Sunday, July 7, 2019

CPP/Ang Bayan: Esperon, maton ng pasistang mga pangulo

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 7, 2019): Esperon, maton ng pasistang mga pangulo

Mariing tinuligsa ng Karapatan ang pagsasampa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ng kasong perjury (pagsisinungaling sa korte) laban sa Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines matapos ibasura ng Court of Appeals noong Hunyo 28 ang kanilang petisyon para sa writ of amparo at habeas data. Ayon sa Karapatan, ang pagkaso ni Esperon ay patunay na pursigido ang rehimeng Duterte na patahimikin ang mga kritiko nito.

Hindi na bago ang mga atake ni Esperon sa mga progresibong organisasyon. Mula noong rehimeng Arroyo hanggang sa kasalukuyan, gumagampan siya bilang panatikong maton ng mga pasistang nakaupo sa kapangyarihan.

Kampon ni Gloria 

Kilalang masugid na kampon ni dating presidente Gloria Macapagal-Arroyo si Esperon. Pinamunuan niya ang Presidential Security Group noong 2002-2003 bago naitalaga sa Special Operations Command. Noong eleksyong 2004, malaki ang kanyang naging papel sa pandaraya ni Arroyo upang manalo, partikular sa Mindanao. Ginamit ni Esperon ang mataas na katungkulan sa AFP upang manuhol sa mga kumander ng militar, o kaya’y alisin sa pwesto yaon namang mga kontrolado ng kalabang kandidato. 

Bilang gantimpala, pinaburan siya ni Arroyo upang maging punong kumander ng Philippine Army. Kasunod nito’y ginawaran siya ng pinalawig na pusisyon bilang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff kung saan nasangkot siya sa mga kaso ng korapsyon, kabilang ang pagpatong ng P800 milyon sa gastos para sa pagkumpuni ng tatlong bangkang pampatrulya ng Philippine Navy. 

Humawak si Esperon ng mga susing pusisyon sa AFP sa panahon ng brutal na kampanyang Oplan Bantay Laya 1 at 2. Sa ilalim ng pamumuno ni Arroyo mula 2001-2010, mahigit 1,300 ang naitalang kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay at sapilitang pagkawala. Malaking bahagi nito ay pananagutan ni Esperon—bilang Deputy Chief of Staff for Operations (2003), hepe ng Philippine Army (2004) at AFP Chief of Staff (2006-2008). Sa mga panahong ito namayagpag ang mga pusakal na pasistang sina Jovito Palparan at Eduardo Año. 

Maliban dito, 32 kaso ng tortyur ang isinampa laban kay Esperon noong 2001 bilang kumander ng 103rd Infantry Brigade sa Basilan.

Ahente ng US 

Mula nang maupo si Esperon bilang AFP Chief of Staff hanggang maging Presidential Adviser on the Peace Process sa ilalim ng rehimeng Arroyo, madalas siyang nakikipagpulong nang pribado kay dating US ambassador Kristie Kenney. Sa mga pulong na ito iniuulat ni Esperon ang kalagayang pampulitika sa bansa—mula sa mga tangkang kudeta, ekstrahudisyal na pagpatay sa mga aktibista, gera laban sa rebolusyonaryong kilusan at Bangsamoro, at iba pa. 

Sa mga pulong din na ito naitutulak ng US ang direksyong tatahakin ng AFP, partikular sa “kontrainsurhensya.” Bago pa man inilabas ng US State Department ang Counterinsurgency (COIN) Guide noong 2009, makailang ulit nang idiniin ni Kenney at mga upisyal ng US Embassy ang pagsustine sa “gera kontra-terorismo,” “pagtaguyod sa demokrasya,” pagtugon sa “palagay ng publiko kaugnay ng korapsyon sa gubyerno”, at iba pang sangkap ng “kontrainsurhensya.” 

Dadalhin ni Esperon ang mga kabuktutan at panlilinlang ng US COIN Guide sa kanyang paghawak ng pusisyon bilang pangkalahatang direktor ng National Security Council ng gubyernong Duterte. 
Batay sa COIN Guide, itinulak niya ang pagbubuo ng National Task Force (NTF) “para tapusin ang lokal na komunistang armadong sigalot” at tumayong kanang-kamay ni Duterte sa pagpapatupad nito. Bahagi ng NTF ang “whole-of-nation approach” o pagpapailalim ng mga sibilyang ahensya ng gubyerno sa kumand ng AFP, pagpapatindi ng saywar at kaakibat nitong pagtindi rin ng armadong pagsupil sa paglaban ng mamamayan.

Korap at oportunista

Nang bumalik sa gubyerno, nasangkot si Esperon sa burukrata-kapitalistang korapsyon. Nalantad ang papel niya sa pagkopo ng negosyanteng si Dennis Uy sa kontrata sa pagtatayo ng ikatlong kumpanya sa telekomunikasyon sa bansa. Bahagi si Esperon ng komiteng namamahala sa pagpili ng kumpanya ni Uy. Hindi kagulat-gulat sapagkat matagal na siyang “konsultant” ng Phoenix Petroleum, isang kumpanya ni Uy. Sinampahan siya noong 2010 ng kasong ismagling ng langis na ipinabasura ni Duterte. Nabunyag na tumatanggap siya ng mga pabuya kay Uy kabilang ang paggamit ng pribadong eroplano. 

Sa kasagsagan naman ng operasyon ni Janet Lim Napoles, ang binansagang “pork barrel queen,” kasosyo niya si Esperon sa isang kumpanya na pinaniniwalaang pinaglalagakan ng nakulimbat na pera mula sa pork barrel.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/2019/07/07/esperon-maton-ng-pasistang-mga-pangulo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.