Monday, January 22, 2018

CPP/Ang Bayan: Manindigan para sa malayang pamamahayag

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Jan  21): Manindigan para sa malayang pamamahayag




Naninindigan ang Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan sa pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan para sa malayang pamamahayag at pagkundena sa pasistang rehimeng US-Duterte sa pagsikil nito. Batid ng mamamayan na bahagi ito ng mga hakbang ni Rodrigo Duterte tungo sa pagtatatag ng kanyang pasistang diktadura.

Layunin niyang ipangibabaw ang sariling makinarya sa propaganda, sa pangunguna ng kanyang payasong tagapagsalita, na walang ginagawa kundi sambahin siya, ipalaganap ang kanyang mga anti-mamamayang programa at bigyan-katwiran ang kanyang mga pasistang pakana.

Una nang ipinatupad ni Duterte ang pagsikil sa pamamahayag nang ideklara niya ang batas militar sa Mindanao. Nang sinalakay niya ang Marawi, mahigpit na kinontrol ng AFP ang pagbabalita ng midya sa nagaganap na mga sagupaan para itago ang malawakang pamamaslang at pagnanakaw ng kanyang mga sundalo. Sa halip, ipinakalat ng mga bayarang propagandista ng rehimen ang mga kwento ng “kabayanihan” ng mga sundalo, ang madalas niyang pagbisita at pagpuri sa mga tropa roon at maging ang pamamasyal ng mga artista at pulitiko sa “war zone” para palabasing positibo ang gera.

Sa pagtarget ng mga news source na kritikal sa kanyang rehimen, layunin ni Duterte na patahimikin ang midya sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, nais niyang isara ang larangan para marinig at mamayani ang pinakamalalakas na boses sa mga progresibo at demokratikong sektor na lumalaban sa kanyang paghahari.

Maraming mga sektor at institusyon ang kumukundena sa kabaliwan ng kanyang mga gera ng pamamaslang at pangwawasak. Walang tigil ang pagbubunyag at pagbatikos ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, gayundin ng mga pamilya ng mga biktima ng mga gera kontra-droga, todo-gera at batas militar. Sinasalubong ng protesta ang bawat pakana ng rehimen na makadayuhan at kontra-mamamayan.

Gayundin, nais niyang itago ang mga pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan, laluna ng armadong hukbo nito, para pagmukhaing nakakamit ng AFP ang hibang na pangarap nitong pulbusin ang Bagong Hukbong Bayan ngayong taon. Kasabay nito, nais rin niyang itago ang kanyang mabuway na kontrol sa AFP na binabayo ngayon ng internal na pagbabangayan kaugnay sa mga makukurakot na pondo. Nais niyang pigilan ang pagsingaw ng malalaking kaso ng korapsyon at ismagling ng kanyang mga anak at pinakamalalapit na utusan.

Integral na bahagi sa plano ni Duterte na magtatag ng isang pasistang diktadura ang pagpapatahimik sa midya. Kasabay ito ng malawakang pamamaslang, pananakot, korapsyon at pagbabago ng konstitusyon. Plano pa ni Duterte na gawing permanente ang paglilimita sa kalayaan sa pamamahayag sa babaguhing konstitusyon.

Sa balangkas na ito, kailangang mahigpit na tutulan at labanan ang atake ng rehimen sa batayang karapatang sibil ng malayang pamamahayag. Dapat lalupang palakasin ng mamamayan ang pagpapalaganap sa tunay nilang kalagayan. Dapat pagsikapan nila, laluna ng kanilang mga progresibo at alternatibong midya, ang mabilis na pagpapalaganap ng balita at impormasyon kaugnay sa maramihang paglabag sa karapatang-tao, malawakang pambobomba at militarisasyon sa kanayunan at panggigipit sa kalunsuran. Dapat lalong hindi mangimi ang mga mamamahayag na batikusin at papanagutin ang rehimen sa lahat ng mga krimen at kabulukan nito. Ibunyag ang pinakamalalaking kaso ng korapsyon, laluna ng kanyang pamilya, mga kroni, kaibigan at pinakamalalapit na kumprador at panginoong maylupa.

Katulad ng idolo niyang si Marcos, kamumuhian si Duterte ng mamamayan sa walang kapantay na pagdurusang idudulot ng kanyang mga pakana. Nagkakamali siya sa pag-aakalang mabubusalan niya ang midya at ang mamamayan at mapipigilan niya ang paglawak ng kilusang kokontra sa kanya. Sa halip, lalong itutulak ng kanyang mga hakbang ang pagbubuklod sa mas marami pang mga grupo, anuman ang oryentasyon at ideolohiya, para labanan ang kanyang paghahari at pabagsakin siya. Anumang pagkakaiba sa pagitan nila ay magiging sekundaryo sa harap ng walang pakundangang pagyurak sa kanilang mga karapatan at kalayaan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180121-manindigan-para-sa-malayang-pamamahayag/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.