Monday, January 22, 2018

CPP/Ang Bayan: Editorial - Wakasan ang batas militar ng rehimeng US-Duterte sa Mindanao

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Jan  21): Editorial - Wakasan ang batas militar ng rehimeng US-Duterte sa Mindanao



Dumadanak ang dugo ng mamamayan sa Mindanao sa ilalim ng batas militar at todo-gera ng rehimeng US-Duterte laban sa rebolusyonaryong kilusan. Noong 2017 lamang, mayorya ng 126 na pinaslang ng kanyang mga berdugong militar at paramilitar ay mula sa Mindanao. Karamihan sa mga biktima ay mga Lumad at magsasaka na aktibong lumalaban sa pangangamkam ng kanilang mga lupa at dumedepensa sa kanilang mga karapatan.

Umiiral ang lantarang teroristang paghahari ni Duterte sa Mindanao. Nasa anyo ito ng mga direktang atake sa mga sibilyan at kanilang mga komunidad, mga pamamaslang na ala-Palparan, todo-todong pangwawasak ng kabuhayan at mga ari-arian at malawakang panggigipit, mga iligal na pang-aaresto at detensyon.

Tuluy-tuloy ang pagdami ng mga paglabag sa karapatang-tao na maituturing nang mga krimen sa sangkatauhan. Pinakahuli rito ang pagmasaker sa walong Lumad sa Lake Sebu, South Cotabato at tangkang pagsunog sa magkaibigang minero sa Masara. Compostela Valley. Krimen din laban sa sangkatauhan ang ilang buwang pambobomba at okupasyon ng AFP sa Marawi City na nag-iwan ng 3,000 sibilyang patay, hindi mabilang na nawawala at pagkawasak ng buong syudad na nagkakahalaga ng mahigit P100 bilyon.

Liban sa Marawi, libu-libo rin ang itinaboy ng AFP sa mga prubinsya ng Lanao, Maguindanao at iba pang lugar ng mga Moro, gayundin sa prubinsya ng Surigao, Davao, Cotabato, Bukidnon, Agusan, Compostela Valley at Misamis. Gamit ang mga modernong armas mula sa US tulad ng mga pandigmang eroplano at drone, walang puknat ang militarisasyon, pambobomba at panganganyon ng AFP. Ipinatutupad ang mga food blockade para gutumin ang mga nagbakwit at ginigipit kahit ang mga naghahatid ng ayuda at mga lokal na upisyal at ahensya ng estado.

Sa mga kalunsuran ng isla, walang pakundangan ang mga pagbabanta, pananakot at tahasang atake sa mga kalayaan at karapatang sibil. Binigyang-lisensya ng batas militar ang mga lokal na gubyerno na gipitin ang hayag na kilusang masa at ipatupad ang mga diktaduryal na kalakaran at hakbang tulad ng mga tsekpoynt at arbitraryong mga pagrerekisa. Inaatake nito ang mga nagwewelgang manggagawa at binubuwag ang kanilang mga unyon.

Walang ligtas sa benggatibo at sangganong panggigipit ng pamilyang Duterte. Lantaran nilang pinagbabantaan, minumura at inaalipusta ang sinumang naglalakas-loob na punahin ang kanilang pamamasista at korapsyon. Kabilang dito ang mga mamamahayag na tumangging magpakatuta sa kanila.

Inaatake ni Duterte ang kapwa niya burukrata, kahit ang mga dati niyang kaibigan at kroni, kung ang mga ito ay kalaban ng mga burukratang mas may pakinabang sa kanya. Binibigwasan din niya ang mga negosyanteng direktang kakumpetisyon ng kanyang mga kroni at alyado. Katuwang ang 10th ID, tinatarget niya ang mahigit 100 negosyo at indibidwal sa pagdadahilang nagbibigay ang mga ito ng pinansya at ayuda sa rebolusyonaryong kilusan.

Mula huling bahagi ng 2017, lalupang pinaarangkada ni Duterte ang todo-gera sa Mindanao. Nitong nagdaang mga buwan, dalawang bagong-buong batalyon na ang ipinakat niya sa mga prayoridad na probinsya sa isla. Nagdeploy din si Duterte ng dagdag na mga batalyon mula sa Luzon para palakasin ang nakalatag nang mga pormasyon sa isla, pinakahuli sa rehiyon ng Caraga. Ang rehiyong ito, gayundin sa ibang prubinsyang itinakda niyang prayoridad, ay mga lugar kung saan pinakamalakas ang paglaban ng mamamayan sa pagmimina, komersyal na plantasyon at iba pang dayuhang pandarambong.

Ipinatutupad ng rehimen ang malawakang operasyong militar, kasabay ng pambobomba at pagpapalipad ng mga drone, sa target na mga komunidad para itulak ang mga residente nito na magbakwit. Hinahalihaw ang mga ito ng mga tropa ng militar at paramilitar upang “magpasurender” ng mga sibilyan at iprisinta sila sa publiko bilang mga “sumukong NPA.” Pinatitindi ang sistemang “logbook” kung saan inoobliga ang taumbaryo na iulat sa barangay at pulis ang sinumang bagong salta o bumibisita sa kanila. Mahigpit ang pagbabantay sa mga tsekpoynt kung saan agad na itinuturing na kriminal o terorista ang sinumang walang ID.

Hindi kusang iaatras ni Duterte ang batas militar sa Mindanao. Mismong ang kanyang alagad sa Department of National Defense na si Delfin Lorenzana ang nagsabing kakailanganin pa ang martial law lampas ng 2018 dahil hindi kakayanin ng AFP na gapiin ang BHB sa loob ng taon. Ito ay sa kabila ng hibang na pagmamayabang ng AFP na “kakalahatiin” nito ang rebolusyonaryong hukbo sa gitna ng taon.

Suportado ng imperyalismong US ang batas militar sa Mindanao. Nagbigay ito ng pambihirang pagkakataon na direktang manghimasok at idirihe ang mga operasyong kombat ng AFP matapos isara ang base ng kanilang mga espesyal na operasyon sa Zamboanga noong 2015. Nitong Enero 20, isinapubliko ng US ang bagong “pinangalanang operasyon” nito para sa “gera kontra-terorismo” ni Duterte, ang tinaguriang “Operation Pacific Eagle-Philippines” kapalit ng Operation Enduring Freedom. Kapalit ng pondo at armas na ibubuhos ng US sa naturang operasyon, pinalayas ni Duterte ang daanlibong mga Moro sa Marawi City para bigyan-daan ang mga negosyo at base militar ng US. Sa tabing ng martial law, mahigit 300 sundalong Amerikano ang buong-panahong nananatili sa bansa para pamunuan ang mga operasyon ng AFP sa Mindanao.

Sa harap nito, mahalaga na patuloy na mapukaw at mapakilos ang mamamayan hindi lamang sa isla kundi sa buong bansa laban sa batas militar sa Mindanao. Bagamat Mindanao ang saklaw ng deklarasyon, sa aktwal ay umiiral ang teroristang paghahari ng pasistang rehimen sa buong bansa. Laganap ang mga pamamaslang at panggigipit sa Luzon at Visayas. Pinakamarami ang kaso ng ekstrahudisyal na mga pamamaslang sa ngalan ng “gera kontra-droga” sa pambansang kabisera.

Sa kagyat, dapat palawakin at palakasin pa ng pambansa-demokratikong organisasyon ang kilusang masa laban sa terorismo at pasismo ng estado. Dapat isa sa pangunahing panawagan nito ang kagyat na pagwawakas ng batas militar sa Mindanao.

Sa kanayunan, kung saan pinakamatindi ang mga atake ng rehimen, dapat maiwasang magkawatak-watak ang mamamayan at mahulog sila sa pagiging pasibo. Dapat malakas ang gawaing propaganda para puspusang ibunyag ang mga pang-aabuso at paglabag sa kanilang mga karapatan. Wasto lamang na dinadala ang kanilang laban maging sa mga internasyunal na korte at institusyon para papanagutin si Duterte at ang AFP.

Dapat buuin ang malawak na alyansa para sa pagwawakas ng batas militar sa Mindanao. Maaari itong buuin ng mga taga-Mindanao na nakabase sa Maynila at ibang bahagi ng bansa, kasama ang mga taong-simbahan, abugado, estudyante at iba pang demokratikong sektor.

Sa loob ng Mindanao, dapat palakasin ang mga pakikibakang masang kontra-pasista. Dapat ikumbina ang mga ito sa mga paglaban para sa disenteng kabuhayan at iba pang kagalingan.

Higit sa lahat, dapat palakasin pa ang mga bigwas ng Bagong Hukbong Bayan sa mga yunit ng AFP para ipagtanggol ang mamamayang tuluy-tuloy na inaatake nito. Dapat ilunsad ang mga taktikal na opensiba sa buong Mindanao para iwasan ang konsentrasyon sa iisa o iilang prubinsya at pwersahin ang AFP na batakin ang sarili.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180121-wakasan-ang-batas-militar-ng-rehimeng-us-duterte-sa-mindanao/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.