Sa ika-73 taon ng Fil-Am Friendship Day
LAMPAS PITONG DEKADA na ang nakalilipas matapos bigyan ng huwad na kalayaan ng US ang Pilipinas. Hanggang ngayon, malinaw na dominado pa rin ng US ang ekonomya, pulitika, militar at kultura ng bansa. Dapat na itong wakasan para ganap nang lumaya ang mamamayan sa pagkaalipin ng bansa sa US.
Sa loob ng 73 taon, malayang nakapagpapatuloy ng paghahari ang US sa pamamagitan ng masugid na papet nito sa gubyerno mula kay Manuel Roxas hanggang kay Rodrigo Duterte. Walang patid na ipinatupad ng mga ito ang mga patakarang tumitiyak sa interes ng imperyalismong US sa bansa. Itinayo at nagsisilbing pangunahing haligi ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa ilalim ng paghahari nito, bigong umusad ang kakayahan ng lokal na ekonomya sa produksyon at nananatiling nangangayupapa sa malalaking korporasyon ng US, mga bangko at institusyong pampinansya ang bansa.
Higit pang tumindi ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan matapos ipatupad ng US ang globalisasyon noong 1990s na nagbuyangyang sa rekurso ng bansa at lumansag sa mga patakarang nagpuprotekta sa pambansang industriya, nagsapribado sa mga pag-aari ng estado, nagbigay laya sa mga dayuhan at malalaking negosyo na magmay-ari ng mga susing utilidad, nag-alis sa mga regularisasyon sa paggawa at pamantayan sa pangangalaga ng kalikasan at iba pang mga mapagsamantalang patakaran.
Sa panig ng AFP, hawak ng US ang indoktrinasyon, pagsasanay, armas at pondo ng mga upisyal at sundalo. Daan-daang tropa ng US at mga tagapayo nito ang nakakampo sa loob ng bansa, nangunguna sa mga kontra-rebolusyonaryong operasyon at madalas na nagpapadala ng kanilang tropa at kagamitan sa gera.
Protesta sa embahada
Nagprotesta ang mga pambansa-demokratikong organisasyon sa harap ng embahada ng US noong Hulyo 4 para pabulaanan ang kunwa’y pagkakaibigan ng US at Pilipinas. Binatikos nila ang palagian at tumitinding interbensyon ng US sa bansa. Kabilang sa kinundena nila ang tuluy-tuloy na paggamit ng AFP ng mga bombang mula sa US sa pangwawasak ng mga komunidad at lupang ninuno ng mga Pilipino.
Naglunsad din ng katulad na pagkilos ang Bayan-Panay sa Plazoleta Gay, Iloilo City.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/2019/07/07/wakasan-ang-deka-dekadang-pagkaalipin/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.