ISA SA MGA layunin ng pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao ay para mairatsada ni Duterte ang mga proyektong imprastruktura sa ilallim ng kanyang programang Build, Build, Build. Ang mga proyektong ito, na popondohan ng utang mula sa mga imperyalistang bansa at institusyon, ay igagawad niya sa pinakapinapaborang mga kumprador at burukrata sa Mindanao. Bahagi ito ng kanyang panunuhol, kapalit ng kanilang suporta sa kanyang teroristang paghahari.
Mayorya ng mga proyektong imprastrukturang nakaplano sa Mindanao ay mga daan, paliparan, pantalan, sistema ng tren at tulay. Ang mga ito ay bahagi ng Mindanao Development Corridor na naglalayong “padulasin” ang pagnenegosyo sa isla. Sa partikular, padadaliin nito ang transportasyon ng mga produktong agrikultural ng mga komersyal na plantasyon para iluwas sa ibang bansa. Kabilang sa mga proyektong ito ang Mindanao Logistic Infrastructure Network na popondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Tatawid ang naturang sistema ng daan sa Cagayan de Oro, Butuan, Surigao, General Santos, at Davao. Palalayasin nito ang mga Lumad, Moro at setler sa mga komunidad na sasakupin ng proyekto.
Samantala, ang 280-kilometrong pagpapalawak ng mga kalsada sa Zamboanga Peninsula ay magdudulot ng dislokasyon ng mga residente sa di bababa sa anim na barangay. Higit sa 400 pamilya sa mga barangay ng Sto. Niño, Poblacion, New Dapitan, Farmington, Situbo at Sandayong ang papaalisin sa kanilang mga lupa sa isang bahagi pa lamang ng proyekto. Kabilang ang mga Lumad mula sa grupong Subanen at Kolibugan sa mga maaapektuhan. Halos 32,000 metro kwadrado naman ang matatamaan ng proyekto na mga taniman.
Ang iba pang malalaking proyekto ay ang Transport and Logistics Master Plan na magmomodernisa umano ng pampublikong transportasyon sa Davao City, Regional Development Project sa South Central Mindanao, Mindanao River Basin Flood Control Project at ang lagi’t laging ibinabandera ni Duterte na Mindanao Rails Project.
“Pandaigdigang pabrika”
Ang mga proyekto para sa pagtatayo at pagpapalawak ng mga kalsada, paliparan at pantalan ay matagal nang plano ng Asian Development Bank (ADB). Bahagi ito ng Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA). Nagbubuhos ng pondo ang ADB kapalit ng higit pang pagbubukas ng mga lokal na ekonomya sa dayuhang kapital. Sa plano nito, tinukoy ang Mindanao na may malaking potensyal para maging tagasuplay ng hilaw na materyales, agro-processing, fishery products, petrochemical, forestry at wood processing, at turismo. Itatransporma diumano nito ang isla sa isang “regional food basket” bilang bahagi ng neoliberal na pakanang “pandaigdigang pabrika.”
Pinaghahatian ng tatlong malalaking internasyunal na ahensya para sa pagpapautang ang mga malalaking proyekto sa Mindanao. Ang USAID, JICA, at ADB ay maghahati sa tatlong bahagi ng Mindanao Development Corridor. Ang World Bank naman ang bahala sa Reconstruction and Development Program na bahagi ng Bangsamoro Development Plan. Para sa malalaking proyekto pa lamang, tinatayang aabot sa $213.2 bilyon ang kailangang utangin ng Pilipinas. Buong kakargahin ng mamamayan ang pagbabayad rito sa anyo ng mas mataas na singil sa serbisyo at habambuhay na pagbabayad ng gubyerno sa utang.
Ang ilan sa mga kumpanya ng mga kumprador at burukratang magagawaran ng mga kontrata ng mga proyekto ay ang Tagum Agricultural Development Company (Tadeco) ng mga Floirendo, RDEX Food International Phils Inc., Unifrutti, Sumifru, Dole, Del Monte, Udenna Corp. ni Dennis Uy na namuhunan na ng $200M para sa plantasyon ng goma, at ang International Container Terminal Services, Inc. ni Enrique Razon Jr.
Pista ng mga buwitre sa Marawi
Buong ibinukas ng rehimen ang syudad ng Marawi sa mga dayuhan at lokal na kumprador matapos nitong wasakin ang syudad at pagbawalan ang mga residente na bumalik dito. Para makakopo ng pinakamalalaking kikbak, pinayagan ng rehimen ang pagsusumite ng mga “unsolicited proposal” o mga mungkahing proyekto at negosyo mula sa malalaking kumpanya ayon sa kani-kanilang mga interes.
Isa sa mga “unsolicited proposal” na ito ang balak ng Sumitomo Mitsui Banking Corporation, ikalawa sa pinakamalaking institusyong pampinansya sa Japan, na maglatag ng export-processing zone para sa pagpoproseso ng pagkain sa syudad.
Nagbigay na rin ng kanyang mga “mungkahi” si Manuel Pangilinan para sa pagsasaayos ng imprastruktura ng kuryente at tubig at ng Amai Pakpak Medical Center. Ang mga Ayala naman ang nagprisintang magtayo ng iba pang mga ospital. Nagsumite na rin ng kani-kanilang mga mungkahi ang PLDT/Smart, Aboitiz Group, Jollibee Foods Corp., Pepsi Cola Philippines, FF Cruz, Meralco, Coca Cola, World Vision, Cebuana Lhuillier, San Miguel, LBC at SM.
Liban dito, tumanggap ang rehimen ng $23 milyon mula sa China at $2 milyon mula sa Japan para sa rekonstruksyon at rehabilitasyon. Nasa $5.22 milyon na ang ibinigay ng ADB. Sa lahat ng ito, pinakamalaki pa rin ang ibibigay ng US na umaabot na sa P1.06 bilyon.
Para makapang-akit ng mamumuhunan, plano ng Board of Investments na ilibre sa buwis ang kabuuang kita ng mga negosyo sa mayor na mga proyektong pang-imprastruktura.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180121-martial-law-sa-mindanao-para-sa-kumprador-at-dayuhang-interes/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.