Thursday, December 21, 2017

CPP/Ang Bayan: Mga POW sa NEMR, hindi napalaya

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 21): Mga POW sa NEMR, hindi napalaya

Mariing kinundena ng National Democractic Front-North Eastern Mindanao Region at ng BHB sa rehiyon ang hindi pagsunod ng AFP sa panawagan nito na stand down o pansamantalang tigil-putukan sa ilang baryo sa loob ng anim na araw para bigyang-daan ang pagpapalaya sa dalawang bihag-ng-digma (prisoner-of-war o POW). Nakatakda sanang palayain ng BHB-NEMR sina PO2 Jhon Paul M. Doverte at PO2 Alfredo L. Degamon ng Philippine National Police-Placer noong Disyembre 5. Hindi natuloy ang pagpapalaya dahil sa tuluy-tuloy na operasyon ng AFP.

Masahol pa, patraydor na inatake ng AFP ang yunit ng BHB na nag-aalaga sa mga bihag at inilagay sa panganib ang buhay ng mga ito. Dahil dito, nagkontra-atake ang mga pwersa ng BHB na nagresulta sa dalawang sagupaan sa pagitan nito at mga pwersa ng AFP noong Disyembre 5 at isa pa sa sunod na araw. Ligtas na nakaatras ang lahat ng yunit ng BHB. Ayon kay Maria Malaya, tagapagsalita ng NDF-NEMR, lalong matatagalan ang pagpapalaya sa dalawang POW dahil sa pagtatraydor at kawalang kooperasyon ng AFP at PNP. Ginarantiya niya sa mga pamilya ng mga ito na tinitiyak ng custodial unit ng BHB ang kaligtasan ng dalawang pulis.

Kasabay nito, kinundena rin ni Maria Malaya ang Proclamation 374 na nagdedeklara sa PKP at BHB bilang mga “teroristang organisasyon.” Aniya, lalo nitong palalalain ang mga paglabag sa mga karapatang-tao sa bansa. Partikular sa NEMR, tiyak na madadagdagan pa ang 10 biktima ng pampulitikang pamamaslang. Madaragdagan din ang mahigit 35 biktima ng iligal na pag-aresto at detensyon sa gawa-gawang kasong kriminal. Lalong dadami ang bilang ng mga magsasaka at Lumad na magbabakwit dulot ng militarisasyon at agresibong pagpapalawak ng mga minahan at plantasyon. Kung noong nakaraang taon na may mga unilateral na tigil-putukan, inokupa na ng AFP ang 70 baryo sa rehiyon, lalo pang nagawan ng kadahilanan ang kanilang okupasyon sa ilalim ng martial law.

Sa ngayon, nagdagdag na ng dalawa pang batalyon ang AFP sa rehiyon para puksain diumano ang BHB. Naglulunsad ng tuluy-tuloy na operasyong militar ang 401st at 402nd IBde mula nang ilabas ang proklamasyon at gamit ang mga pang-atake at pangsarbeylans na drone ay naghahasik ng teror sa mga sibilyang komunidad. Kinumbina nila ang mga ito sa mga huwad na peace caravan at pekeng pagpapasurender. Ipinagmalaki pa nila ang mga nasamsam diumano nilang mga armas ng BHB at paggapi sa isang abandonadong kampo ng BHB. Ang totoo, wala ni isang pormasyon ng BHB ang nawasak.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171221-mga-pow-sa-nemr-hindi-napalaya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.