapi raw ang naturang indibidwal ng KLG 78 sa Albay at mayroong patong sa ulong P100,000. Sa katunayan, kasama pa nga umano siya sa Most Wanted list ng rehiyon. Nagpatawag pa ng midya ang mga pulis at magarbong ipinagyabang ang kanilang nasukol. Pinatambol nila ang usapin hanggang sa pambansang antas. Ngunit may isang napakakritikal na butas sa kanilang palabas. Nakalimutan nilang i-atas kay Naag na burahin ang kanyang Facebook account at ang kanyang mga litratong nakasuot pa ng uniporme ng militar. Ni hindi na kailangang maglinaw ng NDF-Bikol at magbuhos ng panahon upang patunayang hindi NPA si Naag. Sila na mismo ang humukay ng sarili nilang libingan.
Tiyak na hindi na naman magkakandaugaga ang militar, pulis at ang kanilang mga dalubhasa sa saywar, sa pag-apula ng napakalaking eskandalong ito. Ibinubunyag ng mga kaso ng militar-na-kunwaring-NPA at sapilitang-pekeng-pagpapasurender na modus operandi ang sukdulang kabulukan at kainutilan ng mersenaryong hukbo. Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, standard operating procedure (SOP) ng militar at pulis na gumawa ng samu’t saring kwento at pekeng balita nang kahit papaano ay may masabi sa harap ng kanilang mga hambog na deklarasyong ‘kayang ubusin ang NPA’. Kasabay nito, nagsisilbi ang ECLIP bilang balon ng korupsyon at promosyon para sa militar at pulis. Sa kaso ni Naag, tumataginting na P100,000 ang walang kahirap-hirap na naibulsa ng NCRPO. Sa rehiyon, umaabot sa 50,000 kada indibidwal ang napagpipyestahan ng 9th IDPA at PRO5 sa magagarbong palabas na tulad ng kay Naag. Kamakailan lang, 65 na naman umano ang sumuko sa Castilla, Sorsogon. Nangangahulugan ito ng panibagong P3,250,000 paghahati-hatian ng mga upisyales ng militar at pulis. Sa kabuuhang 304 sapilitang pinasuko ng 9th IDPA at PRO5 sa rehiyon, humigit-kumulang nang P15,200,000 ang kabuuhang halagang kanilang nakulimbat sa negosyo ng pekeng pagpapasurender. Liban pa ito sa pabuya at promosyong tinatanggap ng kanilang mga upisyales.
Habang patuloy na pinapatay sa kagutuman at kahirapan ang masang anakpawis sa napakataas na presyo ng bilihin at napakababang presyo ng palay, kopra at iba pang agrikultural na produkto, tigas-mukha namang inuubos ng militar at pulis ang kanilang panahon upang suyurin ang kanayunan para sa mga sibilyang sapilitang pasusukuin kapalit ng perang kanilang kukurakutin. Ngayong nauubusan na sila ng paulit-ulit na mukhang ipapalabas, maging ang kanilang kabaro ay pinagkunwari nilang NPA. Kung wala mang hati si Naag sa makukubra ng pulis at militar sa eskandalosong moro-morong ito, tiyak na mayroon siyang sikretong alam hinggil sa kanilang hanay kung kaya kinailangan na siyang ilaglag.
Kung hahabi na rin lamang ng kasinungalingan ang militar at pulis, sana’y tiniyak nilang naitago na nila ang lahat ng kanilang bakas. Sa laki ng pondo para sa maruming propaganda, sana’y tinitiyak nilang kapani-paniwala ang kanilang mga kwento at hindi sisingaw ang kanilang kainutilang pahinain man lamang ang rebolusyonaryong kilusan.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng masang Bikolano na maging mapanuri at mahigpit na tutulan ang pandarahas at saywar ng militar at pulis sa ilalim ng Oplan Kapanatagan ni Duterte. Marapat lamang na ilantad ang ECLIP bilang hungkag na programang tumutustos lamang sa korupsyon ng mersenaryong hukbo. Sa halip na ibuhos sa militarisasyon at pasismo ang kabang-bayan, marapat lamang itong ilaan sa mga serbisyong panlipunang tunay na tutugon sa suliranin ng mamamayan. Sa patuloy na pagkabunyag ng kaliwa’t kanang eskandalo’t krimen laban sa mamamayan ng rehimeng US-Duterte, lalo lamang nagiging matingkad ang kawastuhan ng pagpapabagsak sa kanyang rehimen. Ibayo lamang nagiging malinaw sa masang inaapi at pinagsasamantalahan na tanging sa landas ng rebolusyon makakamit ang tunay na pagbabago. Marapat tandaan ng buong pangkating Duterte na hanggat mayroong inaapi’t pinagsasamantalahan, anumang tindi ng saywar at pasismo, mananatiling matatag at masigla ang CPP-NPA-NDFP.
https://cpp.ph/statement/joselito-naag-militar-hindi-npa-p100000-nakurakot-ng-pulis-at-militar-sa-pagpaparada-ng-kanilang-kabaro-bilang-sumukong-npa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.