Monday, January 22, 2018

CPP/Ang Bayan: Militarisasyon sa kanayunan, tumitindi

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Jan  21): Militarisasyon sa kanayunan, tumitindi

Habang umaarangkada ang panggigipit ng rehimeng US-Duterte sa kalunsuran, patuloy ang walang puknat na pamamaslang, militarisasyon at panggigipit nito sa kanayunan.

Pagpaslang. Enero 20, pinatay ng pinaniniwalaang ahente ng militar si James Flores, 33, residente ng Purok Cadena, Barangay Mankilam Tagum City, Davao del Norte. Si Flores ay myembro ng Pederasyon sa tanang Asosasyon sa mga Mag-uuma ug Lumad sa Agusan ug Davao.

Noong Enero 15, natagpuan ang bangkay ni Aaron Notarte sa isang punerarya sa Trento, Agusan Del Sur. Dinala ito ng mga sundalo ng 75th IB at sinabing NPA na napatay sa labanan sa Area 69, Barangay Imelda, Bunawan, Agusan del Sur.

Si Notarte ay opereytor ng chainsaw, sakay ng motorsiklo at pauwi na nang makasalubong ng nag-ooperasyong tropa ng 75thIB. Bugbog at dalawang tama ng bala ang nakita sa katawan nito. Nawawala din ang P10,000 ni Notarte.

Militarisasyon. Sa Surigao del Sur, ipinailalim sa tuluy-tuloy na operasyong militar ng 75th IB ang siyam na eskwelahang Lumad sa ilalim ng TRIFPSS at ALCADEV at 14 pang komunidad. Noong Enero 7, nagsimula ang paggalugad ng mga sundalo alas-2 ng umaga mula sa Km. 6 hanggang Km. 14 sa Neptune, Diatagon, Lianga. Dalawang trak ng tropang militar ang nag-operasyon at nagtayo ng tsekpoynt sa lugar.

Kinabukasan, namataan ang tropang militar sa Sityo Han-ayan, Diatagon gayundin sa karatig na Sityo Magkahunaw, Buhisan, San Agustin. Ayon sa mga residente, may mga pagsabog at putok ng baril na narinig malapit sa Sityo Magkahunao mula Enero 8 hanggang 13. May namataan ding mga drone madaling araw ng Enero 16 at hapon ng Enero 13. Ang naturang mga operasyong militar ay pagbibigay-daan sa pagpasok ng minahan ng karbon sa Andap Valley, lupaing ninuno ng mga Manobo.

Davao del Norte. Patuloy namang nakararanas ng panggigipit ang mga mamamayang Lumad sa Kapalong. Ayon kay Datu Mentroso Malibato, tagapangulo ng organisasyong Lumad na Kadrayawan, pinipigilan ng mga sundalo at paramilitar na Alamara ang pagpasok ng suplay ng pagkain patungo sa malalayong komunidad mula pa noong Disyembre 23.

Apektado ng nasabing blokeyo ang may 200 pamilyang Lumad sa mga sityo ng Muling, Mangkay, Lunloluno, Kamumunuan, Bugton Lubi, at Kapatagan sa Barangay Gupitan, Kapalong. Pinagbabawalan ng mga myembro ng Alamara ang mga residente na pumasok sa Sityo Patil na pasukan papunta sa iba pang mga komunidad.

Quezon. Noong Enero 15 sa Lopez, dumanas ng matinding ligalig ang ang mga residente sa Barangay Jongo at mga karatig baryo dahil sa operasyong militar ng 85th IB. Dinahas naman ng mga sundalo ang inilunsad na fact finding mission ng KARAPATAN-ST noong Enero 17 na mag-iimbestiga sa militarisasyon.

Batangas. Naglunsad ng operasyong militar ang 730th Combat Group ng Philippine Air Force at Public Safety Company ng PNP sa Sityo Sales, Barangay Pooc sa Balayan, at mga barangay ng Kalantas at Coral ni Lopez sa Calaca noong Enero 13. Nagdulot ito ng matinding takot sa mga residente.

Panggigipit at iligal na pang-aaresto. Noong Enero 9, bandang alas-3 ng umaga, dinakip ng pinagsanib na 15th IB, 39th IB at Magpet PNP ang mga aktibistang magsasaka na sina Jarold Adiaton, 29, at Jane Solis, 26, mga residente ng Barangay Balite, Magpet, North Cotabato at myembro ng Balite Farmers Association o BFA. Sa parehong araw at bayan, iligal ding inaresto si Datu Maylan Andas, 59, myembro ng Manobo Aromanen Pasakkaday Association o MAPA at residente ng Sityo Tungao, Barangay Tempuran habang nagpapakain ng kanyang mga alagang manok.

Ang BFA ay isang lokal na organisasyon ng mga magsasaka na nakabase sa Magpet at nasa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-North Cotabato habang ang MAPA ay antas-munisipal na organisasyon ng mga Lumad at nasa ilalim naman ng Apo Sandawa Lumadnung Panaghiusa sa Cotabato (ASLPC).

Noong Enero 8, pinagbabaril ng pinaniniwalaang mga ahente ng militar ang bahay ng mag-asawang Lumad na sina Ronel, 29 at Jingky Asay, 33 nang alas-8:00 ng gabi sa Barangay Bangayan, Kitcharao, Agusan Del Norte. Ang mga Asay ay myembro ng Kayapan-Amihan, organisasyon ng Mamanwa sa nasabing barangay. Aktibong nagsasagawa ang 29th IB ng operasyong militar sa lugar at nakakampo dalawang kilometro ang layo sa bahay ng mga Asay. Dati nang hinaharas ng militar si Ronel dahil sa kaugnayan niya sa Kayapan-Amihan.

Sa Negros, patuloy na hinaharas ng mga pinagdududahang ahenteng militar ang pamilya ni Elisa Badayos, tagapangulo ng Karapatan-Central Visayas na pinatay noong Disyembre 2017. Noong Enero 10, alas-6 ng umaga, habang pasakay ng taxi ang pamangkin ni Badayos na si Cheska Condes, iniabot sa kanya ng isang lalaki ang kapirasong papel na naglalaman ng pagbabanta sa kanyang buhay kung patuloy na lalahok sa mga rali.

Noong Enero 16, pwersahang kinuha ng mga pinaghihinalaang militar ang mga magsasaka na sina Filjun Celeste Arpajo, 30, at Venjie Catampo, 28, mga residente ng Purok Mahayahay, Barangay Marayag, Lupon, Davao Oriental. Ayon sa mga residente, dinala ang dalawa at sapilitang pinaggiya ng mga sundalo sa kanilang operasyon sa lugar. Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya pa sila ng military.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180121-militarisasyon-sa-kanayunan-tumitindi/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.