Monday, January 22, 2018

CPP/Ang Bayan: Mga sakahan para sa digmang bayan

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Jan  21): Mga sakahan para sa digmang bayan

Bahagi ng malulupit na hakbang ng todo-gerang inilulunsad ngayon ng rehimeng US-Duterte ang pagpataw ng Armed Forces of the Philippines ng food blockade (pagharang sa pagkain) sa mga eryang kanilang inooperasyon. Ang pamamaraang ito, na matagal nang itinuro ng mga tropang US sa AFP, ay nagtatangkang putulin ang suplay ng pagkain tungo sa mga komunidad na pinagbibintangang sumusuporta sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa ilang larangang gerilya sa Mindanao, matagumpay nang napapangibabawan ng masa ang pagkakait ng mga sundalo ng pagkain sa mga komunidad. Maliban sa pagtugon sa pangangailangan sa pagkain ng kani-kanilang mga pamilya, nakapaglalaan na rin ang produksyon para sa karagdagang mga pangangailangan ng komunidad. Sa katunayan, sa isang mayor na operasyon ng kaaway na tumagal nang halos isang taon, sapat-sapat ang pagkain ng masa sa kabila ng ipinatupad na food blockade. Sa ibang lugar kung saan nagbakwit ang mga residente, bumalik silang mayroon pang aanihin mula sa kanilang mga sakahan.

Bunga ito ng mahabang proseso na inumpisahan ng mga komite ng Partido, hukbong bayan at mga komunidad noong maagang bahagi ng kasalukuyang dekada. Nagsimula ang kampanya sa kaisahan sa loob ng mga namumunong komite na ang pagpapaunlad ng produksyon ay dapat na nakatuon sa pagsustine sa digmang bayan.

Upang isakatuparan ito, isa sa mga tinarget na makamit ang ekonomyang nakasasapat-sa-sarili na nilalahukan ng lahat ng mga komunidad at baryong kinikilusan ng hukbong bayan.

Ayon kay Ka Che, myembro ng isa sa mga komiteng nagpatupad ng kampanya, pagbibigay-edukasyon ang unang naging hakbang. “Iniaangat muna ang kamalayang pampulitika ng mamamayan para maunawaan nila ang kabuluhan ng paglahok nila sa kampanya sa pagpapaunlad ng ekonomya,” aniya.

Hindi naging madali ang paglarga ng kampanya. “Sa pagdating pa lang namin sa erya, hindi pa organisado ang mga residente bilang mga komunidad. Watak-watak pa ang kabahayan at syempre, ang kani-kanilang mga sakahan.” Resulta ito ng mahabang panahong kinasanayan ng masa sa lugar na magpalipat-lipat ng sakahan matapos makapag-ani. Gayundin, dahil sa bangis ng mga operasyon ng AFP, itinutulak ang mga pamilya na tumalilis at maghanap ng ligtas na lugar. Kinailangan pang isa-isahin ng mga kasama ang bawat bahay, kabilang yaong mga nasa pinakaliblib, at kumbinsihin ang bawat pamilya na mag-ipon at magbuo ng komunidad.

“Nang mabuo ang komunidad, natuklasan namin na marami pala ang mga pamilyang naninirahan sa lugar. Matapos silang pulungin at bigyan ng mga pag-aaral, isinunod na ang pagbubuo ng mga kaukulang komiteng magpapatupad ng kampanya sa produksyon, kasabay ng iba pang komite sa loob ng mga rebolusyonaryong baryo,” ayon pa kay Ka Che. Samantala, patuloy ring nilalapitan ang iba pang pamilya upang magpaloob sa komunidad.

Dagdag na hamon din ang kalunos-lunos na kabuhayan ng masa nang datnan ng mga kasama. Ni hindi makasapat sa pangangailangan ng mga pamilya ang dati nilang itinatanim. “Noon, kadalasa’y nami (isang tipo ng ligaw na halamang-ugat) lamang ang pagkain ng masa,” alala ni Ka Che. “Kapos din maging sa mga batayang pangangailangan sa bahay kung kaya’t sa simula, tinitipid ng mga yunit ng hukbong bayan ang sariling badyet upang makapag-ambag sa pagbili ng itak, damit, at kahit asin ng masa.”

Masusing pagkukwenta ang kasunod na gawain ng mga kasama. Katuwang ang mga komite, nagkaroon ng konsultahan sa bawat pamilya at tinaya ang konsumo ng mga ito kumpara sa lawak ng taniman at dami ng produkto sa bawat takdang panahon ng pagtatanim. “Gaano kalaki ang pamilya? Gaano karami ang nakukonsumo ng bawat myembro bawat buwan? Gaano kalawak ang kailangang bungkalin para makasapat na sa pamilya? Ang mga ito ang uminog na mga usapin sa mga konsultahan,” kwento ni Ka Che. Kalahok ang hukbong bayan sa buong proseso ng kampanya, mula sa pagpaplano, pangangalap ng binhi, at pagtatrabaho sa mga sakahan.

Pinagkaisahan din ang tipo ng mga pananim na payayabungin. Mayroong mga pangmadalian, mayroong pangmatagalan. “Sa loob ng tatlong buwan, mapapakinabangan na ang mais, gayundin ang kamote. Dagdag dito, pinadami din ng mga pamilya ang mga itinatanim nilang balinghoy, saging, gabi at mga gulayin. Regular din ang pagtatanim ng palay sa mga kaingin,” pagbabahagi pa ni Ka Che. Liban sa mga ito na itinuturing na “pananim na pangkonsumo,” nagtatanim din ng mga tinatawag na “pananim na pangkwarta” tulad ng abaka at kape, na siyang pagkukunan ng pambili ng mga gamit sa bahay tulad ng sabon, asin at iba pa.

Dahil nabuo na bilang mga komunidad, mas malalapit na rin ang mga sakahan ng bawat pamilya. Nakatulong nga ang pagsasama-sama ng mga kabahayan sa pagpapabilis ng pag-unlad ng produksyon. Madali na lamang na nagkakabahaginan ng mga binhi ang mga pamilya, at gayundin ang mga karatig-komunidad, na may karaniwa’y isa hanggang tatlong oras na lakad lang ang pagitan. Isinasapraktika na rin ng mga komunidad ang hunglos. Ang bawat pangkat ay binubuo ng limang pamilya at nagtutulong-tulong sa pagtrabaho sa sakahan ng ka-grupo, tulad ng bayanihan ng masa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Binabasag na rin ng mga komunidad ang lumang nakagawian na naghihintay pa ng ilang panahon matapos ang anihan upang muling makapagtanim. Sa halip, ayon kay Ka Che, hindi na lamang isang beses kada taon ang pagtatanim. “Tuluy-tuloy na. Matapos makapag-ani ay agad na rin silang naghahawan para masimulan na ang sunod na pagtatanim.” Bahagi rin ng gawain ng mga komite ang pana-panahong pagtatasa ng itinatakbo ng kampanya.

Nang dumating ang panahong natutugunan na ang pangangailangan ng komunidad sa pagkain at mayroon nang naiipong sobra, sinimulan na rin ng mga kasama ang pamamahagi ng mga hayop tulad ng manok, kambing at baboy. Karagdagang suporta ito sa mga pamilya sa kanilang iba pang gastusin tulad ng pag-aaral ng mga anak, at mga konsumo sa bahay. Kapag nagsupling na ang mga hayop, nagbabahagi na sa ibang pamilya at komunidad.

Samantala, sa eryang kinikilusan naman ni Ka Menang, mag-iisang taon na ang sinimulan nilang palayan sa tubigan na magdaragdag pa sa produksyon ng mga umiiral nang sakahan. Naaaliw na lamang si Ka Menang kapag inaalala ang mga sakripisyo sa pagsisimula. “Hindi problema ang maghanap ng suplay ng tubig,” aniya. “Pero dahil sa kakulangan pa natin ng mga kagamitan, mas kailangang paramihin ang lakas-paggawa sa pagpatag ng lupa, paggawa ng mga pilapil, at iba pa.” Noong wala pang nagagamit na kalabaw ang komunidad, tatlong tao ang humihila ng araro para mabungkal ang palayan. “Sinikap talaga ng mga kasama at ng komunidad na magpalayan sa tubigan dahil halos doble ang naaani rito kumpara sa palayan sa kaingin,” paglilinaw ni Ka Menang.

Dahil nakabalangkas sa digmang bayan ang pagpapaunlad ng produksyon ng mga komunidad, bahagi na rin ng pagtaya ang atake ng AFP sa kanilang mga sakahan. Sinusunog ng mga nag-ooperasyong sundalo ang mga bodegang pinaglalagakan ng mga ani at binhi, kaya’t itinatayo na ang mga ito sa mga tagong lugar sa komunidad. Dahil din sa dami ng mga itinanim na halamang-ugat, hindi nagagawang bungkalin lahat ang mga ito ng mga sundalo at sirain. “Kaya ang kamote at gabi, hindi lamang matibay ang mga ito laban sa bagyo, kundi pati na rin sa sundalo,” ayon kay Ka Menang.

Tinatanaw ng mga kasama ang pag-abante pa ng produksyon sa mga komunidad. Sa ngayon, sinisimulan na ang mga komunal na taniman bilang dagdag pang suporta sa pagkain. Sa mga ito, limang pamilya ang tulong-tulong na magpapayaman ng isang ektaryang taniman. Lalo nitong pahihigpitin ang pagkakaisa ng mga residente sa lugar, mula sa pagiging watak-watak na kabahayan, tungo sa mga komunidad na organisadong nagpoproduksyon sa gitna ng umiigting na digmang bayan.

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180121-mga-sakahan-para-sa-digmang-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.