Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 21): Rali kontra pasismo sa Araw ng Karapatang-tao
Malalaking protesta ang inilunsad ng demokratikong kilusang masa noong Disyembre 10 sa iba’t ibang bahagi ng bansa para kundenahin ang tumitinding paniniil, pandarahas at walang humpay na pagpaslang sa hanay ng nakikibakang mamamayan na isinasagawa ng pasistang rehimeng US-Duterte. Samantala, naglunsad ng serye ng mga protesta ang kabataang-estudyante para ipanawagan ang pagpapatalsik sa papet at pasistang rehimen.
Sa NCR, pinangunahan ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang malaking rali sa Bonifacio Shrine sa syudad ng Maynila. Nilahukan ang rali ng mahigit 8,000 aktibista. Lumahok dito ang bagong tayong alyansa ng mga nasa midya at artista na pinangalanang LODI o Let’s Organize for Democracy and Integrity. Nagpadala naman ng ng mensahe bilang pakikiisa si Chief Justice Lourdes Sereno.
Sa gabi, nagmartsa ang mga raliyista patungo sa Mendiola tangan ang libu-libong sulo. Sinunog nila sa paanan nito ang malaking larawan ni Duterte na mistulang demonyo.
Sa Bicol, mahigit sa 15,000 ang naglunsad ng rali sa anim na prubinsya. Sa Sorsogon, binarikadahan ng mga raliyista ang Gen. Escudero Provincial Headquarters ng PNP. Nilahukan ito ng mga kasapi ng Sorsogon People’s Organization (SPO). Sa Naga City, naglunsad ng programa ang mga aktibista sa Plaza Rizal. Nagkaroon din ng mga rali sa mga syudad ng Legazpi at Masbate.
Sa Panay, mahigit 1,000 ang nagrali sa sentro ng Jaro, Iloilo sa pangunguna ng Movement Against Tyranny-Iloilo.
Sa Negros, daan-daan ang nagmartsa sa sentro ng Bacolod City kung saan sinunog nila ang effigy ng dalawang-mukhang Duterte. Bago nito, hinarang ng PNP-Escalante ang People’s Caravan na dadalo sa protesta ng International Human Rights Day upang iantala ang byahe nito papuntang Bacolod. Sa Cebu, inilunsad ang rali sa harap ng kapitolyo ng syudad.
Naglunsad din ng iba’t-ibang mga porma ng pagkilos sa iba’t ibang lugar ng Northern Luzon tulad ng Ilocos Sur, Isabela, at Baguio.
Sa Mindanao, nagkaroon ng rali sa limang prubinsya. Sa Soccsksargen, pinangunahan ng Kaluhhamin, Karapatan at Bayan ang piket-protesta sa harap ng kampo ng 27th IB sa Tupi, South Cotabato.
Sa Zamboanga del Sur, daan-daan ang nagrali kasama ang mga obispo ng Iglesia Filipina Independiente at Karapatan-West Mindanao tungong Pagadian City.
Sa Davao, nagtungo sa hedkwarters ng Eastern Mindanao Command sa Panaon, Davao City ang mga aktibista. Sa Cagayan de Oro, nagrali ang mga aktibista sa sentro ng syudad.
Samantala, nagkaroon din ng mga pagkilos sa Hayward sa California, The Hague sa Netherlands, Hongkong at New York.
Nitong Disyembre 18, inilunsad ng KMP-Soccsksargen ang isang piket-protesta para kundenahin at papanagutin ang 33rd IB at 27th IB sa ginawang pagmasaker ng mga sundalo sa walong Lumad noong Disyembre 3 sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato. Ipinanawagan din nila kay Gob. Daisy Fuentes ng Cotabato na imbestigahan ang mga militar sa pagbibigay proteksyon ng mga ito sa mga kapitalistang nagmimina ng karbon.
Sigaw ng kabataan-estudyante: Patalsikin si Duterte
Noong Disyembre 16, natransporma sa isang kilos-protesta ang taunang parada ng mga parol sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City nang iparada ng mga aktibista ang isang effigy ni Duterte na mukhang halimaw na nakasuot-militar at namamaril ng mga estudyante ng UP. Nagkaroon naman ng raling-iglap sa UP-Visayas.
Noong Disyembre 13, nag-walk-out ang mga estudyante mula sa kani-kanilang eskwelahan habang nagaganap ang espesyal na sesyon ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso para palawigin ang batas militar sa Mindanao. Ang ilan sa mga estudyante ay sumama sa piket ng Bayan sa Batasan Road sa harap ng kongreso. Ang mga estudyante naman ng UST ay nagtirik ng kandila sa España Avenue.
Bago nito, ginawang tema sa taunang Oblation Run sa UP-Diliman ang panawagan para itigil ang mga pamamaslang at iba pang karahasan ng estado. Sa UP-Manila, pinarangalan sa Oblation Run ang namartir na estudyante nitong si Josephine Lapira.
Noong Disyembre 9, nag-walk out ang mga organisasyon ng estudyante mula sa kanilang mga kampus laban sa walang humpay na pagpaslang, pananakot at pagsikil sa kanilang mga karapatan. Anila, nagmimistulang martial law sa loob ng mga kampus dahil sa presensya ng PNP at AFP sa loob at mga paligid nito. Naganap ang mga walk-out sa UP-Diliman, UP-Manila, UST at iba pang mga unibersidad. Kinahapunan, nagtungo ang mga estudyante sa Mendiola.
Nagpiket din sa Mendiola ang mga bakwit na estudyanteng Lumad sa ilalim ng Save Our Schools Network noong Disyembre 9. Sa Cagayan de Oro, nagraling-iglap naman ang mga kasapi ng Anakbayan at LFS-Northern Mindanao Region sa harap ng kampo ng 4th ID.
Noong Disyembre 14, naglunsad ng protesta ang Anakbayan- Cordillera para kundenahin ang inilabas na kautusan ng CHED-UnFAST na RA10931 na nagsisilbi sa interes ng mga kapitalistang edukador.
Dahas ang sagot ng pamunuan ng Unibersidad ng Cordillera sa pamamagitan ng pagbuwag ng mga gwardya ng eskwelahan sa kanilang hanay, katuwang ang mga pulis ng Cordillera.
Pagkilos ng mga manggagawa
Naglunsad ng kilos-protesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Liga Cavite ng Timog Katagalugan sa harapan ng Department of Labor and Employement sa Intramuros Manila. Ipinanawagan nila na agad magdesisyon ang DOLE sa kalagayan ng mga kontraktwal na manggagawa ng San Miguel Yamamura.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171221-rali-kontra-pasismo-sa-araw-ng-karapatang-tao/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.