Tuesday, September 17, 2019

CPP/NDF-Bicol: Duterte: Traydor sa sambayanan, tuta ng Tsina at iba pang imperyalista

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 17, 2019): Duterte: Traydor sa sambayanan, tuta ng Tsina at iba pang imperyalista

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 17, 2019

Malaking pagtatraydor sa sambayanan ang pagbubukas ni Duterte sa dayuhang panghihimasok sa West Philippine Sea. Maliban sa paglabag sa mga batas ng bansa at mga internasyunal na kasunduan at desisyon ng hukuman, kusang ipinagkaloob ni Duterte ang soberanya ng Pilipinas kapalit ng suporta ng mga imperyalista sa kanyang diktaduryang ambisyon.

Noong Setyembre 10, 2019, idineklara ni Duterte sa isang press conference sa MalacaƱang na papaloob ang Pilipinas sa isang joint venture kasama ang Tsina para sa eksplorasyon sa West Philippine Sea. Ani pa ni Duterte, napakamapagbigay na ng 60%-40% na hatian pabor sa Pilipinas sa anumang makukuhang produkto sa WPS. Lantaran niyang sinabing dapat munang isantabi ang arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) upang bigyang-daan ang kasunduan sa Tsina.

Pagkatapos ng ilang taong paglaban, mula sa korte hanggang sa mga lansangan sa loob at labas ng bansa, kinilala ng PCA ang pag-angkin ng Pilipinas sa WPS bilang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) nito. Bilang bahagi ng teritoryo ng bansa, maaaring gamitin ng Pilipinas ang mga likas-yamang mahahanap dito at galugarin pa ang karagatan para sa pananaliksik at pagpapalawak ng rekurso ng bansa, tulad ng enerhiya at langis. Sinusuhayan ito ng mismong 1987 Konstitusyon ng Pilipinas sa Section 2 (2), Article XII, “The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, seabed and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens.” Sa ilalim ng Konsitusyon at UNCLOS, mga Pilipino lamang ang may karapatan sa extraction o pagmimina at pagporoseso ng anumang rekurso na matatagpuan sa West Philippine Sea. Ang pinapayagan lamang ay ang joint-venture para sa exploration at pananaliksik kung kaya’t labag sa batas at kasunduan ang pagpapahintulot ni Duterte sa 60-40% hatian sa mamimina o anumang makukuha sa karagatan. Anumang ikot at likot ng isip ng mga abogado ni Duterte, hindi niya pwedeng bigyan ng lisensya ang Tsina para pagkakitaan ang pagsuyod at pagsaid ng likas-yaman ng Pilipinas.

Mula nang maupo ang pangkating Duterte sa poder, pumasok ito sa mga tagibang na pandaigdigang kasunduan upang haranahin ang mga imperyalista. Ipinapatupad niya ang mga neoliberal na dikta ng mga imperyalista at ilinublob ang mamamayang Pilipino sa utang panlabas. Pinilay ng Rice Tariffication Law ang lokal na industriya ng bigas sa bansa at pinakalam ang sikmura ng taumbayan ng TRAIN Law. Ang lahat ng proyektong pang-imprastrakturang ipinagmamayabang ng kanyang rehimen ay pinondohan, inutang at para lamang sa kapakinabangan ng Tsina, US at iba pang kapitalistang bansa. Hawak ng Tsina si Duterte sa tenga dahil sa bilyun-bilyong pisong pautang nito para pondohan ang walang katuturang mga proyekto sa ilalim ng Build Build Build.

Maaasahan ni Duterte na sasalubungin ng matinding pagtuligsa ng mamamayan ang paglalapastangan niya sa soberanya at patrimonya ng bansa. Malinaw na batayan para sa impeachment ang pagsasalaula ng soberanya at patrimonya ng bansa at paglabag sa mismong Konstitusyon ng bansa at mga internasyunal na batas. Ang Kongreso ang magiging daluyan ng impeachment. Sa kalagayang hawak ni Duterte ang Mababa at Mataas na Kapulungan nito, magtatagumpay lamang ang impeachment sa pamamagitan ng sapat na pampulitikang pagtutulak ng mayorya ng mamamayan sa kanilang mga kinatawan. Sisiguruhin ni Duterte na hindi siya mapatatalsik sa paraan ng impeachment ngayong taon dahil sa mga teknikalidad na isang beses sa isang taon lamang maaaring maghapag ng impeachment laban sa pangulo.

Sa harap ng papatinding terorismo ng estado at kultura ng kawalan ng pananagutan, walang ibang pamamaraang itinitira ang estado para sa mamamayan kundi ang paggigiit ng kanilang soberanyang kapangyarihan at karapatang magrebolusyon upang ibagsak at papanagutin ang traydor, tiraniko at tutang pangkating Duterte. Binabaha ang publiko ng propaganda ng rehimeng US-Duterte na nagtatago, nagsasawalang-saysay at nagpipintang isang makademonyong pakana ang pagtutupad ng mamamayan ng kanyang soberanyang kapangyarihan sa isang tiraniko, terorista at pasistang estado. Wala itong pinagkaiba sa pagpipintura ng mga Espanyol na mangmang ang mga tulad ni Bonifacio, ng sinasabi ng mga Amerikanong tulisan sina Macario Sakay at Simeon Ola, ng pagbabansag ng mga Hapon na bandido ang mga Hukbalahap, at ngayong nagdaang dekada, ipinipilit ng estado na terorista ang lahat ng makaisip ng kanilang papel sa armadong pakikibaka.

Nagawang itayo ang estado ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ng milyun-milyong nagrebolusyong anakpawis. Magagawa ng bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong anakpawis na pabagsakin ang taksil sa bayang pangkatin at iluklok ang panibagong estadong makabayan at makamamayan.

https://cpp.ph/statement/duterte-traydor-sa-sambayanan-tuta-ng-tsina-at-iba-pang-imperyalista/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.