NDF Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 18): Ilantad at labanan ang tumitinding atake ng rehimeng US-Duterte sa mamamayang Batangueño!
Patnubay de Guia, Spokesperson
NDFP Southern Tagalog
18 December 2017
Kinokondena ng NDF-ST ang mala-Martial Law na lupit ng pasistang panunupil ng rehimeng US-Duterte sa Batangas. Kaliwa’t kanang paglabag ang ginagawa ng mga pwersa ng AFP sa lalawigan sa desperasyon nitong supilin ang paglaban ng mga Batangueño at bigyang-daan ang naglalakihang proyekto dito. Ginawang lehitimong target ng rehimen ang mga ligal na progresibong organisasyon, maging ang mga sibilyang pinararatangan nitong taga-suporta ng CPP-NPA.
Sa pamamagitan ng PP374, binigyang-permiso ng nahihibang na si Duterte ang mga armadong pwersa nitong tratuhing parang mga hayop ang sinumang myembro ng CPP-NPA. Masaker, malapitang pamamaril at paglapastangan sa mga bangkay ang ginawa ng mga pwersa ng Philippine Air Force (PAF), PPSC at pulis sa 14 na Pulang mandirigmang wala nang kapasidad na lumaban sa madugong ambus noong Nobyembre 28,2017 sa bayan ng Nasugbu. Malinaw na paglabag ang mga ito sa nilalaman ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights & International Humanitarian Law (CARHRIHL) at mga pandaigdigang panuntunan sa digma.
Samantala, malisyosong ipinapakalat ng mga militar at ahente nitong drug addict ang mga lider-magsasaka sa probinsya upang gawing lehitimo ang pagmamanman, pang-aaresto at pagpaslang sa kanila. Bukod dito, sa tulong ng mga PML-debeloper sa probinsya tulad ni Federico Campos III na may dinedebelop na resort sa Laiya Aplaya sa bayan ng San Juan, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ang 7 pang lider-masa. Nito lamang nakaraang buwan, 9 na boluntir ng organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao ang inaresto at ikinulong. Kabilang sa mga isinampang kaso ang illegal possession of firearms & explosives, frustrated murder at rebellion. Kasabay nito ang isinasagawang masinsing operasyong militar, harasment sa mga komunidad sa anyo ng panloloob sa mga kabahayan at pananakot sa mga sibilyan sa mga bayan ng Nasugbu at Calaca.
Ang tumitinding militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao sa lalawigan ng Batangas ay bahagi ng sistematikong plano at patakaran ng rehimen na maghasik ng state terror sa buong bansa at supilin ang nakikibakang mamamayan.
Nasa likod nito ang mataas na pagnanais ng lokal na gobyerno at armadong pwersa ng estado na supilin ang pakikibaka ng mamamayan upang bigyang-daan ang naglalakihang proyekto ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Kabilang dito ang pinakamayayamang PML-MBK sa bansang sina Henry Sy, Ramon Ang, Lucio Tan, Don Pedro Roxas, Danding Cojuangco, David Consunji, Zobel de Ayala, John Gokongwei, Juan Ponce Enrile at marami pa. Nais nilang pigilan ang mamamayang Batangueño na ipaglaban ang kanilang mga batayang karapatan at ari-arian.
Ngunit hindi ito pahihintulutan ng mamamayan ng Batangas. Mahaba na ang kanilang kasaysayan sa paglaban sa mga katulad ni Henry Sy na nangangamkam ng kanilang mga lupain. Kung kaya, nananawagan ang NDF-ST sa mamamayang Batangueño at sa buong rehiyon na higit pang labanan ang lahat ng tipo ng pag-atake ng pasistang armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno. Ilantad at dalhin hanggang sa pandaigdigang entablado ang malawakang pagkundena at pagpapanagot sa mga kaso ng AFP at iba pang instrumento ng estado at naghaharing-uri sa paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa lalawigan. Ang papatinding pasismo ng estado ang lalong magtutulak sa matatapang na mga Batangueñong ituloy ang nasimulan ng 14 na bayani ng Nasugbu at iba pang mga martir ng probinsya. Sa pamamagitan lamang ng pinagsanib na dambuhalang lakas ng mamamayan at ng kanyang Hukbo magagapi at mapababagsak ang pasistang paghahari ng rehimen US-Duterte sa bansa.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.