Monday, January 22, 2018

CPP/Ang Bayan: Pagbusal ng rehimen sa kalayaan sa pamamahayag, nilalabanan

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Jan  21): Pagbusal ng rehimen sa kalayaan sa pamamahayag, nilalabanan

Nitong Enero 11, kinansela ng rehimeng US-Duterte ang operasyon ng online na pahayagang Rappler, isa sa mga pahayagang katunggali ng kanyang mga bayarang propagandista at malimit maglabas ng mga balitang kontra sa rehimen. Bago pa man ito, kaliwa’t kanan na ang mga atake at pagbabanta ni Duterte sa mga organisasyon at malalaking kumpanya ng masmidya at mamamahayag na tumutuligsa sa kanyang pamumuno.

Nauna nang sinupil ng rehimen ang dyaryong Philippine Daily Inquirer noong Hulyo 2017 nang bilhin ng isa sa mga paboritong kroni ni Duterte, si Ramon Ang, ang kontrol sa naturang dyaryo. Ilang buwan bago nito, sunud-sunod ang mga pagbabalita ng Inquirer tungkol sa mga akusasyon hinggil sa itinatagong yaman ni Duterte, gayundin tungkol sa kanyang brutal na “gera kontra-droga.” Matapos ang atake sa Rappler ay pinagbantaan niya rin ang dating may-ari ng Inquirer na sasampahan ng kasong pandarambong. Sa kabilang banda, kasosyo ni Ang ang rehimen at ilan pang burgesya kumprador sa pagpapatakbo ng CNN-Philippines, na magtatanggal ng di-bababa sa 60 mamamahayag at manggagawa sa midya ngayong taon.

Kasunod ng pagkontrol sa Inquirer, tinanggihan ng Kongreso noong Oktubre 2017 ang aplikasyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na palawigin para sa susunod na 25 taon ang prangkisa nito. Nakapailalim sa naturang prangkisa ang 54 istasyon ng radyo at telebisyon na pinapatakbo ng Simbahang Katoliko. Iniamba rin ni Duterte ang banta ng pagharang sa prangkisa ng ABS-CBN sa pagtatapos nito sa 2020. Sa isa sa mga satsat ng presidente, ikinagalit nito ang umano’y masamang imahe niya na ipinalalabas ng istasyon partikular sa gera sa Marawi. Kapalit ng umano’y pakikipag-areglo, inoobliga ni Duterte na magbalita ang naturang istasyon pabor sa itinutulak niyang pederalismo.

Napabalitang ipasasara na rin ni Manuel Pangilinan sa darating na Marso ang kanyang online na pahayagang Interaksyon, na masugid na naglalathala ng mga balitang kontra kay Duterte. Si Pangilinan, isa sa mga burgesya-kumprador na pinapaboran ng rehimen, ay kasosyo rin ni Ang sa pagkontrol ng Inquirer.

Maliban sa mga ito, ginigipit din ng National Telecommunications Commission ang may 30 istasyon ng radyo sa Davao Region dahil umano sa mga paglabag nito sa mga alituntunin sa komunikasyon at pamamahayag. Inianunsyo ng NTC Region 11 ang pagpapasara sa mga istasyon sa ipinatawag na press forum ng AFP at PNP nitong Enero 17.

Bago pa man ang mga atake sa malalaking kumpanya ng midya, nauna nang tinatarget ang mga myembro ng progresibong media. Kabilang dito ang iligal na pag-aresto kay Sherwin de Vera ng Northern Dispatch noong Disyembre 2017. Nakaranas din ng mga pagbabanta sa buhay ang mga mamamahayag ng Radyo ni Juan Network na sina Dodong Solis at Kath Cortez matapos ang mga pagbatikos nila sa korapsyon ng pamilyang Duterte. Ginipit naman ng militar at inakusahang terorista si Ariel Jebulan ng Manila Today habang nagbabalita tungkol sa pananalakay ng AFP sa Marawi.

Hindi lamang ligal na mga maniobra ng mga ahensya ng rehimen ang tipo ng atake sa mga kumpanya ng masmidya sa panahon ni Duterte. Tinarget din ng mga atake ang indibidwal na mga mamamahayag. Sa ilalim ng paghahari ni Duterte, hindi bababa sa anim na kaso ng pagpatay sa mamamahayag ang naitala ng Center for Media Freedom and Responsibility. Liban dito, mayroon ding sampung kaso ng panghaharas (kabilang ang mga online na atake), walong bigong pagpatay at tatlong bantang pagpatay, at tatlong pagsasampa ng kaso at isang pag-aresto sa libelo.

Ayon kay Prop. Luis Teodoro ng ALTERMIDYA, isang pambansang organisasyon ng mga alternatibong midya, ang pagkansela sa rehistro ng Rappler ay seryosong panganib sa kalayaan ng midya at kalayaan sa pamamahayag lalupa’t isinagawa ito sa gitna ng malilinaw na indikasyon ng bantang diktadurya.

Kinuwestiyon din ni Teodoro ang motibo ng kanselasyon sa batayan ng umano’y dayuhang puhunan sa Rappler, gayong itinutulak nga ng administrasyon ang 100% dayuhang pagmamay-ari ng mga pampublikong yutilidad at masmidya sa pamamagitan ng charter change. Aniya, kontra ang ALTERMIDYA sa dayuhang pagmamay-ari ng midya, ngunit lalabanan ang pagsangkalan dito para busalan ang pamamahayag. Ayon pa sa propesor, walang ibang interpretasyon sa naturang kanselasyon kundi pakana upang patahimikin ang mga kritiko sa midya at magtanim ng takot sa mga mamamahayag na nagbabalita ng katotohanan tungkol sa kasalukuyang rehimen, at pagpapanagot dito.

Noong Enero 19, umabot sa 350 mamamahayag, blogger at mga manggagawa sa midya ang lumahok sa #BlackFridayForPressFreedom na ginanap sa Boy Scout Circle sa Quezon City.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180121-pagbusal-ng-rehimen-sa-kalayaan-sa-pamamahayag-nilalabanan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.