Thursday, December 21, 2017

CPP/Ang Bayan: “Gera kontra-terorismo,” isang malaking negosyo

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 21): “Gera kontra-terorismo,” isang malaking negosyo

Noong nakaraang linggo, buong-yabang na ipinagmalaki ni Rodrigo Duterte ang pagbili niya ng mga bagong helikopter na ipambobomba diumano niya sa BHB. Abot langit ang kanyang tuwa, kasama ng kanyang mga heneral, sa animo’y bukas-palad na pagbebenta ng US matapos siyang mag-astang galit dito.

Ang mga armas na ito ay ipinalalabas nilang ibinibigay o nakadiskwento pero sa aktwal ay binabayaran ng mamamayang Pilipino. Bilyun-bilyon na ang ginastos para sa diumano’y modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines na ginagamit nito sa mga gerang panunupil ng estado.

Mula 2010, bumili ang Pilipinas ng tatlong lumang barkong pandigma, 17 pang-atakeng helikopter at dalawang cargo plane sa ilalim ng unang bahagi ng AFP Modernization Act. Umabot sa P90 bilyon ang inilaang pondo para rito.

Mula 2018 hanggang 2022, tatakbo na ang pangalawang bahagi ng modernisasyon ng AFP na nagkakahalaga ng P600 bilyon. Kabilang rito ang ipinagmamalaki ni Duterte na 23 pang-atakeng helikopter na inutang niya mula sa US at kailangang bayaran sa loob ng 25 taon. Alinsunod sa listahan ng AFP, ang nais nitong bilhin ay ang Bell 309 KingCobra na gawa ng Amerikanong kumpanyang Bell Helicopters. Nagkakahalaga ng $11.1 milyon ang kada isa nito noong 1995. Bago nito, bumili ang AFP ng apat na Hermes 900 Kochav (Star) na drone na nagkakahalaga ng $42 milyon (P2.1 bilyon) kada isa mula sa Elbit Systems, isang Amerikanong kumpanya na nakabase sa Israel. Dagdag pa rito ang balak na bilhin ni Duterte na mga bagong helmet at vest, mas marami pang kagamitan para sa pakikipaglaban sa gabi at gamit pangkomunikasyon.

Noong Hunyo, dumating sa bansa ang apat na M134 masinggan, 300 M4 at 100 grenade launchers sa ilalim ng programa “kontra-terorismo” ng US.

Malaking bahagi ng bagong-biling armas ay nanggagaling sa mga kumpanyang US at sala-salabat nilang mga subsidyaryo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Umaabot sa 75% ng lahat ng armas ng AFP ay gawa ng mga kumpanyang ito. Bago maupo sa pwesto si Donald Trump bilang presidente, kalakhan ng mga pagbili ay sa pamamagitan ng Foreign Military Financing (FMF) ng US. Pinakamatataas ito noong 2015 (P50 bilyon) at 2016 (P40 bilyon). Ang FMF ay paraan ng US para maibenta ang kanilang lumang mga armas, barko at eroplano. Gamit ang pondong ito, obligado ang mga malakolonya na bilhin ang mga pinaglumaan nitong kagamitan, pinaaayos at ina-upgrade mula sa sariling bulsa at binabayaran ang transportasyon ng mga ito mula sa US. Naitatambak ng US ang mga luma na nitong armas, kumikita pa ito sa pagpapaganda. Noong 2016, tanda ng kahungkagan ng mga kontra-US na buladas ni Duterte, lumaki pa ang ayudang militar nito. Ayon sa mga ulat, umabot sa $127 milyon ang ibinigay ng US mula Oktubre 2015 hanggang Setyembre 2016. Ayon sa embahada ng US, $50 milyon nito ay FMF, $1.9 milyon para sa pag-aaral ng mga sundalo, $42 milyon para sa mga aktibidad pandagat, at $33.2 milyon para sa mga inisyatiba kontra-terorismo. Para sa 2018, naglaan ng $5.7 bilyon ang US para sa FMF nito. Tulad ng ibang mga tuta ng US, todo ang pangangayupapa ni Duterte para maambunan ng pondo mula rito.

Industriya ng gera

Ang US ang nananatiling pinakamalaking tagabenta ng armas sa buong mundo. Nitong nakaraang dekada, dumoble ang naibenta nitong armas, kasabay ng pag-arangkada ng mga “gera kontra-terorismo” sa Middle East at Asia. Pinakamalaki ito noong 2011, kung saan umabot sa $66.3 bilyon ang naibentang armas ng mga kumpanyang US, tatlong kapat ng pangkabuuang benta ng buong mundo. Malaking bahagi nito ay napunta sa Saudi Arabia at iba pang mga alyado nito sa rehiyon. Bumili ang mga bansang ito ng mamahaling mga eroplanong pandigma at misayl na pinambomba sa mga grupong ISIS o maka-ISIS sa mga karatig nilang bansa.

Habang nagtutuloy-tuloy ang mga gerang ito, patuloy din ang mataas na kita ng US. Noong 2015, nasa $46 bilyon ang benta habang nasa $40 bilyon ito noong 2016. Noong 2016, P33 bilyon ng benta ay sa Saudi Arabia pa lamang. Ginamit ng Saudi ang mga bagong-biling armas nito sa Yemen, kung saan buu-buong prubinsya ang pinupulbos nito sa ngalan ng gera kontra-terorismo.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171221-8220gera-kontra-terorismo8221-isang-malaking-negosyo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.